27 – Salaysay tungkol sa mga Salaysay

3

Narito ang unang bahagi ng “Ang Paglaladlad,” na adaptasyon ng dulang “The Unravelling” ni Fin Kennedy.  Itinanghal ito sa produksyong Meta ng UP Dulaang Laboratoryo, noong Mayo 2016.

Sa bahaging ito ipinapakilala ang mundo ng mga salaysay at ang hiwaga ng pagkukuwento.

***

Kadiliman. Sa kadiliman, nagsasalita ang MGA TAGAPAGSALAYSAY

MGA TAGAPAGSALAYSAY. Ito ay salaysay tungkol sa mga salaysay
Tungkol sa mga salaysay sa loob ng mga salaysay sa loob ng mga salaysay
Bawat isa ay pagladlad mula sa nauna
Pagkarami-raming kwento sa totoo lang
Isang nakapatong sa isa pa
Na parang katulad ng ano…
Ng ano…
Ng isang Condominium!
Hindi, chong, ibang level naman yun.
Katulad niya yung mga manika
Na may lamang isa pa sa loob at may lamang isa pa sa loob
Tapos nung akala mong nakuha mo na yung pinakahuli
Mabubuksan mo pa siya
At mayroon na naman!
At may isa pa,
Tapos isa pa uli!
Nyay, hindi ko gusto ‘yan, kinikilabutan ako.
Yun mismo!
Ang ibig kong sabihin, saan ba natatapos ang lahat ng ‘yon?
Parang patse-patseng kutson na pinagtatagpi nang walang hanggan
Bawat isa sa atin ay isang maliit na bahagi lang.
Teka lang, mayroon naman sigurong nagtatahi ng lahat.
Oo sigurado, mayroon ‘yan
Wag ninyong alalahanin ‘yan
Dahil sa totoo lang, diyan mismo
Magsisimula
Ang ating Unang Salaysay.

Mamamatay nang bahagya ang mga ilaw na nakatapat sa mga Tagapagsalaysay. Nakakumpol sila sa isang model box, ang bawat isa’y nakahawak dito na para isa itong dollhouse, kung saan may isang scale model ng isang fabric shop sa Lumban, Laguna. Sumisilip sila sa loob nito.

May mga manikang gawa sa tela na nakasabit sa mga pader, mga paskil na may presyo, isang maliit na cash register at maliit na mga pigura—isa dito’y isang matandang babaeng nasa isang makinang panahi. Bahagyang maririnig ang tunog nito habang umiikot.

At ayan na nga siya
Isang malungkot na huklubang mananahi
Sa masikip at lumang tindahan ng tela
Sa isang maalikabok na lumang eskinita
Sa isang nakalimutang bahagi ng bayan.
Ano’ng ginagawa niya?
Nagtatahi, hindi ba?
Nakukuba sa pagtungo sa kanyang makina
Buong araw at buong gabi
Nagtatahi ng mga barong
Terno
Balabal
Gown
Anuman ang maibigan niya
Ang mga bubot na sangkap ng buhay ay nakasabit sa kanyang mga pader
Ang mga tela
Di ka maniniwala sa dami ng telang naroon
Bawat padron
Habi
Sulsi
Tahi
Masinsing nakarolyo
Nag-aabang na malantad
Magupit
Mapunit
Mahati
At mamukadkad ng buhay.

Lalapit sila sa pagtingin sa model box at may makikitang isang set ng maliliit na pigura, nakabihis ng katulad sa kanila, nakapalibot din sa isang maliit na model box. Patuloy na lalakas ang tunog ng sewing machine.

Sino naman iyang ibang mga tao na iyan?
Sila? Ewan ko
Mga bisita?
Malamang mga customer
Mukha silang pamilyar…
Medyo nakabihis ng katulad sa atin…
Hindi maaari!
Isang kahon!
Isang modelo!
Isang maliit na tindahan ng tela!
Isang modelo sa loob ng isang modelo sa loob ng—
Tama na, chong, kinikilabutan na ako!

Magbubukas ang mga ilaw sa tunay na set ng dula, at makikita na nasa isang patahian ang mga tauhan na eksaktong katulad ng model box. May mga rolyo ng telang nakasabit sa mga pader, mga paskil na may presyo, isang cash register at isang matandang babae (ang MANANAHI) na nakaupo sa isang sewing machine. Lalakas nang lalakas ang pag-ikot hanggang sa huminto.

Hihinto ang lahat ng mga Tagapagsalaysay, tulad ng mga manikin na nagmomodelo ng damit.

Titingala ang Mananahi mula sa kanyang ginagawa.

MANANAHI. Lumaladlad sa ating lahat ang realisasyon.
Tayong lahat ay mga papet
Sa isang dambuhalang salaysay.
Papalakpak siya.
Plakda!
Mawawalan ng buhay ang mga Tagapagsalaysay, nakasabit na parang puppet na nakatali.
Paiikutan sila ng Mananahi.
Ito ang lugar kung saan tumutungo ang mga tao upang humiraya
Mag-orasyon
Magbanyuhay
Nananawagan sa kanilang mga sarili
Gaya ng mga genie mula sa bagyong alikabok ng buhay.
Mga inabalang maybahay
Na mabigat ang bagahe’t mas mabigat ang puso.
Inayusang mga sekretaryang
Sinisikap na isulat ang sarili nilang istorya.
Mga antuking estudyanteng
Sawa nang magmukhang segunda mano.
Mga kahali-halinang lolang
Lumulusong sa isang huling pagsirko bago kumindat pawala ang mga ilaw.

Magbabalabal siya sa bawat walang-buhay na “papet” ng isang piraso ng kasuotang magsisilbing pantukoy sa kanilang papel, hal: shawl para sa lola, isang suit jacket para sa sekretarya.

Habang lumalakad pababa ng assembly line
Ang pinto’y kanilang binubuksan
At sila’y natitigilan
Lumulupaypay
At biglang naaalalang magsihingahan.

Hihinga nang malalim ang Mananahi at bubuga.
Sama-samang hihinga nang malalim ang mga Tagapagsalaysay.

Maniwala kayo
Nakikita ko ito.
Nakikita ko ang lahat ng ito.

Mabubuhay ang mga Tagapagsalaysay bilang customer sa isang shop: isang maybahay, isang sekretarya, isang estudyante—lahat ay tahimik na tumitingin sa iba-ibang mga tela.

Habang nagpapatuloy ang Mananahi, inaarte nila ang mga galaw na sinasabi niya.

Sinisipat nila ang mga rolyo
May isang pupukaw sa kanilang pagsipat
Sila’y titigil
Hahakbang
Aabot
Hihipo
Maglaladlad—pero bahagya lang
At doon mismo magsisimula ang salamangka:
Sa paghiraya
Ng damit
Ng porma
Ng buhay.
Dito, lahat ay posible
At lahat ay umiiral
Ito ay isang sagradong lugar
Kung saan sila dumarayo para magbukas sa bukas.
Plakda!

Babagsak muli ang mga Tagapagsalaysay.

Gusto ninyo ng mga kwento?
Sige, kukwentuhan ko kayo
Pagkat ano ba ang buhay kundi sala-salabat na sapot ng sinulid
Sumusuroy patungo sa isang malayong punto ng paglaho?
Tinatawag ko itong “Ang Paglaladlad.”

Sa susunod na apat na salita ay pipitik siya sa harap ng mga Tagapagsalaysay at muli silang pipitik pabalik sa pagiging buhay.

Minsan
Noong
Unang
Panahon.

1

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.