Field Trip sa Tindahan ng Thai Food sa Elbi, atbp.

Tingin ko’y parang nasa time-space warp ako noong mga nakaraang araw.  Hindi naman dahil sa may kinakalabang mga kakaibang halimaw, mas dahil lang sa pakiramdam na habang abala at stressed/kabado/kabado/excited/agitated ang marami sa mga mangyayari sa eleksyon ay nakatuon naman ang weekend ko sa lakad ng pamilya.  Kaarawan ng pamangkin kong si Nimra noong Linggo, na kasabay din ng Mother’s day.  Bukod sa dalawang okasyon, semi-despedida din ito sa kuya kong si Bryan na nakaalis na pabalik sa Saudi nitong nakaraang Martes.

Simple ang naman ang itinerary sa kaarawan ni Nimra/ Mother’s day/ despedida–simba sa Padre Pio, tapos kakain sa Isdaan sa may Calauan/Bay.  Mahaba-haba rin ang byahe mula Padre Pio pabalik sa Calauan, at nagkataong pagdating doon ay naroon na rin pala ang kalahati ng populasyon ng Pilipinas.  Akala pa man din namin ay kami lang ang nakaisip na mag-floating restaurant.

Naisipan naming dumaan sa UPLB at doon maghanap ng makakainan.  Baka mas maluwag dahil mas tago ang ilang mga kainan doon.  Naalala namin ng hipag kong si Phia ang Baan Thai, ang Thai Restaurant malapit sa Elbi campus, na pinagkainan din namin kasama ng mga kaibigang guro sa Elbi noong nag-prenup photoshoot sina Kuya at Phia.  Nagkataong gusto rin pala ni Papa ng Tom Yum, medyo na-excite siya na kakain kami sa Thai Restaurant.  Swerte namin, maraming naka-park sa paligid ng Baan Thai pero sa ibang mga restaurant sila kumakain.  Walking distance ang isang branch ng Mer-Nel’s chocolate doon, kaya nilakad namin ni Kuya ang tindahan para makipagsikisikan sa mga pumipila para sa Mother’s day gift na cake.  Mga 20-25 minuto lang naman ang itinagal namin doon at nakakuha na ng dalawang medium heart na chocolate cake.  Na hindi rin namin nakain doon, nabundat na kasi  sa bagoong rice, tom yum, catfish salad, lemongrass chicken at spring rolls.  May extra saya pa noong nagamit namin ang discount card ni Papa para sa pagiging senior. Oks na rin kahit yung share lang niya ang kinaltasan sa bayad.

Nag-request ang pamangking si Barrick na tumakbo-takbo sa damuhan ng Elbi, kaya kahit niloloko namin siya na hindi naman niya birthday ay dumaan kami sa may Freedom Park para makatakbo siya saglit.  Bago iyon, nanlibre si Mama ng mga inumin sa katabing Art Cafe, na dahil Linggo ay kaunti ang tao.  Doon din inilatag ang dalawang puso ng Mer-Nel’s para mahipan ng mga celebrant–si Nimra, at ang dalawang nanay na si Mama Susan at si Phia.  Naiyak si Barrick dahil hindi siya nakaihip ng kandila.  Pero okey lang kasi hindi naman niya birthday, at saka nakalimutan naman niya agad ang mga bagay-bagay noong nakatakbo na siya.

Tumambay kami sa may fertility tree.  Naghanap ng mauupuan/mahihigaan ang pamilya habang abala ang bunso sa pagtakbo-takbo.  Biniro pa namin si Barrick–noong huling takbo niya’y nagtago kaming mga naiwan sa likod ng malaking puno.  Pagbalik niya mula sa kabilang dulo ng field, medyo kinabahan siya na wala na siyang makitang kamag-anak.  Pero mabilis naman niyang nabisto ang pagtatago namin, lalo noong nakita niyang sumisilip-silip si Papa mula sa likod.

Mabagal ang usad ng mga bagay sa Pansol lalo ngayong tag-init, nakakahilo ang hampas ng maalinsangang hanging hindi kinakaya ng aircon.  Pero kahit matagal-tagal ang pananatili sa naipit na trapiko, nagkaroon pa ng oras para maglaro sa arcade doon sa Centro Mall sa Cabuyao.  Napagdiskitahan pa naming makikanta sa videoke na free for all.  Nakadiskarte ako ng isang Eraserheads, si Phia ay naka-Jennylyn, si Papa ay nakapag-Beatles.  Kinagabihan hanggang kinabukasan, sinubukan ni Mamang gayahin ang mga pagkaing natikman sa Baan Thai.  Nagpaalam ako sa kanila pagkatapos nilang bumoto noong Lunes.  Nagpaalam na rin si Kuya dahil flight na niya kinabukasan.  Tapos, balik na sa dating buhay.

Noong mga sampu o dalawampung taon ang nakaraan, hindi ko naisip na magiging Laguna ang sanktuwaryo namin mula sa iba-ibang mga pasanin ng buhay.  Pero nitong mga nakaraang isa hanggang tatlong taon, parang ito na ang regular na takbuhan.  Murang languyan sa Pansol.  Bisita Iglesia.  Kainan pag may kaarawan o anumang espesyal na okasyon.  Minsan kahit kapos sa pera, makatakbo lang sa Freedom Park sa Elbi, solb na ang mga tao.  Syempre, gaya ng hinihiling ko palagi, sana’y magkaroon ng sapat na lakas at kalusugan ang pamilya para magkaroon pa ng pagkakataong magsama at maging masaya kasama ang bawat isa.  Lagi ko namang nasasabi na lalo ngayon, mabilis na talaga ang takbo ng oras.  Mahalagang manamnam ang kaligayahan sa mga maliit na pagkakataong naibibigay sa lahat.

At habang umaandar ang mga responsibilidad dito sa siyudad, hinuhuli ko ang alaala at kwento dito sa aking munting espasyo.  Para may mabalikan kahit paano.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.