Ito yung tipo ng proyektong parang ang moda ay gawan lang ng sariling hukay ang sarili, pero baka naan may maitawid o inisip kong may maitatawid pag naisalaysay. Contest piece ito, pam-Palanca. Pinamagatan ang piyesang “Pukeng Umuutot,” dahil lang ang sarap i-imagine kung paano ia-announce sa mikropono ang pamagat ng piyesa kapag nagkataong nanalo.
Ilalakip ko sa ika-24 araw ng 31-day challenge ang larawan ni Jules De La Paz na fierce sa kanyang costume na mula sa dulang Umaaraw, Umuulan, may Ikinakasal na Tikbalang, at ang ever reliable na hubad picture ni Stephen Vinas, na medyo bagay naman sa mga binabanggit sa sipi ng piyesang ito.
***
Nasa New City kami sa Kalayaan Avenue noong pinag-usapan namin ang plano. O mas tamang sabihing, noong ibinahagi ko ang plano ko na parang isang limang taong bata na nababaliw sa excitement dahil ipapasyal sa Zoo o sa toy section ng SM. Ganoon ang ligalig ng pagdadaldal habang nakikinig naman sila–sina Y at Z na mga kaibigan ko simula pa noong nagtagpo kami sa aming writers organization sa UP, sa magkakaibang panahon at pagkakataon. Si Y na kakabalik lang mula sa kanyang Masters degree scholarship program sa UK at isang premyadong makata, at si Z na nagtapos ng Interior Design sa UST pero sinubukang mag-second degree ng Malikhaing Pagsulat sa Diliman, na sa huli’y naging MA Art Studies at paglipas ng ilang taon ay naging propesor ng Humanities 2 sa UP Los Banos (pero mas natatandaan namin siya at mas madalas pang inaasar para sa kanyang matinding-matinding pagmamahal sa mga designer bag na mas mahal pa sa mga buhay naming mga kaibigan niya, na totoo naman). Mga big time na intelektuwal at artista, lagi naming sinasabi bilang joke na hindi joke.
Maingay ang New City, nasa tapat ng kalyeng paroon at parito ang mga pampasaherong dyip at taxi. May lugar para sa mga nagyoyosi doon sa tapat ng kalyeng palaging gising, may mas malamig at de-aircon na area sa loob, pero loob man o labas ay parehong may customer na naglalasing o nagpapalipas ng pagkalasing sa tulong ng mga inumin at pagkaing mabait sa pitaka ng mga driver, estudyante, mga guro at manunulat (pati na rin ang mga kaibigang may mamahaling bag na marunong makisama). Sanay na kami sa ingay, pangalawa o pangatlong beses na naming nakadaan doon, at tinatapatan na lang namin ang ingay ng paligid sa paglakas ng sarili naming boses, habang nagsisilbi ang mga waitress na nasa itaas ng tuhod ang dulo ng mga palda. Lakas maka-beer house, kung mas macho kami humirit, o kung nagbi-beer house talaga kami. Noong mga oras na iyon, isinabay ko sa maingay na mundo ang pagbabahagi ng plano, sabay sa pag-ubos ng murang nido soup, buttered chicken at fried rice, kasabay ng pag-inom ni Y ng paborito niyang Cerveza Negra (na madalas ay pinang-aasar at ihinahambing ng ibang kaibigan sa maitim na balat ni Y), ng Coke regular ni Z (“cheat day” niya kasi mula sa pag-gym at sa no carbs diet), at ang aking Coke Zero (kunwari’y nagpapaka-healthy kahit alam ang masamang epekto ng asphartame at iba pang mga pekeng minatamis).
Tungkol sa plano ko, plano ko na susuportahan nila, sana. May itinanong si Y, sumagot ako pero nalunod lang sa dagat ng daldalan at arangkada ng mga sasakyan ang gusto kong ipaliwanag. Inulit ko ang gusto kong mangyari. Mas malakas nang bahagya sa ingay na nakapalibot sa akin, may talas ng paninindigan na parang buhay at kamatayan ang pinag-uusapan. Noong makailang ulit na ako sa pagpapaliwanag, nag-ilaw ang mga mata ni Y, bakas na sa gitna ng ingay ay nakuha na niya ang gusto kong sabihin. Pero si Y na segurista, sinigurong tama ang pagkakarinig niya, kaya inulit ang sinabi ko. Sa pag-ulit niya, parang magic namang naglaho ang tunog ng mga dyip at taxing nagpaparoon at nagpaparito, at ang dating dagat ng daldalan ay biglang naging langit na katahimikan. Parang may dumaang anghel.
“A! SO BALE GUSTO MONG TIRAHIN KA NIYA SA PUWET?”
***
Hindi iisa ang kasaysayan namin, at hindi rin iisa ang mga kalye’t kantong dinaanan namin para umabot sa estadong napag-uusapan ang utak at puso kasabay ng pag-uusap tungkol sa mga butas na pinaglalabasan at pinapasukan ng iba’t ibang dumi. Mga basura’t bagaheng hindi madalas pinag-uusapan sa tapat ng mesang pinagkakainan (hindi ka nga raw tumatae sa kung saan ka kumakain, sabi ng isang kasabihan).
Hindi sabay-sabay ang mga byahe namin ng pagtanggap sa aming mga sarili, sa aming pagkilala na oo nga, mga bakla kami. Pero sa mga oras na iyon, tanggap namin ang mga salaysay ng bawat isa. Nakarating na kami, sa puntong napag-uusapan ang susunod na sasalihan contest sa pagtula, na biglang kakabig sa mga maselang bagay gaya ng pagsuso ng burat (sabi nga ng isa pang makata). Mga scholarship sa ibang bansa patungo sa pinakabagong-labas na video ng sinusubaybayan naming mga pornstar sa Website na Sean Cody o Corbin Fisher. Mga usapang “malinis” gaya ng academic calendar shift o tuition fee increase sa UP, papunta sa mga palipad-hanging “madumi” tulad ng mga lumang biro tungkol sa bakla at kabaklaan: na ang pinagkaiba lang daw ng bakla sa babae ay dahil sa ang puke ng mga bakla, umuutot.
At kung umutot ang bakla, walang tunog, paano’y buka kung buka ang butas, parang buka lang ng bibig na laging madaldal, walang tigil sa pagdada.
