
Mga Ligalig sa Paglikha ng Kaligtasan
Kapag may “binabakla,” may inuusisang kasaysayan at kaayusan, may tangkang lumaya at maging mapagpalaya pero may mga pagkakataong nagiging mapanupil din at nagiging bukas sa pagsupil, kahit inaakalang nakaligtas na. Siguro, sa panahong nakapadali na lamang ikahon ang anumang pagkilos at opinyon sa mga kahon ng “Dilawan” o “DDS” o “komunista,” baka itong binaklang pagtitimbang ang direksyong marapat tahakin. Pagkat posible naman, baka maaaring paunlakan, na ang tugon sa isang macho, war-freak at double-speak na pamunuan ay isang klase ng panitikang umaandar sa mga siklo at proseso ng pagtitimbang, paglilihis, pagpupuna, pagbabagong-bihis, hanggang sa muling pagtitimbang at pagpapatuloy ng proseso.
[...]