21 – Si Vito at ang Estudyanteng Buntis

3

Ibabahagi ko ang isang sipi mula sa dulang Elevator Action, na adaptasyon ng The Dumb Waiter ni Harold Pinter.  Itinanghal ito ng UP Dulaang Laboratoryo noong 2012, sa direksyon ni Joey Ting.  Sina Allen Diansuy at Stephen Vinas ang mga pangunahing tauhan sa dula.

Ipinapabasa ko ito sa kasagsagan ng social media war sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko (at ang mga baryasyon sa spectrum) ng kasalukuyang pamunuan.  Mainit na usapin sa kasalukuyan ang extra-judicial killings, at ang adaptasyong ito’y humuhugot sa parehong balon.  Ibang administrasyon, pero nasa parehong kultura ng impunidad at kawalan ng pananagutan sa mga pandurukot at paslang.  Iniisip kong ipabasa ito para manawagan din, kahit sa mga kaibigan man lang na nakakabasa ng mga inilalagay ko sa aking FB at Twitter wall, na makabuluhan ang magkaroon ng pag-uugnay sa kasaysayan.  Mag-ugnay at sikaping unawain ang mekanismo ng dahas at pang-aabuso.  Nagbibigay tayo palagi ng puwang sa mga positibong hakbang at panawagan ng kasalukuyang administrasyon (mataas na pasahod sa mga guro, usaping pangkapayapaan, at iba pa), pero sana’y lagi ring may puwang sa pagtukoy at pagpuna sa mga hakbang na maaaring mga pag-uulit lang ng kasaysayan, o kaya’y pagpapatuloy ng mga labang dati nang napagwagian para sa ikabubuti ng mas nakararami.  Kung anuman, habang buhay pa ang lahat, may puwang (baka may pribilehiyo rin) para mag-usisa pa, magtimbang, at ilahok ang mga tindig sa magkakaiba nating mga kultural na produkto.

Para sa 31-day Writing Challenge, narito ang eksena kung saan ang mga hired killer na sina Gus at Ben ay naubusan ng LPG para sa kalan.  Naubos ang gas habang nauubos na rin ang pasensya ng isa sa paghihintay ng susunod nilang target.

***

GUS: Naubusan tayo ng gas.

BEN: Josko. Sige di bale na.

GUS: Wala kaya tayong matatawagan para ayusin yun?

BEN: Wala rin naman akong pera para doon.

GUS: Ako nga rin e.

BEN: Antayin na lang natin.

GUS: Ang alin?

BEN: Si Vito.

GUS: Naku, hindi naman laging sumisipot yun e. Minsan lang yun magpakita nang personal. Malabong dumating yun.

BEN: E di tiis-tiis ka na lang muna.

GUS: Sayang naman.

BEN: Inumin mo lahat ng tsaang gusto mo pagkauwi natin. Di naman dapat pinoproblema yan, ano ka ba?

GUS: Mas ayos lang sana kung nakapagtsaa ako bago yung assignment.

Iaangat ni Ben ang baril, lilinisin ito.

BEN: Josko, wala na tayong magagawa diyan. Sige maghanda ka na

GUS: Sayang din. Ang mahal naman kasi ng LPG e.

Dadampot si Gus ng isang pakete ng tsaa at ibabalik ito sa bag niya.

Pero sana kung dumating siya e may pambili siya ng gas. Tingin ko dapat lang yun. Sa kanya naman itong lugar na ‘to, dapat kabisado niya kung mauubusan na ng LPG ang kalan niya. O kahit sapat na gas lang para sa isang tasa ng tsaa.

BEN: Bakit mo naman sinasabing sa kanya itong lugar na ‘to?

GUS: Bakit, hindi ba?

BEN: Pwede naman kasing nirentahan lang niya ‘to. Di naman laging kailangang sa kanya yung mga lugar na malapit sa assignment natin.

GUS: Hindi, tingin ko talaga sa kanya ito. Tapos kahit sa kanya yung lugar, kinukuripot pa rin tayo maski sa kaunting pampakulo ng tubig.

