Galing sa kaibigang si Tanya ang regalong ito. Subok daw sa pinaplano niyang mga piyesa para sa show na wala pang malinaw na plano. Basta darating, at aabangan siyempre.
Gusto ko lang magbahagi ng ilang mga larawan mula sa selebrasyon ng latest na kaarawan. Sasabihin ko sana, “pinakahuling kaarawan” imbes na “latest na kaarawan,” pero baka biglang mapigtasan ako ng ugat pagkatapos i-type ang “pinakahuli…” at tunay ngang maging pinakahuli ko nang kaarawan ito.
Sabagay, natatandaan ko naman ang “30” para sa marka ng katapusan. Ito ang markang turo sa akin ng tita ko, kapag nakatapos na sa isinusulat na artikulo. Bakas daw ito na kumpleto na ang kinakatha, tulad ng pagtatapos ng isang buwan, isang hudyat ng panibagong yugto ng panahon na papasok.
Gusto kong ibahaging marami akong hindi sigurado sa pagpasok ng edad na trenta, may mga kinatatakutang matapos, kinatatakutang simulan. Pero ayokong magdrama lalo’y narito pa naman at nakapagtitipa pa ng mga salita. Sa ngayon, gusto ko lang magbahagi ng mga larawan, kasama ng mga taong naging bahagi ng aking pagdiriwang.
