8 – Ang mga Multong Salita

Maraming kwentong ospital sa pamilya nitong mga nakaraang buwan.  Maraming mga napag-isipan at maraming gustong pagyamanin pa sa iba’t ibang sulatin.  Para sa ikawalang araw nitong 31-day Writing Challenge, sinubukan kong tumahi ng isang imbentong kwento mula sa mga napulot na piraso ng kwentong-pamilya, kwentong-kaibigan, at iba pang mga pinaghugutan.  Sana’y mabalikan ko ito at mapakinis o maidagdag sa mas malaking proyekto.

***

Isang linggo lang ang kinailangan para bawiin ang mga salita ng kanyang ina. Taksil na kalaban ang stroke, alam na naman niya ito. Una na niyang naranasan ang krimen sa kanyang ama, na nagbanyo lang at umire. Isang malakad na ungol at tatlong araw ang lumipas, agad nang namayapa. Mapalad pa sila, sabi ng bisita ng kanyang ina, iyong madalas na kalaro ng ina niya sa madyungan, mapalad pa sila dahil ang binawi lang sa ngayon ay ang kakayahang magsalita.

Unang araw, nagreklamo daw sa init. Nakaligo pa raw, sabi ng kasama sa bahay. Naglaro pa yata noong nakaraang gabi. Hindi na niya masiguro. Bihira na naman talaga silang makadalaw, mas sa kasama sa bahay na lang nangangamusta. Kamusta si Nanay. Nagpuyat ba uli. Naglaro ba na naman. Nagsisigarilyo pa ba. Unang araw pagkatapos matumba, kinagabihan, pagsugod niya doon sa ospital, nabubulol pa lang. Nauutal, ang mga aso, ang delivery ng tubig, ang pera doon sa may tokador, hindi na mabuo ang pangungusap, siya na lamang ang nagtatahi kasama ng katulong. Kinabukasan, hindi na maigalaw ang kaliwang braso at paa, puro ungol na lang din ang kayang gawin. Ikatlong araw, napapaiyak na lang ang kanyang ina habang ngumanganga, tumutulo ang laway dahil hindi na nakakabit ang pustiso sa bibig, Parang tumanda nang ilang taon, sa loob ng napakaiksing panahon.

Ayaw niyang isiping sa ganito lang matatapos ang lahat. Sa totoo lang, marami siyang ayaw isipin. Ang mga anak na nakalagak muna sa bahay ng ina, naghihintay na matapos ang pagpapagamot para makabalik na sa pagpasok sa eskuwela. Ang sariling listahan ng mga trabaho at responsibilidad na kailangang tugunan, mga gawaing itinigil pansamantala, habang nasa ospital ang ina. Ang posibilidad na gaya ng nangyari sa ama, hindi na ito mapapagtagumpayan ng kanyang ina. Ayaw niya. Masyado pang maaga. Ano ba naman ang isang linggo para sumuko. Paano niya susukuan ang inang tuwing nagkakaulirat ay tumitingin sa kanya, matalim, malalim, nangungusap ang mga luhang umaagos, habang bumubuka ang bibig at nagpapakawala ng laway at hanging walang nakakaunawa.

Hindi niya gusto pero nariyan na. Tulad ng sa mga saglit na may kapatid na nagte-text, may kaibigang tumatawag, may kaibigan ng pamilyang bumibisita, hindi niya gusto ngunit sa tuwing may nangangamusta, doon sa napakabilis na linggong iyon, bumabalik siya sa isang Linggo ng kanyang kabataan. Noong siya’y high school pa lamang at pareho pang malayo sa katandaan ang kanyang mga magulang. Halos dalawang araw na siyang hindi nagpapalit ng suot na uniporme, paano’y Biyernes pa lang ng hapon ay ipinaalam na siya ng ina sa kanyang ama, na bibisita sila doon sa malayong kamag-anak, doon sa malayo sa bahay nila, doon na lang siya magbibihis at magpapahinga, tutal ay lagi naman silang doon bumibisita pagkatapos ng isang linggo ng eskuwela. Ang hindi alam ng ama niya, doon sila sa madyungan dumidiretso ng kanyang ina, sa isang bahay ng kaibigan, dalawang palapag na puno ng mga mesa’t iba’t ibang manlalaro, naghahalo, sumasalat, nagbabatuhan ng mga pusta at kuwento. Doon, sa isang mesa, Biyernes pa lang ng gabi’y mauupo na ang kanyang ina. Wala nang tayuan, hanggang sa dumating na ang Linggo ng umaga, kung kailan tutuloy na sila sa bahay ng kamag-anak nila.

Pero sa partikular na Linggong iyon, maggagabi na’y hindi pa natatapos ang laro. Diring-diri na siya sa alingasaw ng sarili. Kating-kati na siyang lumayas sa impyernong iyon. Nanay, gabi na po, umuwi na po tayo. Nanay, naiwan ko yung isang notebook ko sa bahay, may kailangan akong gawing homework. Nanay, matagal pa po ba? Nanay, baka hinahanap na po tayo ni Tatay. Nanay? Nanay?

Nanay!

Nagulat siya sa kanyang pagtili. Natigilan ang mga naglalaro sa ikalawang palapag. Napatingin ang lahat sa kanya. Lahat maliban sa kanyang ina, na nagsindi lamang ng sigarilyo at nagpatuloy sa paghalo ng mga pitsa ng madyong. Ilang segundo lang ay sumunod na ang ibang mga naglalaro. Ayaw niyang isipin, pero naisip niyang baka namatay na siya’t nasa impyerno na noong mga oras na iyon.

Ayaw niya, hindi niya gusto, walang sinumang may gusto. Na sa tuwing may bumibisita para mangamusta, sa tuwing may tatawag o magte-text kung may nagbago na ba, sa tuwing magkakaulirat ang ina niyang nakaratay at titingin sa kanya, matalim at malalim, hangin at laway ang binubuhay ng bibig na walang ngipin, hindi niya gustong isiping sa lahat ng pwedeng maisip, doon siya babalik-balik sa isang Linggong inakala niyang nawalan na siya ng buhay, pagkat anuman ang palahaw niya’y walang kahit na sinong nakarinig o nakaintindi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.