Pagsasalin

Noong isang araw ay nakatanggap ako ng text, isang tanong: “ Sir Vlad, may Tagalog term po ba ang ethereal?”  Mula sa estudyanteng tagateatrong matagal-tagal ko ring hindi nakakasama o nakakatambay.  Ang pinakauna kong naisip na i-reply ay “well, hindi naman kasi Tagalog iyan, Filipino iyan…” at magpaliwanag ako nang pagkahaba-haba tungkol sa mga nalalaman ko sa kasaysayan at halaga ng wikang Filipino, lalo’t sa ganoong adbokasiya ako nagmula noong mga oras na natanggap ko ang text—nasa LRT ako at pauwi mula sa isang rally sa Mendiola, “Pistang Protesta” ayon nga sa mga kaalyadong institusyon ng alyansang may pangalang “Tanggol Wika.”  Pero alam kong pamimilosopo iyon, alam ko ang hinihiling ng nagtext, at hindi ang pagmamatalino ko iyon.  Hindi siya ang kalaban, o hindi iyon ang laban na kinapapalooban naming dalawa.  Sinabi ko na lang sa kanya, pagkadating na pagkadating ko sa opisina ay titingnan ko sa diksyunaryo kung may katumbas siyang salita.  Sa madaling sabi, hindi ko alam ang sagot.

 

At hindi ko agad nahanap ang sagot pagkadating sa opisina, pagkat humabol naman ako sa retirement party para sa isang kasamang guro.  Palibhasa’y nagutom sa byahe, dumiretso ako sa buffet table at kumuha agad ng pagkain.  Habang nginangasab ang platong tinambakan ng mga fish kebab at pinaghalong spaghetti at sotanghon (hindi ako nag-agahan, walang husgahan), nasa kalagitnaan naman ng pagsasalita ang isang senior faculty na kaibigan ng magreretiro.  Naiiyak siya dahil naalala ang mga di-inaasahang hidwaan at ang may pagkasariwa pang pagkakasundo nila ng gurong magreretiro noong nakaraang taon.  Medyo na-guilty nga ako, dahil bukod sa pagpuno sa sariling sikmura imbes na makinig at makiramay sa pagsesenti ang inaabala ko, ang tanging alaala kong may kaugnayan sa kasamang gurong naroon ay ang mga panahon na naging guro ko siya, at noong pinapabukas niya sa akin ang lumang electric fan sa lumang classroom ng lumang building namin, ang electric fan na hindi ko mabuksan dahil wala naman kasing switch.  Tanggal na ang pihitan at maiikot lang ito kung may manipis na baryang maisusuksok sa nakausling bakal o kaya’y cyborg ka at may robotic na daliri.  Kung anuman, nahiya/nahihiya ako sa pag-iisip ng mga ganoong bagay sa panahong dapat ay puro masayang alaala ang pinalulutang.  At sigurado naman akong bukod sa aking maliit na sandali kasama ang gurong magreretiro na, marami pa siyang mga sandali at papel na ginampanan, hindi namin mga sandali, pero hindi nangangahuluhang hindi kasingtotoo ng mga naranasan ko noong guro ko pa siya.

 

Pagkatapos ng programa, balik sa opisina.  Naroon ang diksyunaryo pero walang naialok na katiyakan.  Nagtanong ako sa mga kaibigang gurong katext ko.  May mga sagot gaya ng “marilag,” “marikit,” “kaakit-akit,” “magaan,” “malahangin.”  Parang kulang pa rin.  Kaya tinext ang naunang nagtanong, sa anong pangungusap ba nagamit, o sa anong kondisyon ba sinasabi ang salita?  Sabi niya, wala naman, naisip lang niya dahil madalas daw iyong ginagamit kapag nagsasagawa ng critique o review ng isang pagtatanghal o palabas.  May salita ba sa Filipino na kapag sinabi—isang salita lang—ay mauunawaan niya ang esensya ng mga review ng dula o sayaw o konsyerto na nagsasabing “ethereal” sila?

