Fictions

Nakilala ko si Tanya noong 2005, bilang estudyante sa Malikhaing Pagsulat 10 (isang introductory course sa malikhaing pagsulat).  Kasama niya ang maraming taga-College of Fine Arts na 2004 ang student number.  Ikalawang taon ko sa pagtuturo sa UP, at palagi kong sinasabing ito ang pinakamasayang taon ko ng buhay-guro.  Matatandaan ko si Tanya para sa isang tulang may reference kay Diana Ross at sa mga bakla, na nagkataong hindi niya nairebisa kaya napuwersa akong ibagsak siya sa requirement na iyon.  Kahit hindi ko siya naipasa doon, natandaan ko na ang kanyang sense ng insight, yung tipo ng tao na may lalim talaga at may potensyal.  Magsusulat pa siya ng ilang piyesa tungkol sa mga tatay, sa mga sirena, pansit at chocovim.  Mahusay na manunulat, naisip ko, kahit pinalalabas ko paminsan-minsan kasama ang mga kabarkada niyang late o hindi nakapasa sa quiz (mga kabarkadang magiging kabarkada ko rin naman pala).

Huling araw ng pasahan ng requirements, nabanggit niya ang luma kong biro tungkol sa ang grades ay ibinabase ko sa itsura ng index cards.  Sabi niya, sabi ng tatay niya ay sa kulay naman ng envelope nakabase ang uno o singko ng mga estudyante.  Sabi ko, “sino ba ang tatay mo?”  Doon ko lang malalaman na ang tatay pala niya ay ang dati kong guro na naging kadepartamento ko na rin.  Naalala ko rin lahat ng mga kuwento’t biro tungkol sa guro kong ito na ibinahagi ko sa klase, mga biro tulad ng ari ng lalake na parang tootsie roll–diabetic kasi kaya matamis at hindi na matigas.  Bago matapos ang pasahan ng huling rekisitos, nabanggit niya, “astig ang klase ninyo, Sir.”

At umusad ang mga taon, nagpatuloy lang kami sa pagsasalu-salubong.  Palaging may kuwento’t tawanan pag nag-aabot kaming magkakaibigan.  Kinakamusta ko madalas si Luna, ang chikiting niya na hindi na masyadong chikiting  ngayon.  Binigyan niya ang kapatid ko ng bag na may disenyo ni Jon Hall na naka-brief, special request.  Iniimbitahan niya ako sa mga art show niya at ng mga kaibigan niya.  Medyo magkalapit kami ng edad (mga nasa 17-18 ganyan) kaya magkapareho kami halos ng paraan ng patawa at hugot ng mga pop culture reference.  Alam namin ang The Wonder Years, pinagbibiruan din namin ngayon lang ang pagiging awkward panoorin sa isang birthday party ng pelikulang Ang Lalaki sa Buhay ni Selya.  Minsan, ginagawa din naming joke ang paminsan-minsang takot ko sa nanay niya, lalo pag binebentahan ako ng mga condominium na hindi ko naman afford.

Cliche na nga ang moda na mabilis ang panahon, pero heto na nga, 2011 na.  Medyo marami-rami na rin kaming pinagdaanan bilang estudyante-guro at magkakaibigan, at syempre’y sa mga sarili naming mga pakikipagsapalaran.  Lagi kong sinasabi sa kanila na ewan ko kung bakit pero pagkatapos ng batch nila ay hindi na rin ako naging ganoon ka mabarkada sa mga estudyante.  O baka iniisip ko lang iyon.  Anuman ang paliwanag, malinaw na masaya ako pag nakakabalita sa kanila.  Natutuwa ako pag may naririnig na kuwento ng tagumpay.  At dahil matagumpay at makapangyarihang tao rin naman ako ngayon–as in sobra-sobra, fuck ang taas-taas ko lang ngayon–natutuwa ako na nakakapunta ako sa mga espesyal nilang okasyon at paminsan-minsan ay napipiktyuran.

May bago siyang show, kakabukas lang kagabi.  FICTION ang pamagat, sa West Gallery.  Katuwa dahil tatay niya rin ang nagkuwento sa akin ng isang bagay tungkol sa pagsusulat ng kuwento na hanggang ngayon ay natatandaaan ko: lahat ng pagsusulat ay storytelling a lie.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.