Uwian

img_7255

Kahapon, habang bumabyahe sa ulan para maghanap ng pintura, napagkuwentuhan namin nina Mama at Papa ang isang eksena noong bata pa kami.  Napunta siguro doon ang usapan dahil sa pinapaayos nilang bahay ngayon, at kasama sa excitement at kabusyhan sa paghahanda ng mga semento, kahoy, at pintura ang onting pagbabalik-tanaw sa mga lugar na naging tirahan namin sa nakalipas na panahon.

Ang eksenang napagkuwentuhan ay eksena sa Fiesta Carnival sa Cubao.  Natatandaa ko iyon dahil sa sumakay kami ni Kuya sa Caterpillar at nataranta din si Mama dahil nawala ako habang umiinom kami ng gulamang binili niya.  Natatandaan kong nawala ako dahil akala ko’y isinosoli sa mga tindera ang basong pinag-inuman ng gulaman, kahit disposable cup naman iyon.  Sa pagkakatanda ko, hindi naman ako nag-isip na maliligaw ako dahil kahit anong mangyari, imposibleng hindi ko makita at mahanap si Mama.  Iyon ang bersyon ko ng kuwento.

Sa kuwento nina Mama at Papa, may kaunting dagdag.  Naghihintay pala si Papa ng bonus niya mula sa pinapasukan sa Cubao.  Dahil walang cellphone pa noon, pinag-usapan nang mas maaga kung saan magkikita–sa Fiesta Carnival.  Walang pera sina Mama at Papa kaya nangutang si Mama sa nanay ni Papa, si Lola Nene.  Nakautang si Mama ng 50 pesos, na ginamit niya para sa pamasahe namin ni Kuya (nakakandong ako kay Mama at si Kuya ay may bayad ang upuan), ginamit para sa ilang ikot sa caterpillar at tatlong baso ng gulaman ng Fiesta Carnival.  Iyon naman ang bersyon nila.

Ngayon, habang sinisikap mabuo ang panibagong lugar na titirahan ng mga magulang ko dito sa Laguna, naiisip ko na napakasuwerte ko rin at nagkaroon ako ng mga magulang na may ganoong sentimiyento–na gagawin nila ang lahat para hindi maramdaman ng mga anak nilang may problema sa mundo. Kagila-gilalas na nakayang gawin nina Mama at Papa na parang isang malaking pista ang singkuwenta pesos.  Malayo na nga rin ang narating namin simula sa singkuwentang iyon, malayo’t hindi palagiang patag at panatag na paglalakbay.  Pero heto, may kaunting pondo at pagkakataong magpatayo muli ng panibagong espasyo, may sabay na kilig at kaba dahil may unti-unting nabubuo habang unti-unting nababawasan ang mga napag-ipunan, nananalangin na magkaroon ng sapat na luwag at mga milagro para maipagpatuloy ang mga nasimulan.  Pero sa pangkalahatan, para sa lahat ng nagawa nina Mama at Papa, maliit na bagay na lang iyan.  Pintura, semento, kahoy, yero, salamin, mga pira-pirasong pagkilala at pasasalamat sa lahat ng mga nagawa nila.  Sa ngayon, sa puntong mas marami nang sakit sa katawan ang mga magulang, ngayong mas iniinda na ang edad at pagtanda, mukhang kasama na sa mga misyon ko sa buhay ang siguraduhing sa abot ng makakaya ko, mararamdaman nila na may sisilong sa kanila palagi, at lagi nilang maiisip ang ginhawang katulad ng pakiramdam ng pag-uwi.

img_7257

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.