 

***

 

Kakagaling ko lang sa panonood ng dulang Fluid na isinulat ni Floy Quintos at isinaentablado rin sa kanyang direksyon doon sa De La Salle – College of Saint Benilde.  Sa unang tingin sa poster ng palabas, maraming pwedeng maisip, lahat ay papunta sa mga bagay na nakakabastos o nakakalibog.  Mga bagay na tungkol sa pagpapalabas ng kung anu-anong katas sa katawan, baka mga lalake at babaeng maglalaplapan at maghihimuran, baka maraming orgy na magaganap, baka may ipapakitang mga kabalahuraang hindi kayang sabihin ng kahit sino pero alam ng lahat na iniisip at maaaring ginagawa nila.  At syempre, sa lahat ng paghahandang ito ng aking imahinasyon, sasalubungin ako ng eksena ng isang tauhang tumatapik sa pagsasayaw, at isang pintor na nagsasalsal sa kanyang makalat na silid—lakas maka-“artist”—bago pumasok ang curator na naghahanap ng itatampok na “emerging genius” ng sining, isang art superstar.  Aba, usapang art pala ito.  Pinangunahan ako ng malikot na isip at ekspektasyong kung saan-saan naglalakbay.

 

Sa pag-Google ng salitang “fluid,” unang magpapakita sa mga resulta ang “a substance that has no fixed shape and yields easily to external pressure; a gas or (especially) a liquid.”  Sa aking isip na pakialamero at maraming pinupuntahan at pinupunuan bago pa ang paglantad ng aktuwal na pisikal na eksena, pinuno ko na ang mga koneksyon, ang mga posibleng kulang.  Baka tungkol sa mga pagsasalsal at pagpapalabas sa usapin ng sining.  Baka tungkol sa iba’t ibang antas ng pagpuno ng mga kulang—damdamin, libog, gutom, baka kapanatagan o/at kasikatan.  Baka tungkol sa pressure, sa mga iniipit at nang-iipit, sa mga nag-iinit at naglalaho, lumilipad sa hangin, humahalo sa alapaap, bumabagsak sa lupa, sa pinakailalim.  Baka tungkol sa…kultura.  Baka tungkol sa …lipunan.  Baka tungkol sa pagpuna sa kultura at lipunan kung saan maraming umaastang kritiko sa mga palabas na may mga jologs na pintor mula sa Kalentong na galit na galit mga kritiko at hindi makabenta ng painting na umaabot sa 20000 pesos.  Maaaring marami akong pinangungunahan.

 

***

 

Ang mga panghihimasok ko sa istorya ng dula, ang aking mga pangunguna, ay mga pangununang mayroon din namang pinaghuhugutan.  Naaalala ko ang isang leksyon ng isang yumaong guro sa dula, tungkol sa kanyang interpretasyon kay Ariel/Little Mermaid at ang kanyang pagbabago mula isang sirena patungo sa bulang-dagat.  Sa boses nagmula ang lahat—gusto ng sirenang magustuhan siya ng isang lalaking nakatira sa lupa, kaya isinuko niya ang kanyang boses sa isang mangkukulam upang magkaroon ng sariling paa, upang magbago ng anyo.  Nakuha niya ang mga bahaging kailangan para lumakad, pero ang pag-usad ng kanyang buhay pag-ibig, dahil sa wala siyang kakayahang magsalita, ay hindi namunga.  Sa huli, ang dating nilalang na may sariling katawan ay humalo sa hangin, isang alaalang hindi sigurado kung nangyari o kathang-isip lang, nakadepende sa mga panalangin kung magpapatuloy pang umiral o maging wala, isang kondisyong mas masahol pa sa pagiging hangin.

