Naghihintay ako ng mga proyektong isusumite para sa Malikhaing Pagsulat 10, isang GE course na nagtuturo ng ilang mga batayang konsepto at anyo ng malikhaing pamamahayag sa Filipino. Isa sa mga pwedeng gawins a klase ay isang malikhaing akdang may kaugnayan sa anumang dulang mapapanood ng mga estudyante sa loob ng isang semestre.
Natanggap ko ngayon lang ang tulang isinulat ni Iggy Sandrino. Ibabahagi ko ang soneto niya sa mga nakakabasa ng blog na ito:
Pagsusumamo ni Kunti
Paano makamit ang katahimikan
Kung ang ingay ay nanggagaling sa loob
Paano pipiglas mula sa piitan
Na sarili lang din mismo ang naghubog
Ang mga tanong ng isang nagpapanggap
Habang nagkukubli sa likod ng ngiti
Nanlilimos ng sagot sa iyong harap
Mga mali’y paano pa mababawi?
‘Di man maibalik ang panahong lumipas
Sana ay maging sapat itong pag-amin
Ng isang inang humihingi ng tawad
Om Shanti. Kapayapaa’y mapasatin
Hindi makahahadlang maging Samsara
Sa katotohanang bigkis nating dal’wa





