Kaarawan ni Tanya

Isa mga sa mga matingkad na alaala namin ni Tanya ay ang isang hapong niyaya ko siyang magkuwentuhan sa gitna ng UP Sunken Garden sa Diliman.  Natatandaan ko ang kaba noong hapong iyon, paano’y unang pagkakataon na magkukuwento ako sa mga unang karanasang sa pandama ko dati’y pinakamahalagang karanasan sa buong mundo–ang ma-in love sa unang pagkakataon, makahalik at mahalikan sa unang pagkakataon, makalampas sa halikan sa unang pagkakataon, masaktan at maiwanan sa unang pagkakataon.  May extra kaba lang dahil may kaunting dagdag sa istorya, at ang kaunting dagdag ay ang fact na may etits din ang taong pinagmumulan ng mga istorya ng una.  Sa madaling salita, isang malaking coming out story ang alaalang ito, kasama ni Tanya.

Maraming pasikut-sikot, pero tanda ko nang naibahagi ko na ang pasabog na parte, halakhak ang isinalubong ng kaibigan ko sa akin.  “Sorry,” sabi niya, habang tumatawa pa rin, “akala ko kasi kaya mo ako niyaya dito ay para sabihing may gusto ka sa akin.”

Tingin ko, iyon ang isang sa mga naging pananda na magiging espesyal ang pagkakaibigan namin.

2002 pa ang alaalang iyon. Minsan, baka nga madalas, nawawala sa isip ko kung gaano na kalayo ang pangyayaring iyon sa amin. Minsan, iniisip kong kapareho pa rin ng ihip ng hanging Enero ngayon ang pakiramdam ng hangin sa mga unang buwan ng Pebrero 2002, noong niyaya ko ang kaibigan kong sumalampak sa damuhan ng Sunken Garden.  Sa napakaraming mga taon, isa siya sa mga unang pumapasok sa isip pag may ibabahaging mahalagang balita tungkol sa akin.  Tagumpay man o pagkasoplak, saya man o lungkot, kasama siya sa mga nais hingahan ng mga niloloob.

Di ko na matandaan kung kailan nasimulan ang ritwal na kapag kaarawan namin, dapat kami ang magkasama. Siya sa Disyembre, ako sa Enero.  Basta, iyon na ang nakasanayan. Kasama sa post na ito ang larawan ng pagdiriwang namin ng kanyang kaarawan. Sa loob ng ilang araw, magkikita na naman kami para ipagdiwang naman ang araw ng aking kapanganakan.  Ako at ang kaibigang si Tanya, kasama ang iba pang mga mahal sa buhay. Syempre, pagdating sa mga maipo-post na larawan, siguradong ilalagay na naman niya ang hashtag na #familytime.  Tama naman iyon.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.