 

Naiisip ko ang karanasan noong “rumaket” minsan para sa isang organisasyon.  Gagawa ako ng jingle para sa kanilang sentenaryo, at tuwang-tuwa ako dahil ang composer na makakatrabaho ko ay nagsabing ang bayad sa akin ay aabot ng sampung libo.  Tuwang-tuwa ako, dahil sa buong buhay ko bilang manunulat ay wala pa akong nakuhang kahit na anong lampas sa isang libo para sa naisulat ko.  Kaya isang mainam na surpresa iyon.  Ginawa ko ang mga salita, nilapatan ng tugtog, kinanta sa sentenaryo, Lea Salonga pa iyon ha.  Pasabog, “boom panes” sabi nga ng maraming mas bata ngayon.  Paglipas ng ilang taon, malalaman ko na ang bayad pala sa composer ay lampas isang daang libo.  Wow, hiyang-hiya naman ang sampung libo ko sa kanya.  Pero, kahit sa ngayon, pinag-iisipan ko, dapat bang ang lahat ay usapan ng pera at halaga?  At sa kabilang banda, paano naman hindi pag-iisipan kung may mga puwersang nagtatakda ng kung ano ang mahal at mura, at sa aking karanasan, laging ang mga salita ko ang may halagang mas mababa.

 

May nabasa akong isang status mula sa kaibigang nobelista, tungkol sa kanyang pagkairita mula sa mga taong humihingi ng “compli copy” ng kanyang mga libro tuwing may bago siyang akdang mailalabas.  Para sa kanya, isang pambabastos iyon sa nagsulat, dahil maraming oras at lakas ang ibinuhos niya para mabuo ang proyekto, at para sa kanya ay panghahamak sa oras at lakas na iyon ang pagpapababa nito sa puntong hindi magbabayad ang mga tao para makakuha ng kopya.  Naalala ko ang mga pagkakataong ganoon din ako, nasa iba’t ibang panig ng ganitong ugnayan, ang manghingi ng libreng kopya ng sariling libro o libro ng iba, manghingi dahil walang ibang pwedeng ibayad o nanghihingi dahil gustong makalibre sa gawa ng iba, ang mga dula at pelikula at iba pang mga pagtitipon na nagtangka akong makaiwas pagbabayad, at ang mga panahong ako naman ang pinagtatanungan kung may complimentary ticket o may mabibigay akong libreng libro.  Iba-iba ang tindig ko tungkol sa usapin ng pagpapahalaga at pagpapalibreng ito, minsan ay patungo sa pag-iisip na mas mahalaga ang adbokasiya at pagpapaganap ng ideya, minsan ay patungo sa “tangina bayaran nyo naman ako ano” na mentalidad.  Naaalala ko ang memes at iba pang viral na bagay sa Internet, kung saan pinagkukumpara nila ang serbisyo ng mga doktor o engineer o arkitekto sa mga manunulat, graphic designer, o aktor.

 

***

 

Isa sa mga katangiang parehong taglay ng panitikan at fluids ay ang resonance.  Ganito ang isa kong papel bilang gurong nagtuturo sa kolehiyo, ang mag-ugnay ng mga konsepto sa mga puwersa o bagay o pangyayari na parang hindi magkatulad.  Tatalakayin kong ang fluids ay may molecules na gumagalaw sa mga tiyak na paraan depende sa intensity ng pressure na inilalagay dito, at ito ang resonance.  Sa panitikan, ito ay may kaugnayan sa pakiramdam ng pagkaistorbo, isang pagkaistorbong umuulit-ulit sa loob ng makakabasa, umuulit-ulit dahil baka naranasan na, o baka hindi pa naranasan pero ibinubukas ang sarili sa posibilidad, o nakikipagtunggali kung magbubukas ba o mananatiling sarado, at sa gitna ng ganitong pakikipagtunggali ay nagpapatuloy ang pag-uulit-ulit, hindi basta-basta maialog o maialis, hanggang sa mahiga o matulog, hanggang sa mapuyat at bumangon para gawin ang mga nakasanayan nang gawain, hanggang sa magpakita ng mga emosyon at mga reaksyon sa mundo na maaaring nagpapakitang hindi sila naistorbo ng kanilang binasa pero ang totoo, ito lang ang iniisip nila at pinag-iisipan simula pa noong unang saglit na naisalaksak ito sa kanilang kamalayan.  Naisalaksak at nabuhay, hindi mapakali, at natatakot ang napasok ng ganitong kamalayan, kasi akala niya siya lang ang nakakaramdam nito.

