Mr. Somebody

Napansin kong nabawasan ang dalas ng pagkuha ko ng mga litrato nitong mga nakaraang buwan.  Mga kain sa Little Quiapo, Videoke sa Music 22, pagkain sa isawan ni Mang Larry, pagpasyal sa Booksale, pagdaan sa teatro para manood ng rehearsals.  Marami-raming nangyari, lalo nitong nakaraang Abril at Mayo.  Mga kapicture-picture na pangyayari, sa pag-unawa ko.  Maliban sa ilang mga kuha sa bagong-natutuhang Instagram, sa mga espesyal na lakad gaya ng byaheng Sagada kasama ang karelasyon o ang ipinangako kong pasyal sa Los Banos kasama ang mga kaibigang tagateatro, maliban sa mga iyon, parang matumal.  Mas nahuhuli ko ang sariling nakaupo, pinapanood silang mga kasama, nakikinig sa mga kuwento nila, inaalala ang mga nangyari pagdating sa bahay, pag nakahiga na, pag tulog at hindi na larawan ang hinahagilap.

***

May panahon na mas mahilig akong maglitrato.  Ang panahon ng “dati,” kung saan sa aking pagtitimbang ay mas may urgency manghuli ng mga alaala sa digital camera.  Mas mukhang totoo kapag nadokumento ang lahat.  Pics or it didn’t happen, siguro naunahan ko pa sa sentimiyento ang statement na iyon, isinasabuhay ko na noon pa lang, bago pa nauso ang statement na ginagawang pang-hashtag–#POIDH.

***

Iniisip ko ang mga pagkakaiba ng noon saka ng ngayon.  Kung bakit ngayon, parang mas matamlay maglitrato, o mas namimili ng pagkakataon.  Ano ba ang mayroon sa noon na wala sa ngayon.  Ang nabubuong mga larawan sa isip ko, sa ngayon, mga larawan ng noon, ang noon sa ngayon ay larawan ng isang sariling maraming pinagpipilitang maging mukhang totoo.  Makisama sa mga tao at pumaloob sa mga relasyon na gustong-gusto kong patunayang totoo, paano, mga taong iniidolo ko, mga taong hinahangaan ko ang kakayahan, mga cool na tao, kinaiinggitan ang pagdadala ng sarili, ang buhay-artist, ang kung anuman ang na-imagine kong buhay nila.  Noong nagkaroon ng pagkakataong maging mas malapit, hala sige, kunan ng litrato ang lahat.  Baka kasi mawala.  At least, may patunay.  Baka kasi pag binalikan, binalikan tapos walang larawan, sabihin nila, hindi naman nangyari, baka sabihin nila hindi nila ako kilala.

Sa paghalukay ko ng noon, sa ngayon, naaalala ko sila, naaalala ko sila at marami akong gustong sabihin, para magmukhang totoo, pero sa ngayon, matimbang pa rin ang pag-iisip ko na baka makasakit ang katotohanan ko, ang katotohanan ng aking noon na kasama sila, noong maayos pa ang lahat, noong napunta sa pagiging hindi maayos, noong sinubukan kong iproseso ito at sa mga dahilan na hindi ko kayang sabihin pa, direkta man o hindi ay pinatahimik ako.  At pinipilit kong maging kontento sa mga palipad-hangin at sa mga pasaring tungkol sa mga noon at mga tao at mga ugnayan na sa ngalan ng convenience at inconvenience ng iba, matatapos na lang dito.  Sa ngayon.

Kung anuman, ang tinatakasan kong larawan ng noon ay isang larawan na hindi ako kasali, na isa akong taong wala, si Mr. Nobody.  Walang larawan, walang kuwento, walang mga tao at ugnayan.  Ang aking noon, sa ngayon.

***

Pagkatapos, sinubukang hulihin ang mga larawan na hindi nakaugnay sa mga noon at dati.  Sinubukang mas pahalagahan ang mga taong bahagi ng magkakaiba kong ngayon, sinubukang/ sinusubukang ipukpok sa sarili ang biyaya ng presensya, silang mga humahanap sa akin para makatambay, silang nakakasama sa mga tambay at kain at pasyal, kahit ano pa ang mga larawan ko ng noon.  Humahanga at nabibigla at nahihiya ako sa kung paano nila ako tinitingnan, kasi una sa lahat, ayun, may nakakakita pala sa akin, pangalawa, may mga nakikita silang mga bagay at kuwento at larawan na para sa kanila ay maganda.  Dumarating ka rin talaga sa isang yugto ng buhay na halos hindi ka na naniniwala na may makakakita sa iyo at pahahalagahan ka.  Na ipaparamdam sa iyo ang ganoong kahalagahan.

At kahit may sugat na nagawa ang sadya o di-sadyang pagpapatahimik sa noon, kahit sa pinakaloob ko ay may mga larawan at kuwento pang dapat makita o mabasa tungkol dito, kahit tuwing susubukang tumipa sa keyboard ay may nginig at kaba na makasakit ng iba, na maging tungkol muli ito sa iba na ang trato rin sa akin ay iba, iba o may nag-iba, baka nga masyadong mabilis ang panghuhusgang nauunawaan ko ang mga motibasyon ng iba kaugnay sa pananahimik at pagpapatahimik, anuman ang kaba o sakit o galit, sinubukan/ sinusubukang mag-umpisang kumatha.  Kumatha nang kumatha hanggang sa may mabuo, hanggang sa may magbasa at makinig, hanggang sa may magsabing sige lang, gumawa ka pa, gawin mo pa, maganda ang ginagawa mo.  Hanggang sa isang araw, napansin ko, napapansin ko na uli ang sarili ko.  Narito na pala uli ako.  Ang mga bahaging nawala dati, ang mga dating narito, narito na uli, sa ngayon.  Hindi pa lahat, pero unti-unti, nabubuo.  May isang larawan, ibang tao ang nakasilip sa lente.  Ang tutok ng camera, isang taong kamukha ko, isang kawangis na nakangiti, mukhang buo, kahit paano.

***

May pinagtatawanan kami ng isang kaibigan, dati, noong sa ibang eskuwelahan pa ako nagtuturo.  Tungkol sa isang performance artist na photographer daw, pero ang gallery niya ay wala sa kahit anong physical na gallery kundi nasa loob ng kanyang mind.  Pinagtatawanan man namin noon ang nahusgahan naming pagkapretensyoso ng nasabing photographer, sa ngayon, parang may saysay.  Ang mga larawan sa isip, sa ngayon.  Ang sinusubukan/ susubukan lang gawin, para sa bukas, ang huwag mapunta sa panig ng katamaran.  Sa isip man, sa salita, sa mga larawang kinukuha at nililikha, sana’y maitawid ko ang aking laging pagkamangha at pasasalamat.  Kung hindi man sa larawan, sa mga kuwentuhan at hagikhik; kung hindi man sa panulat, baka sa birit sa videoke, sa pritong butsi, sa yakap, at syempre naman, sa halik.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.