
May dalawang mukha ang buwang gasuklay:
ngiting abot-langit, pukyutan ng tamis/
arkong nahatak sa grabedad ng panglaw.
Anumang mukha, may palasong silahis–
punterya’y ang puso, handa man o hindi.
May basbas ni Artemis ang bawat sinag,
Tagapagtakda kung hagikhik o hikbi
ang ilaw na sa mata’y mababanaag.
Ano’t isang iglap ay kay tinding kabog
ang pumapatda sa mailap nang himbing
para sa pantasyang maging kasing-irog
ang dating di sumasagi sa damdamin?
Sa hiraya’y umuusbong ang kadenang
bibigkis/lilingkis sa puso ng sinta.