Dumarating ang panahon na nagiging mas malay tayo sa konsepto ng kamatayan. Ito ang mga oras na ang konsepto ay hindi na lang konsepto kundi reyalidad, isang reyalisasyon na ang kamatayan ay totoo, at dumarating siya madalas sa mga oras na dahop na dahop tayo sa paghahanda, sinusundo ang mga taong totoo sa atin–mga magulang, kamag-anak, kaibigan, karelasyon. At sa oras ng pagyao, sinusubukan nating hawakan ang lahat ng mga naiiwang bakas, para kahit man lang sa alaala ay manatili silang mga naging bahagi ng ating buhay. Isa sa mga pinakamasakit na pakikipagtunggali ang kumapit sa humuhulagpos na memorya, nilang mga mahalaga sa atin.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV
Selebrasyon/pagkilala/interpretasyon sa ganitong pakikipagtunggali sa kamatayan ang isang posibleng proyekto ng Dia de los Muertos, isang proyekto ng SecretFresh Gallery sa San Juan. Nagkataong may ilang mga kaibigang nag-ambag sa group show na ito, kaya naman dumaan kami para sumilip. Pagkatapos, pumunta ako sa bahay ng isang kaibigan para makikain ng pasta at manood ng Practical Magic, kasama pa ng ibang mga kaibigan. Natutuwa ako na kinukutya nila ang attachment ko sa pelikulang iyon.
Sa pelikula (o, sa makesong pelikula), ipinares ang kamatayan sa konsepto ng pag-ibig. Maaaring itulak ng pagkakataon o ng mahika ang mga tao papunta sa bawat isa, pero sa bandang huli’y sila ang magdedesisyunan kung tunay na pag-ibig ang kanilang nararanasan. Nagkataon lang na dahil sa isang sumpang nagmula pa sa kanilang ninuno, ang pamilya ng mga bida’y nakatakdang magpaalam sa sinumang itinuturing nilang tunay na minamahal. Bilang pagtatakang sirain ang sumpa, nagpakawala ng isang magic spell ang bida noong siya’y bata pa. “Amas Veritas” ang pangalan ng kinathang mahika.
Kasabay ng pag-ibig at kamatayan ang mga multong sumusulpot sa buhay ng mga bida. Isang leksyon mula sa pelikula, leksyong matagal ko nang natutunan naman–walang anumang inililibing na hindi muling nagbabalik. Kaya kahit kamatayan ay walang garantiya ng pagwawakas. Siguro’y nagkakaiba na lang sa kung anong klaseng yumao ang magbabalik, iyon bang matagal nang inaasam na makasamang muli, o iyon nga–mga multo–mga halimaw na isiniksik sa mga pinakamalayong rehiyon ng gunita. Anuman ito, kung nais nating makaraos sa araw-araw, kung nais nating manatiling buhay, kailangan nating maghanda sa pakikipaglaban. Mukhang ang mundo talaga’y isang warzone sa maraming antas at dahilan, pwedeng tumakbo’t tumakas pero mas madalas ay kailangang sumabak sa tunggalian.





























