Mangilan-ngilang beses na rin akong nasabihan o natanong ng boss ko, o ng iba pang mga katrabaho, kung bakit daw lagi akong mukhang chill lang, kahit may umaaway, kahit kailangang magsalita sa harap ng maraming tao, o magpa-interview para sa isang TV show o palabas sa radyo, o mangasiwa ng isang pulong. Bakit daw parang hindi ako kinakabahan. Ngayon, habang pauwi galing sa isang TV interview para sa pagsusulong ng pagtuturo ng Filipino sa antas-kolehiyo, naisip ko ang isang lumang meme bilang sagot sa lahat:
Palagi akong naiihi sa takot kapag pagsasalita na ang usapan. Pag kailangang magpahayag. Pag kailangang kumatawan sa ibang tao at magtawid ng gustong sabihin na lampas sa sarili. Magkuwento ng sariling karanasan, ng sariling pag-unawa sa mekanismo ng mundo. Natatakot akong mahusgahan. Nahihiya akong mahuling may maling sinabi. Natataranta ako sa pag-iisip na may kulang o baluktot na pahayag akong maitatawid nang dahil sa mga sarili kong pagkukulang at limitasyon.
Kanina, doon sa isang malayong estasyon ng TV sa Makati, sinamahan ko ang aming tagapangulo at ang isa pang kasamang guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, para sa panayam na kaugnay ng pagtuturo ng Filipino at mga isyung may kaugnayan sa CHED Memo 20 Series of 2013. Sinubukan naming pagkasyahin sa isang oras na may mga pagitan pang patalastas ang mga isyu ng underemployment, K-12, retooling, pagkamakabayan, konstitusyon, kasaysayan ng nasyonalismo, retrenchment at early retirement packages, ASEAN University Network at AUN Integration, globalization, sistema ng edukasyon. Sa aming huling mensahe, natatandaan kong sinabi kong may mga mas mahalagang isyu pang dapat tutukan, ang budget para sa edukasyon, ang pagbayad nang tama sa mga guro, lahat ito’y kaugnay ng isyung pinag-uusapan namin.
Sa byahe pauwi, nagsimula nang lumutang ang bulong sa isip: ang layo na yata ng nasabi ko. At unti-unti, habang pinatutuloy ang bisitang kaba sa utak, dumarami ang listahan ng mga baka maling nasabi, ng mga baka kulang na naipaliwanag. Umiinit ang tenga ko habang isinusulat ito ngayon, umiinit sa hiya at kaba sa mga baka hindi ko nasabi o sa mga iisipin ng iba sa mga nakaya kong sabihin.
Pero sino pa ba ang maaasahan? Sa sariling departamento, pagkarami-raming kasamang guro ang pinipiling maging tahimik. At para sa isang taong nasanay at nahasa sa mga usapin ng pagbasa sa pagitan, sa kritikal na pagpuno ng mga puwang, napakaraming mga istorya ng pananahimik–baka nagzu-Zumba pa kasi, baka gumagawa pa ng paper na para sa kumperensiya o para sa International na journal, baka may inaalagaang kamag-anak o mahal sa buhay na may sakit, baka tinatamad na kasi magre-retire. At ayun nga ang problema sa katahimikan, kapwa hinuhusgahan ang nananahimik at ang pumupuno sa pananahimik. Gusto ko lang sabihin siguro, sa gitna ng lahat ng aking mga pagkabulol at kaba at mga mali-maling pagkakatanda at pagkakasabi, malungkot at nakakapagod ang sumubok magsalita, lalo’t parang marami ang ayaw dumamay o makinig. Gusto kong sabihing malamig at malungkot ang paglalakad mula CP Garcia pabalik sa may Faculty Center kung saan naroon ang sasakyan na paaandarin pa para makauwi sa bahay. Nakakalungkot na bukas, may mga panibagong laban uli, at kinakabahan ako sa mga susunod na kakaharapin.
Sabi ng isang makata, “The history of my stupidity will not be written.//For one thing, it’s late. And the truth is laborious.” Trabaho ang katotohanan. Sa maiksi kong karanasan sa pagbuo ng mga dula, sinasabi ng mga direktor sa kanilang mga aktor, we always strive for truth. Anong katotohanan? Paano tatrabahuhin kung hindi pa malinaw kung ano ang tinatrabaho. Sa agham, ang antas ng trabaho ay nasusukat sa puwersa na imu-multiply sa layo ng narating (interchangeable ang distansya at puwersa); sa panitikan, may mahika ng kutob o affect, ang mahiwagang pakiramdam ng pagkapuno kapag may nakaengkuwentrong ideya o pagtingin na dati’y hindi pa nakikita. Laging may mga maliit na detalye, hindi kita pag tiningnan ang mas malaking larawan. May magkabilang mga dulo. May iba, tumitingin sa pagitan.
At sa iba, kahit gabi na, kahit baka huli na, may magsasalita. Kahit kinakabahan, kahit araw-araw, bawat segundo at maliit na sandali, sa bawat titik na pinapakawalan, laging may dasal na patawarin ang mga pagkukulang at mangibabaw ang katotohanan, laging may dalangin na sana, sana may umunawa at may maunawaan.
