Pop!

DSC_1058

Madalas ang tendensiya ko na magpaulit-ulit.  Isa ito sa pagtatangka kong magpanatili ng memorya.  Ang ulit-ulitin ang mga kuwento at alaala para siguradong hindi makakalimutan.  Mas madalas kesa madalang, nakakalimutan kong hindi pala ako nakalimot nang ilang beses, o nakalimutan ang mga pagtatangka na huwag makalimot.  Isa sa mga madalas kong ulit-ulitin ay mga kuwento tungkol sa mga pamilya, sa mga binubuong ritwal, sa panahong hindi tumitigil sa pag-andar.

Star Wars ang latest na kinahihiligan ng mga pamangkin kong sina Nimra at Barrick.  Dati, ang hilig ni Nimra ay Transformers at Power Rangers, pati si Barney na sa sobrang pagkagusto niya’y napabili ako ng malaking stuffed toy nito noong hindi namin naabutan ang Barney mascot sa isang kiddie party.  Si Ayek (palayaw ni Barrick), consistent pa rin sa kanyang Teenage Mutant Ninja Turtles addiction.  May mga patutuluyin siyang bagong mga palabas at laruan sa kanyang gunita, pero laging naiiwan sa ngayon sina Leo, Donnie, Raph at Mikey.

DSC_1164

Sa amin ng kuya kong si Bryan, Super Sentai series ang aming kinalakihan.  First generation Transformers na may kasabay pang Go-Bots.  Bioman at Shaider.  Maskman at Masked Rider Black.  Voltes V.  Voltron.  He-man at She-ra.  Sa pagkakatanda ko, mas mailap ang laruan sa amin kesa sa mga pamangkin ko sa ngayon, pero nabiyayaan naman kami ng ilang Transformes at Go-bots, He-man, GI Joe, Bioman, Voltron (yung maliit lang, saka yung car version), Captain Power.  Tuwing may kaarawan o iba pang espesyal na okasyon, pumupunta kami sa Novaliches Bayan, sa Tropical Hut Department Store.  Sa labas ng Tropical, may tindahan ng mga laruan.  Doon kami nakakadiskarte ng mga regalo paminsan-minsan.  Natatandaan kong Tropical Hut ang burger of choice namin noon, bago magkaroon ng shift papunta sa Jollibee.  Hindi ko matandaang nahilig kami sa Mcdo kahit kailan.

DSC_1113

Bumili pa rin ng laruan si Nimra noong nakaraang Christmas vacation.  Star Wars: the Force Awakens na action figures.  Hindi na nga lang siya interesadong paglaruan ang mga iyon, mas for display only.  Si Ayek na dati’y mas tahimik, mas madaldal at agresibo na sa pagpapabili ng kanyang TMNT.  Paminsan, masyado nang makulit kesa sa gusto ko.  Kung anuman, at least consistent pa rin siya sa gusto niya.  At kung anuman, hindi pa nila nalalampasan ang record ng tito nilang umiyak mula D’ Square Novaliches hanggang sa may Zabarte, umiyak dahil gustong magkaroon ng bagong bisikleta na nakita sa bayan.  Matingkad na asul at mabigat na bakal ang mga alaala ko ng bisikletang iyon.  Si Kuya Nimra, mas mahilig na sa paggigitara.  Pareho silang adik sa Internet at games.  Noong pagpasok ng bagong taon, mas kami pa ng nanay ko ang excited magsindi ng mga lusis at fountain.  Medyo nalungkot ako noong napansin ko ang detalyeng iyon.

DSC_1097

Nagpabili si Ayek ng baril-barilang may bula noong namasyal kami sa Quezon City Memorial Circle, ikatlong araw ng bagong taon.  Isa na rin iyon sa nagiging ritwal namin tuwing bagong taon, ang gumising nang maaga at pumasyal sa UP o sa Circle, maglakad-lakad at kumain ng agahan pagkatapos.  Sa partikular na araw na iyon, mas interesado si Ayek na maghanap ng baril-barilan imbes na lumakad.  Nakahanap naman kami pero hindi mapagana ni Ayek ang mekanismo ng baril, masyadong mabagal ang mga daliri para magpalabas ng mga bula.  Kaya tumulong na ang Kuya Nimra niya.  Ang ginawa na lang ni Ayek ay maghabol ng mga bula.  Sa loob ng ilang minuto, nakipaghabulan at nakipagsapakan ang pamangkin ko sa singkuwenta pesos na likhang-kalaban.  Sigurado akong umaandar ang TMNT sa kanyang isip.

DSC_1135

Ganoon siguro ang pakiramdam ni Mama sa mga partikular na saglit ng aming paglaki ni Kuya.  Iyon siguro ang inaasam-asam ni Papa habang nagtatrabaho siya sa Saudi, iyon siguro ang ugat ng bakas ng hinayang sa mga mata niya sa tuwing makakauwi siya para magbakasyon, nanghinayang dahil may hindi naabutan.  Ang panahon na parang isang baril-barilang may lamang bula.  Mga pamangking dati’y naglulusis at ngayon ay nagta-tablet na lang.  Anak na handang umiyak mula Novaliches hanggang Caloocan para makasakay sa asul na bisikleta.  Mga batang di mapakali tuwing bisperas ng pasko o bagong taon, atat na atat na pilasin ang mga pambalot sa kani-kanilang regalo.  TMNT kaya?  Barney?  Transformers o Go-Bots?  Hindi na sila makapaghintay.  Gusto na nilang matapos ang pag-aabang.

Ang pag-aabang sa pagtatapos ng isang yugto.  Ang panahon na parang tapon o takip sa isang sisidlang unti-unting naglalabas ng oras, ng mga sandali.  Sa umpisa, patak-patak, paunti-unti, napakahirap pag-isipan kung paano makakapuno ng kahit isang baso ng mga alaala.  Kung hindi maingat, kung hindi mapalad, hindi mapapansing lumolobo ang takip, umaalsa, itinutulak palabas.  At bigla-bigla, hindi na namalayan, BOOM!  Sumabog ang takip, at rumagasa ang mga sandali na parang tubig, minsan parang hangin, dire-diretso at walang tigil, patungo sa iba-ibang direksyon.  Kung hindi maingat, kung hindi mapalad, malilingat ka sandali, at sa isang iglap–hindi na pala sila bata.  Hindi na pala sila ang dating sila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.