Base sa mga nangyari nitong nakaraang linggo, may naisip akong panimula para sa isang proyektong istorya. Hahayaan ko nang ang piyesa na ang magpaliwanag sa kanyang sarili. Ang isisingit ko na lang ay yung fact na ginamit ko ang pangalan ng ilang mga tauhan sa palabas na Roswell sa binubuong istorya, at ang larawan naman ay tanaw mula sa Philippine General Hospital.
***
Kontakin si Liz. Siya ang makakaalam.
Iyon ang bulto ng sagot ng mga pinagtanungan ni Max. Sa lahat ng tinext at tinawagang may kaugnayan kay Vee, si Liz ang palaging itinuturo. Hanapin si Liz. Alam ni Liz ang proseso. Kilala niya kung sino ang mga kokontakin. Hing magpapatinag si Liz. Alam ni Liz ang mga hakbang na dapat gawin, kung sakaling si Vee nga ang makita sa morge.
Sa tantya ni Max, hindi naman sila sobrang magkalapit ni Liz. Nagkita lang sila sa isang university meeting, noong ipinakilala si Max at ang mga bagong instruktor ng pamantasan. Kakaangat lang din ni Max, at kung magkalapit sila ni Liz ay makukuwento sana ni Max na aksidente lang ang lahat—na pumunta lang siya sa event ng org dahil sa naakit siya ng libreng mami na pameryenda sa forum tungkol sa peace talks. Si Vee naman, nakikita-kita lang ni Max dati, noong undergrad pa sila. Sa budget cut rally. Sa mga hagip na video ng SONA mob. Sa school paper. Alam ni Max, sabi ng mga kaibigan niyang may mga kakilalang mas maalam, umakyat na raw si Vee. Hindi na niya tinapos ang kursong Tourism.
“Magkaibigan kayo ni Vee?”
Sa Mcdo Philcoa nag-abot sina Max at Liz. Nakuha ni Max ang cellphone number ni Liz mula sa isang co-faculty na katrabaho ni Liz sa isang University Council committee. Sumagot si Liz sa text ni Max pagkalipas ng isang oras. Nag-SI daw muna. Doon sa Mcdo Philcoa magkita. Usap tayo. May sasakyan ka ba. Sa basa ni Max sa mga mensahe ni Liz, pakiramdam niya’y tama nga ang sabi ng mga pinagtanungan.
“Magkaibigan.” Kinakapa pa ni Max kung ang matipid na sagot ay dulot ng pagkakahiyaan o ganoon lang talaga kasi ang kausap. Pareho silang may hawak na telepono. Si Max, pa-text-text, pa-check-check ng FB saka Twitter, panakaw-nakaw ng tingin kay Liz habang nag-iisip ng susunod na dapat sabihin. Simple lang ang damit ni Liz, kamiseta at maong na may kasamang sneakers. Nakapusod ang buhok. Walang gusot sa mga tela, mukhang bagong laba at plantsa. Natatawa si Max sa sarili dahil pati damit ay nakikilatis na niya, palibhasa’y awkward ang sitwasyon ng bagong pagpapakilanlan.
“Sabi ni Mel unahin daw tawagan ang Karapatan, pero di ko pa ginawa. Baka kasi may iba kang advice.” Tumunog ang phone ni Liz kaya tumigil pansamantala si Max sa pagsasalita. Mukhang seryoso ang binabasa, mahaba ang text. “Pwede rin daw sa NUPL o CHR, ano ba ang protocol pag ganyan?”
“Pwede may daanan tayo sandali?” Sa wakas, naisip ni Max, nagsalita din.
“Sige, saan ba? Sa campus ba, may susunduin pa tayong kasama natin? Abogado? “
“Hindi, yung pinapa-alter ko kasing pantalon, tapos na raw. Okey lang ba?”
Sa isang stall sa SM North sila napadpad, mabuti’t bukas na at halos alas-diyes a ng umaga nagkita ang dalawa. “Talaga, papa-alter pa talaga?” Hindi na nasabi nang malakas ni Max. Nahiya na rin. Masama manghusga. Dapat bukas ang isip. Pero kasi naman, si Vee. Baka siya ang nasa morge. Talaga lang, magpapa-alter pa, ngayon talaga?
“Inggit ako sa mga taong swak na swak ang pantalon.” Naglalakad sina Liz at Max pabalik sa parking noong sinabi ito ni Liz. “Masyado akong maliit para sa normal size na pambabae. Pag teens naman, minsan sobra. Nadiskubre ko, pwede naman palang magpa-alter. Yung iba kong kilalang tibak, ganoon din. Syempre nga naman, hasel kayang habulin ng pulis tapos yung pantalon mo masyadong maluwag o masikip.” Naaliw si Max sa mga kwento ni Liz, lalo doon sa mga bahagi tungkol sa mga org shirt—na ito raw ang pinakapangunahing dapat i-alter dahil wala itong ibang layunin kundi pagmukhang mataba ang nagsusuot. Sa maiksing byahe mula North hangang East Avenue, nagkabukasan sila nang kaunti. Kailan nagsimulang kumilos, mga dahilan kung bakit nagpaangat, sino ang kumumbinsi para magpaangat. Hindi sapat ang distansya para mapag-usapan kung ano ang antas ng pagkakakilala ni Liz kay Vee.
Mabilis nilang nahanap ang morge ng East Avenue Medical Center, pero hindi agad sila pumasok. Unang beses ni Max papasok sa morge, kung sakali. Halata ang kanyang pagkailang sa posibilidad na titingin siya ng bangkay.
“Ayos lang yan.” Matapang na uli ang mukha ni Liz, malayo na uli mula sa itsura niya noong nagkukuwento siya sa mga pantalon at kamisetang pinapatahi, sa mga kuwento ng unang pakikibaka at unang pag-angat. Tinapik ni Liz ang likod ni Max, dumiretso sila sa pintuan ng morge, naglakad sa direksyon ng mesang may takip na kumot. Tumango ang attendant noong itinuro ni Liz ang katawang nakatakip, pabatid na ito nga ang pinapa-identify na katawan. Nagkatinginan sina Liz at Max. Hinawakan ni Liz ang kumot, mayamaya’y tinanggal ang telang nakatabi sa katawan.
Ilang segundo ng pagmamasid. Hindi nagbabago ang reaksyon ni Liz habang nakatingin naman sa kanya si Max.
“Hindi. Hindi ‘yan si Vee.”
Sa daan pabalik sa sasakyan, nakahinga nang maluwag si Max. Mistaken identity lang. Ibang tao ito. Hindi si Vee ang bangkay. Sino kaya ang unang kakausapin? Ano kaya ang susunod na hakbang? Tatanungin niya sana si Liz, pero bago pa makapasok si Liz sa kotse’y napaluhod ito at nagsimulang humagulgol.