 

Sa maraming mga diskusyon tungkol sa pag-uulit-ulit at pagkaistorbo, lalo sa usapin ng mga piyesa o pagtatanghal na ipinapasok sa kategorya ng “panitikan,” may mga karaniwang lumulutang na usapan.  Pakiramdam ng pagiging mag-isa.  Opresyon, pagsasagilid, pagpapatahimik.  Pagbaligtad ng mga kapalaran.  Pagtanggap o pagiging tanggap.  Kaligtasan o katubusan.  Pagtatapat.  Pag-amin na hindi okey ang lahat.  Nakadepende sa mga nagpapaliwanag, nakikinig, mga namamagitan, kung anu-anong pag-uulit ang kukulo sa loob.

 

***

Sa panonood ko ng Fluid, pinakukulo ang loob ko ng mga tauhang pinanood/ pinapanood ko.  Kumukulo ang loob dahil parang kilala ko sila na hindi, parang ako sila na hindi.  Ang pintor na galing sa hirap, ang curator na gustong tumaas ang halaga sa pananaw ng iba; ang tagateatrong magiging waiter dahil hindi siya kayang buhayin ng mga dulang may social relevance at nakasulat pa sa Filipino, ang kanyang kaparehang nangangarap na mapasali sa musical sa ibang bansa at balang araw ay makatawid sa showbiz; ang stage manager na gustong patunayang isang sining ang kanyang ginagawang pangangasiwa, ang coordinator ng orchestra na tumutugtog sa mga kasal kahit para sa kanya ay hindi lang pera ang mahalaga kundi ang kultural na kapital, at sa huli’y sumubok magbalanse sa pera at prinsipyo sa pagiging art critic/ reviewer.  Maraming dapat ipagkakulo ng loob sa kanila.  Una, parang mga tao silang lutang, angat sa karanasan ng mga taong nasa pinakasulok at singit ng mundo, pero ang nakakainis ay alam nating totoo sila, nababasa natin sila sa mga society at lifestyle page sa dyaryo, nabubuhay sila sa mga gallery sa Pasong Tamo Extension at iba pang “good” galleries, napapanood natin sila sa iba’t ibang batis ng entablado, ng mainstream at indie na cinema, nababasa natin ang kani-kanilang rants at raves sa ating social networks at nakikita natin ang pira-piraso ng kanilang buhay sa kani-kanilang mga instagram.  Mapapanood natin sa TV ang kuwento ng mga artista sa ating weekend variety shows na tumatawid sa mundo ng teatro, makikita nating nakikilaro ng table tennis ang mga movie heartthrob natin sa mga tinaguriang contemporary visual artist ng PilipinasNagsasagawa ng mga art fair hindi lang sa parke ng mga exclusive village kundi sa mga car park ng mga sikat na mall.  Nakakakulo ng loob, kasi hahanapan mo ng social relevance, sasabihin mo, nasaan ang street children diyan, nasaan ang DAP ni Noynoy diyan, nasaan ang mga nabiktima sa Tacloban diyan, tapos sa huli, minsan, kahit ayaw aminin, lumalabas ang tanong na “nasaan ako diyan?”

