Wala akong masyadong plano para sa kaarawan ko. Pumasok sa klase, kain at videoke lang kasama ng ilang kaibigan. Walang masyadong inaasahan at wala ring gaanong paghahanda. Sinimulan ko ang araw ko sa pagbabasa ng mga mensahe sa telepono at sa Internet, pagkatapos ay bumili ako ng tanghalian sa Dory’s restaurant para sa mga kaopisina. Pagkadating sa UP, kaunting kain at chika time, tapos diretso na sa klase.
Pagkatapos na pagkatapos ng klase, sumalubong sina Pat, Tin, at Cheska, pati si Kim na bagong kakilala lang. May paabot na donut at kumanta pa, semi-surprise dahil biniro ko ang isa sa kanila na magpa-donut naman. Nakakatuwa na bumigay naman sila.
Pagkababa mula sa CAL building, si Tpen naman ang nakasalubong ko, hinatak ako sa parking lot. May surpresa daw sila, basta tumingin ako sa may itaas ng Palma Hall. Niloloko lang pala ako ni Tpen kasi nasa parking lot pala ang surpresa–ang kotse kong may mga letter cookie na bumabati ng “Happy Bday Ser!” Sina Ji-ann at Karen naman ay nandoon din, may hawak na improvised na lobo mula sa plastic gloves. Unang beses yatang may nagsurpresa sa akin nang ganoon sa buong buhay ko sa UP. Dumating din si Jules, nagpichur-pichur kami. Matamlay daw ako sabi ni Karen, sabi ko e kasi may meeting na nag-aabang sa itaas, na medyo pagod sa pagtuturo at medyo asar kahit paano na kailangang magtrabaho at piniling magtrabaho sa anibersaryo ng kapanganakan. Nagpaalam na ako sa kanila at umakyat muna.
Pagdating sa taas, may dagdag na surpresa, isang cake mula sa mga katrabaho ko sa Departamento. Nakakatuwa, kasi bihira silang nagreregalo sa kahit sino. Feeling special tuloy ako at ang aming tagapangulong nag-birthday naman noong nakaraang araw. Dumating din ang co-host ko sa aming radio show at dating teacher na si Ginny, may regalong masarap na higanteng mango tart. Bago magsimula ang meeting, dumating si Ser Bomen at inabutan ako ng cute na cute na tasang mukhang lente ng Nikon. Medyo nainis siya na nahulaan kong hindi siya tunay na lente, pero natuwa ako nang sobra kasi yung focal length ng pekeng lente e sakto sa pinapabili ko sa kanya noong binubully ko siya.
Nag-meeting kami at pagkatapos ay nagmeryenda ng meryendang galing sa aming tagapangulo na syempre’y nakidamay na rin ako. Dinalhan ko ng pagkain at cake ang mga kaibigan sa teatrong may ensayo sa baba ng building, binigyan sina Kuya Guard ng pagkain at cake, at kinita sina Roy at Louie. Kumain kami sa may Khas bago dumiretso sa Music 22. Sumunod doon sa videokehan sina Kat, Reagan (na may regalo ding cake), Yani, Piya, at Iggy. Nagkantahan hanggang bago sumapit ang 11:30. Nagpaalaman at nagsiuwian kami. Nag-aabang ako ng mga hahabol ng pabati bago umabot ang hatinggabi ng kasunod na araw.
Wala ang mga magulang ko noon dahil nagtatrabaho sila sa Laguna pero umuwi sila noong Sabado. Naki-party sa birthday ng isang pamangkin, pagkatapos ay nag-Shakeys kami noong gabi, kasama si Kuya Bryan, si Pia, sina Barrick at Nimra, sina Mama at Papa. Syempre, ang asong si Alejandro kasama din. Nag-monster meal kami ng Shakeys, nakahabol pa si Yani sa kainan. Maaliwalas ang mukha ng lahat ng tao. Si Papa, siya ang mukhang pinakamasaya, pati sa mga biro ng kapatid kong si Yani’y napapatawa kahit madalas ay nagtatarayan lang sila.
Ang kaarawan ko na natapat sa araw ng pasok at ang sumunod na Sabado kasama ang pamilya, sa mga araw na ito ako nakaramdam ng pagkapanatag at pagiging ligtas, pakiramdam na medyo mailap sa akin. At sa mga saglit na naiisip ang ibang mga kaarawan, ang ibang mga tao, mga ibang pangyayari, pinipilit kong bumalik sa mga sandaling ito ng saya, gaya nga nga sinasabi sa isang tula, sa mga oras na lumukso ang puso dahil sa tuwa. Pinipilit kong tandaan ang saglit ng pagtaas at sinisikap manatili sa ganoong pakiramdam.


























