Time Space Warp

Parang may daya kapag umuuwi ako sa Cabuyao, o kapag nagagawi sa Laguna sa pangkalahatan.  Paano, kahit ano ang mga nakapilang gawain sa kamaynilaan ay parang humihinto ang lahat.  Humihinto o naisasantabi.  Laging may pakiramdam na kailangang magbagal muna.  May mga kailangang ihinto.  Nangyayari iyon na parang bula o force field na bumabalot sa maliit na bahagi ng ginagalawan namin.  Maliit at natatanaw ang bula, pero baka ako lang ang nakakakita.  Nakikita o nararamdaman na nariyan siya, lalo’t paminsan-minsan ay may mga sumusundot-sundot na paalala ng buhay sa labas.  Isang text para sa budget sa workshop.  Email notification, reading list sa pinaghahandaang eksaminasyon.  Tawag mula sa opisinang tagapagbigay ng inaasahang grant, nagsasabing hindi sila magbibigay ng grant.  Hindi ganoon katibay ang bula, pero hindi rin naman ito pumuputok nang lubusan.

Parang eksena sa mga napapanood kong may kaugnayan sa science fiction o pantasya.  Isang alternatibong mundo.  Mayabong ang mga puno, o makislap ang mga sasakyan.  May panatag na huni ang paligid–mga makina, tindero sa palengke, lawiswis ng mga dahon.  At anuman ang kislap o liwanag ng lugar, parang may natatanaw na sapat na antas ng kulimlim.  Parang laging may nakaambang ambon, parang laging may amoy ng basang damo o dahon.  Sinusukat ko pa man din ang maraming magandang alaala sa ganoong pakiramdam–sa pakiramdam ng may lamig.  Iniisip kong lahat ng alaalang may kaakibat na sensasyon ng lamig ay isang magandang alaala.

At doon may kaunting kaba.  Kasi, kung ganoon ang pakiramdam sa pinapanood na eksena sa pelikula, siguradong mayamaya’y susulpot na ang mga alien na mananakop.  Ilang minuto lang, babangon na ang natutulog na halimaw at lalamunin na ang sambayanang hindi handang makipagtunggali sa mabangis na higante.  Isang iglap lang, yayanig ang lupa at aangat ang umaasong lava, o sisirit ang tubig na aapaw nang aapaw hanggang sa mawala ang lahat.

O, halos lahat.  Pagkat sa isang panig ng niyayanig na mundo, naroon ang bayani.  Ang bayaning nagtago pansamantala.  Nagtago dahil may hindi kinayang karanasan sa tinakasang lupain.  Tumakas dahil may lakas na hindi tumumbas sa kalaban.  Hindi na kayang manlaban, sa sariling tantiya, at inisip na baka naman matatakasan ang lahat at hindi na aabutan ng kapahamakan.  Basta sapat ang layo.  Syempre, sa halos lahat naman ng ganitong mga palabas, ang feelingero na iniisip na siya ang bida ng lahat ay magkakamali.  Nariyan naman ang digmaan.  Nalayuan lang niya, pansamantala.  At sa maraming dahilan, maraming baryasyon ng motibasyon, magdedesisyon siyang panahon na para harapin ang kanyang mga digmaan.

Ibang bagay pa siguro yung pag-iisip na buti pa ang bida, may oras pa para mag-assess at mag-flesh out ng pagkabida niya.  Yung ibang mga tauhan, sa umpisa pa lang ng palabas ay ligwak na.

Ganoon ang takbo ng mga bagay, mas o menos, paminsan-minsan, minsan mas madalas sa minsan.  Pero nakahanap ako ng solusyon, kung problema nga ang binubuno ko, sa ngayon.  Kailangan lang alalahanin na bago ang mga konklusyon, naroon ang mga pag-angat.  Ang mga yugto bago ang pinakamalaking digmaan.  Ang punto ng mga pagdedesisyon.  Ang  pagdedesisyong may pupuntahan ang mga desisyon.  Kaya, sa ngayon, muli, ang mga salita at larawan:

Na, sa araw bago ang digmaan, pumasyal kami sa lugar malapit sa lawa, at pakiramdam namin ay amin ang buong mundo.

Sa araw bago ang digmaan, nakapagpatayo kami ng panibagong pugad at nanalig kaming titindig ito at sisilong sa amin nang lampas sa abot ng aming mga taon.

May malaking digmaang nakaamba, pero nagkaroon ng saglit para mapaos sa pag-awit ng mga paborito naming kanta.

Ilang oras bago ang dakilang gutom, nakapaghanda kami ng meryenda para sa mga bisita.

Bago dumating ang gera, nakapuslit kami ng ilang sandali para magkunwaring mga modelo sa binabasang mga magazine.

Kumain kami ng mais at nag-isip kung angkop nga ba ang itsura ng lalagyan ng paminta at asin, lalo pa’t paparating na ang malaking labanan.

Bago kami sumabak sa pakikipagsapalaran, nagsuot kami ng kamisetang may nakakatuwang disenyo, at sa amin ay sapat na sapat na iyon.

Dumayo kami sa lumang simbahan kahit may nakapaligid na kapahamakan, at kahit may hinahagilap ay may mga oras na alam naming hindi kami kulang at nagkulang.

Doon, doon sa araw bago ang digmaan, inakyat namin ang pinakamataas na lugar na kaya ng aming mga sasakyan, nakaramdam ng lugod sa pakiramdam na abot-kamay ang alapaap.  Kumain kami sa restaurant na hindi namin madalas pinupuntahan, mahal kasi, pero minsan minsan lang naman, malay namin, baka mamaya-mayamaya may digmaan na, at least nakakain na.  At naabot ang langit, kahit nakatungtong sa lupa.

Ayun, sa araw bago ang digmaan, nagkaroon kami ng mga larawan at inisip na oo, sapat na, sapat na sapat na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.