Mauupo si Gus sa kama.

Oo, tingin ko kanya talaga ito. Isipin mo, lahat ng pinuntahan natin parang ganito lang halos. May susi dito, may takure. Laging walang ibang tao. Laging tahimik, di ba buong araw na tayo dito at tayo lang ang nagkakarinigan? Walang kahit na sinong dumarating, bukod syempre dun sa inaabangan natin. Sound-proof kaya yung mga pader nito? Ang hirap tantiyahin. Kahit si Vito, ni hindi man lang nagpapakitang-tao na sumipot nang regular.

BEN: Bakit pa? e andami-daming pinagkakaabalahan nun.

GUS: Alam mo, nahihirapan akong makipag-usap sa kanya nang maayos. Nasabi ko na ba yun?

BEN: Diretsuhin mo na yung punto mo Gus.

GUS: Wala naman, may ilang mga bagay lang ako na gustong linawin sa kanya. Pag nakita ko siya, pag nagkaroon ng pagkakataon.

Katahimikan.

Lagi ko kasing naiisip yung huli natin.

BEN: Yung huling alin?

GUS: Yung estudyanteng buntis.

Babasahin ni Ben ang diyaryo. Tatayo si Gus.

Ilang milyong beses mo nang nabasa ang diyaryong yan a.

Tatayo si Ben.

BEN: Por diyos por santo Gus, ano ba kasi ang gusto mong mangyari?

GUS: Wala naman, para kasing buong araw ka nang nakatitig diyan.

BEN: O, ano ang gusto mong palabasin?

GUS: Hindi kasi, parang pag may sinasabi kasi ako.

BEN: Ano, ano? Dalian mo’t baka lagyan ko ng bagong butas iyang tenga mo.

GUS: Hindi mo ako nakukuha e, sa tingin ko kasi…

BEN: Susmaryosep ayan o nakatingin na ako sa iyo o, ayan magtinginan na tayo. Diretsuhin mo na!

Babalik sa kama si Ben.

GUS: Pinag-iisipan ko lang naman yung estudyante, yun lang naman.

Mauupo si Gus sa kama.

Alam ko, di naman siya ganoon kaganda o kapanget, ni hindi ko na nga matandaan ang itsura niya. Pero kasi, ang dumi ng kinalabasan nun e. Iba yata talaga ang katawan ng babae, hindi kasingtigas ng pagkakadikit ng mga piyesang lalake. Buntis pa. Hindi ko mabura sa isip yung dami ng kalat. Yung dumi, iba e.

Tatayo si Ben, nakapikit, parang naiirita.

Naisip ko tuloy, sino ang naglilinis ng lahat nun pagkatapos natin, pag wala na tayo? Gusto ko lang maintindihan yun. Sino ang tagalinis? O nililinis ba talaga? Iniiwanan lang kaya nila yun na ganun-ganun lang, tingin mo Ben? Ilang assignment na nga ba ang nagawa natin? Grabe sa sobrang dami e hindi ko na mabilang. Paano kung lahat ng kalat nating yun e hinayaan lang nilang ganun?

BEN: Ano ka ba Gus, natural may gumagawa nun. Ano ba ang akala mo, na tayo lang ang bahagi ng grupong ‘to? May mga galamay sila para sa lahat ng dapat asikasuhin.

GUS: Totoo? May tagalinis ng lahat ng basura natin?

BEN: Susmaryosep.

GUS: Pasensya na ha, hindi ko lang talaga makalimutan yung estudyante, syempre balang araw gusto ko ring….

Mapuputol ang usapan sa tunog mula sa gitna ng kama, na parang may bumababa. Kukunin ng dalawa ang kanilang baril. Magsesenyasan ang dalawa na siyasatin ang ingay na nasa gitna. Kakatukin ito ni Gus, mayamaya’y bubuksan ni Ben ang takip at makikita ang serving hatch na hinahatak ng mga tali at pully (dumb waiter). May makukuhang papel si Gus mula sa loob.

2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.