26 – Hinggil sa Ekstensyon

1

Para sa palabas na ilang beses nang tinayuan at pinalakpakan, ikaw na lang yata ang hindi pa nakanood. Sa pakiramdam kapag may nababasang kwento o tula sa libro, ang pakiramdam na bumubulong sa iyo, “parang ako iyon.” Sa pagtataka sa mga kanta at pelikulang gustung-gusto ng iba, pero ikaw ay hindi makasabay. Sa nagbabagang balitang masasagap, sabay na mapapasabi sa sariling “buti hindi ako” at “paano nga kung ako.” Sa pagbatak ng katawan at mga kalamnan, ilang minuto bago ang aktuwal na ehersisyo. Para sa huling bahagi ng sayaw, ang buwelo maging ang lundag, mga kamay na inaabot ang langit.

Para sa alulod sa kalsadang nagasgasan ng gulong, gulong ng minamanehong sasakyan. Sa pagsabi sa sariling “may nabangga ako” kahit na sasakyan naman ang may sala, kung magpapakaliteral ka lang. Para sa sapatos na binili dahil “iyon kasi ang ginagamit ni Michael Jordan.” Sa katawang pinagsalsalan, dahil ano ba, hanggang pantasya lang naman. Sa bawat naaagnas na larawan sa album na inaalikabok sa estante, mga paalala ng mas simpleng pamumuhay. Para sa pagdududa sa sariling mga alaala, baka kasi masyado nang malayo para maabot nang may integridad ng katotohanan.

Para sa bente kuwatro oras na parang palaging kulang, sa dami ng kailangang gawin at kausapin ay wala nang puwang na mapagsidlan. Para sa mga sandaling tutugtog ang kanta sa loob ng fastfood branch at maaalala ang pinakamatamis na pag-ibig o ang pinakamapait na pagkabigo, depende sa pagkakataon. Para sa sintensyang napagpaliban, deadline sa eskuwelahang iniusog dahil namatayan si Sir/Ma’am. Sa lahat ng nabuwal na katawan, at lahat ng segundong nagkaroon ka o nawalan ng pakialam. Sa kasong kinaladkad ng deka-dekada sa korte, sa sobrang haba’y ikinulong na ang nag-akusa’t nakalaya ang inakusahan. Sa bawat pagtataka sa kaibigan, kakilala, sa mahal sa buhay na hindi mo kalinya sa paninindigan, silang gusto mong sabihan ng “ha, talaga, bakit hindi mo alam, bakit hindi mo maintindihan.”

Sa gabing di makatulog, para sa mga tanong na hindi pa nasasagutan. Sa liwanag ng pagpapaliwanag, na sa dilim ng silid ay hindi mo mahagilap. Sa pangangati ng loob, parang batong nasiksik sa talampakan at suot na sapatos. Sa maingay na pagnanasang kumawala sa sariling balat, sa sariling utak, sariling silid, sariling mga pagkaabala, para sa pagkawala sa sarili. Sa sarili. Naging makasarili ka ba. Wala ka ba talagang pakialam sa iba. Ikaw lang ba ang di mapakali o mayroon pang iba.

Para sa panibagong araw ng puyat at pagtatanong. Sa paghahagilap ng pahinga at mapaghihingahan. Sa pag-antala pansamantala, pagkat kailangang pumasok sa paaralan o sa opisina, mabuti’t nakakapag-aral ka’t nakakapag-opisina (ayan, ayan, napapaisip ka na naman). Para sa sandali ng kaluwagan, busog ang pitaka kaya bubusugin muna ang tiyan at kaluluwa. Premiere sa sine, bagong imprentang libro, ang dulang napalampas pero nagka-rerun, hay pagkakataon nga naman. Para sa desisyong maglaro sa mall na dating pasyalan noong wala pang bagahe ng katandaan. Para sa lumang fighting game na dati’y dalawang token kada laro pero ngayon ay isa na lang. Para sa kalayaan para pumili ng laban at manlalaban—Hapong mandirigma, Tsinang mabilis sumipa, Amerikanong kung sumapak ay parang nabugahan ka ng tambutso ng eroplano. Para sa pagkabatid na minsan, pare-pareho lang naman iyan, same moveset, same buttons, same internal architecture din naman. Para sa buntung-hininga sa realisasyong hindi ka na napapasaya ng mga dati mong pang-aliw. Sa sandali ng unang lungkot dahil doon, at sa sandali ng panibagong pagbuntung-hininga, hingang mas may saya, dahil sa iyong tantiya, at least may pinagkatandaan, baka umusad ka naman. At least.

Para sa regalo ng panahon, para sa panahon ng buntung-hininga. Aba, napansin mo, nakakahinga ka naman pala, nakakahinga pa. Para sa pag-alala na di gaya mo, ang ibang mga kaibigan, mahal, mga kakilala, ang iba sa kanila’y hindi na humihinga (nilagyan mo na naman ng karagdagang buhat ang bagahe). Para sa panibagong pagkabahala. Bahala na si Batman, bahala na bukas.

Sa kanyang hindi mo inakalang makikinig, pero ayun na nga, siya pa pala ang makakausap. Para sa mga kaututang-dila. Para sa paglilingkis ng diwa, minsan, kasama ang katawan, marami ka namang butas na gusto mong punan at mapunuan. Sa isang mabilis na kisap ng pagtitiwala, doon sa segundong pinili mong sabihin na lang ang lahat. Lahat—ang pagkagipit ng panahon, ang pagdududa, ang pakiramdam ng batak na batak ka na sa abot ng iyong makakaya pero kulang pa rin, kulang pa rin. Para sa sandaling may magsabing, “oo, ganyang-ganyan din ang nararamdaman ko” o “hindi kita masyadong maintindihan, baka pwedeng pakipaliwanag naman.” Bagaman sa alalala mo’y parang laging tumatakas, magpapasalamat ka, para dito sa saglit ng pagpansing may nakapansin/nakakapansin din sa iyong mga pakikipagsapalaran.

Para sa pagtuldok, pansamantala. Isang saglit ng paghinga at pagpapahinga. Para sa mga wakas na pananda ng marami pang mga pag-uumpisa. Para sa mga susunod pang kabanata, batid mo mang hindi palaging ikaw ang bida.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.