Ang 2016 Ko

Mukhang change ang slogan at mantra ng maraming tao mula sa natapos na taon hanggang sa panibagong yugtong kakapasok lang.  Una sa lahat, kailangang kilalanin ang napakaraming pressure na nararamdaman mula sa panibagong pamunuan.  Nasa yugto tayo ng malakihang transisyon, at magandang mag-umpisa sa paghahayag na imposibleng hindi kumiskis at manggasgas sa sarili at sa mga pansariling disposisyon ang ganito kalaking puwersa ng pagbabago.

Kaya siguro may kaba ako sa pag-uumpisa ng taon.  Paano, sa pagsalubong ng 2017 ay malalang sipon at ubo agad ang dala ko.  Nakakulong sa bahay maliban na lang pag may mga kailangang sadyain gaya ng pagkain ng aso o pambayad sa bills.  May kaunting pasabog pa sa trabaho kung saan ang perang nasa bangko na ay posibleng ipabalik sa akin, kahit pa sa usapin ng proseso’y alam kong hindi sa akin nagmula ang pagkukulang.  Nitong mga nakaraang araw, habang mag-isa sa bahay at nagpapahupa ng sakit, gusto kong maghanap ng masisigawan gaya ng pagsigaw sa amin ng isang dating guro noong nabwisit namin siya nang hindi sinasadya–“sinisira ninyo ang birthday ko!” Kahit na, gaya ng sa kaso ng dating guro, wala namang kamalay-malay ang mundo na nalalapit na ang kaarawan ko, at hindi naman tumitigil ang pag-ikot ng daigdig sa mga pansariling kaba at pagkabwisit.

Kung anuman, itong ilang araw ng pananahimik ay nagbigay ng pagkakataong balikan ang mga nagdaang larawan at alaala. Lagi ko namang inuuwian ang mga larawan kapag nakakaramdam ako ng mga munti at malaking kabog.  Gaya ng dati, sa pagbabalik sa mga litratong nakunan, mapapabuntung-hininga ako sa sarili at mapapasabing “ang daming nangyari!”  Naka-leave man ako sa trabaho at (dapat ay) nag-aaral, nakasulat at nakatulong sa pagtatanghal ng mga dula (nakalima din ako nitong 2016 a), nakaambag sa ilang publikasyon, nakadalo pa sa isang kumperensiya.  Pak na pak, ika nga, ang aspekto ng trabaho.  Nakapasyal din naman.  Nakakain at nakainom.  Sa ilang piling mga saglit, nakaastang yayamanin, kahit syempre ay hindi.

Lumipat ng bahay sina Mama at Papa, isang proyektong sinuportahan ko sa abot ng makakaya.  Alam ng mga nagbabasa dito na naospital na ang tatay ko noong 2013, at baka nasabi ko na ring si Mama rin ay na-confine nitong Marso 2016. Nakakatakot magkaroon ng mahal sa buhay na nagkakasakit.  Napapaisip ka sa mga sariling kahinaan at limitasyon, at kahit lumipas na ang saglit ng krisis ay natataranta ka pa rin, lalo kung ang mindset mo ay siguraduhing lagi silang malusog at masaya.  Baka ganoon naman talaga pag may kamag-anak o minamahal kang nakikitang nahirapan o nasaktan, kapag nakabawi na’y magpapakataranta ka para masigurong hindi na mauulit–o maiwasan man lang–ang pagdanas ng sakit o hirap.  Madrama, pero ganoon talaga.  Mas mahirap magkapasentimental kapag wala na ang mga taong pag-aalayan.

At sa gitna ng mga sariling pagkataranta, nakasingit naman ng ilang pagkakataon para mangsurpresa at magpasaya.  Mga simpleng pagdiriwang para sa kaarawan, binyag, anibersaryo, kasal. Mga maliit na pagkilos para mabigyan ng magandang araw ang mga nakakaengkuwentro.  Hiling ko nga, sana’y kung ano ang mga nagawa ko para sa mga nasa sariling sirkulo’y natumbasan ko ng pagtulong sa mga adbokasiyang mas malawak.  Na hindi ko na ililista, siguro’y ako na lamang ang magtatasa ng mga pagkilos sa labas ng karelasyon, trabaho at pamilya.

Naaalala ko ang isang tangkang magsulat ng sanaysay, tungkol sa pagpapagawa ni Mama ng mga Christmas light.  Ito yung panahong mas madalas na silang nasa Laguna at bihira nang umuwi dito sa Caloocan.  Kahit ganoon ang setup, tuwing magpapasko’y sinisiguro niyang makakapagkabit ng mga munting ilaw at dekorasyon sa bahay na di na naman nila tinutuluyan. Naaalala kong nangungulit siya kapag may mga ilaw na sira, nangungulit na maipagawa kahit may pagkakataong mahal ang singil. Ang natutunan ko noon, na hindi na naman din pinakaorihinal na ideya, na sa gitna ng mga pagbabago, sa gitna ng mga paglilipat-lipat–espasyon man yan, tindig, sensibilidad–hindi mawawala ang pagnanais na magbigay ng kaunting kisap ng liwanag.  Mga maliit na kindat, halos hindi mapapansin lalo’t madalas mangsilaw at magmadali ang panahon, pero may sapat na liwanag para magbigay ng kapanatagan sa kanilang naghahanap ng karamay o kausap.  Maliit na kislap ng pag-asa, munting bulong na nagsasabing “uy, relax ka lang, di ka nag-iisa.”

Kaya salamat sa inyong mga munting piraso ng liwanag na hindi napapagod sa pagkisap at pagkindat. Aabangan ko ang mga munting pitik ninyo habang nagpapatuloy ang mundo sa kanyang mga pagbabagong-bihis at paglilipat-lipat.  Ganoon din naman ako, magsasabi ng “okey yan,” “bagay sa iyo yan,” “ganda/gwapo mo kaya,” “kaya mo yan, ikaw pa!” Ganoon din naman ako, patuloy na magliliyab kahit na minsan ay aandap-andap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.