Throwbacks at Way Backs

May isang larawan akong naaalala, isang larawang hindi akin pero inaaangkin ko ang pagtanda–tatlong magkakaibigan, nakaupo sa tambayan ng mga org sa gilid ng isang gusali.  Nasa bente anyos ang magkakaibigan, nagtuturo silang lahat–isa sa high school at dalawa sa kolehiyo.  Galing sa klaseng Masterado ang dalawa, ang isa’y naghahanda na lamang tapusin ang tesis.  Wala na ang mga toldang nagsisilbing bubong sa mga tambayan, ni hindi na naabutan ng magkakaibigan ang mga toldang iyon.  Sa hubad na sementadong bangko at mesa ng org tambayan, nakaupo ang tatlong magkakaibigan.  Mataas pa ang araw kahit palapit na ang ala-singko.  Sa pagtama ng liwanag sa tatlong nag-uusap, sinisikap nilang tuldukan ang isyung pinagtatalunan.  Ang isyu–magmemeryenda ba o kakanta, kakain ba o bibirit sa videoke.

Naaalala ko lagi ang larawang iyon dahil may mga litrato din ako mula sa sariling karanasan, mga alaalang nahuli ng camera o/at ng isip, mga eksenang may pamilyar na wangis. Ganoon din ang moda ng mga nahuling larawan, mga bakas ng pagpapaalala na may mga panahong hindi naman kasingkumplikado ng ngayon ang mga bagay-bagay.  Ano ba ang kakantahin sa videoke.  Ilang isaw ba ang bibilhin.  Tatakas ba sa meeting.  Magpapaumaga na ba sa bahay ng kabarkada.  Sa mga larawan, may iba-ibang mga kasama.  Ang mga karamay sa pagtatangkang sagutin ang mga tanong na dati’y buhay at kamatayan sa sariling pagtatasa–may magkakagusto ba sa akin, matatapos ko ba ang gradwadong pag-aaral ko, mare-renew ba ako kahit inaway ko ang boss ko, magiging sikat na tao ba ako, magiging ako ba yung taong gusto kong maging ako.  At habang sasabihin ng katandaang gulang na ilusyon lang ang lahat ng iyan, hindi rin naman ganyan kasimple ang mga panahong iyan, hindi lang naman ang sariling pagtanda ang dapat na tinatandaan, may tukso at halina pa rin ang pagbabalik-tanaw sa mga nahuling larawan.  Nakakatukso at nakakahalina minsan, ang maghirayang hindi pa lumipas ang lahat ng mga inaalala.

Pero may pinagkatutunan naman ako kahit paano, may kaunting katinuang inani ang pagdagdag ng gulang.  Sa ngayon, mas nasesenti sa mga larawang mabubuo pa lang, doon sa mga kakilala at kaibigang sa tingin ko’y nagtatanim pa lang ng mga larawang may kanya-kanyang panahon ng pagsibol.  Minsan ay makikita ko sila, mapapanood, mapapakinggan.  At doon dumadapo ang pagsesenti, lalo pag ang eksenang pinagmamasdan ay natatantiya kong papunta sa wangis ng ilang larawang nakatanim na sa sariling gunita.

Sa partikular, may lungkot at kaba sa mga bakas ng pag-alis, hindi man ako ang direktang dadanas ng paglisan. Marami-rami na rin akong naipong litrato, maraming nahuling larawan at alaala.  Sa sariling pagsipat, isang bulto ng pelikula ang lahat, o isang tagpi tagping TV series kung saan mga mahal sa buhay ang bida.  Sa pinakasimple, nalulungkot ako pag may cast member na nawawala, lalo pag sa tingin ko’y pwede pa, may itatagal pa.  Sa imahinasyon ko, gusto kong laging maging masaya at sama-sama ang mga itinuturing kong bida.

Pero ayun, may isang tauhang hindi kakayanin ang pag-aaral kaya titigil na.  May isang maiisip na hindi para sa kanya ang buhay guro.  May isang hindi pa alam ang dapat niyag puntahan, pero alam niyang malinaw na hindi na niya buhay ang paglalakbay kasama ng mga dating katuwang sa pakikipagsapalaran.  May isang baliw lang talaga, wala lang nakapansin dati.  Pero minsan, wag ka, hindi ganoon ang nangyayari.  Minsan okey naman.  May puwang naman para sa surpresa ang tunay na buhay, at mukhang masyadong mayabang ang isiping ang sariling danas ang salamin ng lahat ng danas ng buong mundo.  Baka nga, di ko lang napansin, sa palabas ng ibang alaala, ako pala ang kontrabida.

Ang malinaw, nagbabalik-tanaw dahil may natapos na.  Nagmamasid dahil may nangyayari nang iba.  May mga larawan, at sa mga larawan ay may mga mukhang nakangiti’t may bakas ng saya.  Doon sa mga larawan, may mga umalis at may natira.  Paminsan-minsan, masisingit ang pagsilip sa sariling mukha, hayun siya’t nakasiksik sa napakaraming inipong mga sandali.  Masisilip mo ang sariling mukha, parang ikaw na hindi.  Naroon at wala na rin.

Kung anuman, bukod sa oo—kahit nega–may mga tao at larawang ganoon na nga, ayun na, tapos na, gaya ng napakaraming bagay sa daigdig, pero dahil may kakayahang umalala at mag-alala’y marami pang pwedeng umpisahan at mag-umpisa.  At kung anuman, pwede namang baliktarin ang pagtingin.  Minsan may larawan, minsan may mga tauhan at tagpuang ngayon ay wala na, pero may mga natira, may mga nanatili.  Posibilidad ang panahon.  Klik lang nang klik.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.