Teenage Dream (V’s Infinite Playlist)

Hinggil sa tanong ng isang kaibigang estudyante, na hindi ko pa masagot nang diretsahan at buo, tungkol sa paano magsusulat ng mga bagay na mabigat o mahirap tandaan dahil masakit, o parang ganoon.  Ang masasabi sa ngayon, maraming bagay ang simple lang naman kung tutuusin.  Sa kaso ko, pag may nakainang masarap o natambayan na enjoy, ibahagi sa iba, lalo pag ang ibang mga tao ang unang sumasagi sa isip pag sinabi sa sariling “naku siguradong mae-enjoy ni ____________ dito.”

DSC_3449

Pinagbabawalan akong magsalita.  O pwede, basta ako lang ang makakabasa.  Parang ganoon.  Parang noong sinabihan akong pwede akong maging malungkot basta ako lang mag-isa, na parang ganoon lang, na ganoon lang iyon kasimple.  Parang ganoon.  Pero wala namang nagbawal sa akin na kumanta.  Iawit sa mikropono ng videoke ang lahat ng nagpapasaya at nagpapasakit sa loob, at lahat ng nasa pagitan at mga kasuluk-sulukan.  May mga dating kasamang wala na ngayon, may mga bagong nahatak, may mga dati nang nariyan at naroon pa rin.  Isang leksyon sa pagkanta at sa buhay, pasalamatan ang mga taong piniling makikanta kasama mo, mas pasalamatan ang mga nariyan lang at kabisado na ang mga kinakanta mo sa songbook, pero pag bumirit ka na ng iyong pang-isang milyong “Pare ko” ay sasabay sila at makikikanta na parang ito ang pinakaunang bersyon ng “Pare ko” na narinig nila.  At palagi, habang nakikinig ang mga kaibigan, ang mga nariyan na at ang mga bagong salta, palagi nilang maiisip na “oo nga, tangina, pinaasa lang talaga siya.”

Minsan-minsan na lang ako magpamadaling-araw, pagkat hindi na angkop sa katawang early 30s ang mga pagtambay na pang-early 20s.  Pero minsan, nakakalusot.  Alang-alang sa alaala.  Alang-alang sa mga alaalang magagawa pa kasama nilang piniling makasama ka nang walang anumang palusot, nang walang anumang pabitin na sige, magkita minsan, kung kailan pwede, baka isang araw matuloy naman.  Silang aktuwal na naroon at silang nanatili.

DSC_3424

Silang magsasabing sa mga hinihirit ko ngayon, kung marunong lang akong uminom ng beer, malamang singpait na nito sa dila ang mga salitang sinasabi ko, kaya ikanta na lang ang lahat ng lasa at alaalang masama.  Sabay hirit ng “kaya mo yan, ikaw pa,” kasabay ng mga hirit at pangaral na kasabay ng mga ganitong pagdadrama.

At mula sa aking pag-iisip na ang buhay sa ngayon ay isang mahabang episode ng Ally Mcbeal, kahit paano’y makakaramdam ng dagdag na enerhiya, parang teenager na hindi, nahahawa sa mga kahati sa kalokohan at kantahan.

Isang leksyon sa pagkanta, baka leksyon sa pagsayaw at sa buhay, bakit hahanapin ang mga taong ayaw namang makikanta o makisayaw kasama mo?  Balang araw, matututo na akong magsayaw at sasabay ako sa tugtog kasama ang mga kaibigang kung sumabay sa musika ay parang habambuhay na nasa edad bente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.