 

Iyon ang pagkulong mahirap pahupain, ang sabay na galit dahil nainggit o at nagi-guilty dahil nagagalit dahil sa inggit na napaparalisa at napapaisip kung saan nagmula ang lungkot at inis at takot na nanggaling lang naman dati sa isang simpleng paghanga sa buhay na kahit na ano basta iba sa sariling buhay dahil ang sariling buhay ay madumi at malagkit at walang pera at maraming kumplikasyon at nakikita rin naman natin ito sa iba pero laging may bigat pa rin sa sarili dahil sarili ang dapat maging mabigat kahit may ibang dapat maging mas mabigat dahil hindi lang iisang mundo ang tao pero bakit may mga mundo at taong mukhang mas mahalaga at mas masaya at bakit hindi ako ang mga taong ito etc etc etc.  Naiistorbo tayo ng mga kwento at tao, totoo mang umiiral o hindi, bagaman sa ating karanasan ay nagdudugo at naghahalo ang hangganan ng totoo at likhang-isip.  Lagi tayong may ganitong karanasan, lalo tayong nabiyayaan ng panahon at yaman para sa edukasyon, ang magproseso nang malaliman tungkol sa mga usaping parang panitikan, ang mag-isip nang may pangunguna, nang may panghihimasok, nanghihimasok dahil may pinaghuhugutan, dahil may kakayahan na mag-ugnay.  At sa ating pag-uugnay, pagkarami-raming salita pero parang laging kulang.  Ang iba, sinusubukang labanan ang pagkukulang na ito, sinusubukang buuin ang mga kwento ayon sa kanilang pagkakaunawa.  May iba, sumusuko, gumagawa ng mga bagay na mas madali kung ikukumpara sa pagproseso at pagpapatotoo ng katotohanan.

 

Baka ang trabaho ng pagpapatotoo ay hindi nakapaloob sa sinasabi ng dulang “cool” na sining.  Sa kabilang banda—laging may kabilang banda—ano nga ba ang sining na “cool?” (at umaandar na naman ang isip sa mga rehiyong may mga batis na pasikut-sikot na dumadaloy sa magkakaiba at magkakaparehong direksyon).  Kung anuman ang sagot, siguro’y laging sumusulpot sa gunita ng kahit sino na minsan ay maging parang painting sa isang sikat na gallery, pinagmamasdan habang nilulunod ng malakas na ilaw, lahat ng matabunan ay gumaganda at gumagwapo.  Sa ibaba ng naglalakihang canvas, may maliit na bilugang papel sa tabi ng pamagat.  Bilog na nagsasabing ikaw ay “sold” na, may nakabili na sa iyo.

 

 

***

 

Sa bandang dulo ng dula, nakilala ng dating coordinator na naging kritiko ang artistang naging waiter.  Hindi siya serbidor, siya ay artista, wika ng kritiko, at nagdiwang ang loob ng serbidor pagkat may isang nakaalala, siyang mataas sa kultural na kapital.  Kritiko man o hindi, umangat ang damdamin ng serbidor, isang saglit na pag-angat na umabot hanggang alapaap, siguro’y katumbas na ng salitang “ethereal” kahit baka marami itong pagkukulang.  Nagwika ang serbidor ng linya mula sa kanyang dula, natuwa ang kritiko, umindayog sa wikang Filipinong lumalabas sa dila ng serbidor.  Ako naman bilang tagapanood, lumipad sa utak ang mga salita, ang natira na lang sa utak ay ang damdamin ng sandali, damdamin na kahit anong piga ay walang salitang tutumbas.  Maaaring subukan, maaari akong mangahas na magpahusga para sa lahat ng aking pagkukulang.  Baka ito ang punto ng palabas, o ito na nga mismo ang palabas.  Pag-iisipan ko ito habang nakahiga sa kama at lumilipad ang malay, hanggang sa umagang dumampi ang paa ko sa lupa, kumilos na gaya ng karaniwang tao sa isang karaniwang tao.  Sa loob-loob, isang pagkulo, isang pausbong na balak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.