“Childhood ruined,” ayon nga sa karamihan
lalo’t ilang taong sumampalataya,
lumaki’t sumandig sa katotohanang
itong mascot mula sa Japan ay pusa.
At paano naman siya makakausap
gayong di siya ginawaran ng bibig?
Puso lang daw ang kayang magpaliwanag
sa lahat ng himutok ng kanyang dibdib.
Sabagay, bakit pa ba maninibago
sa dami ng tao’t tauhang binura?
Pusa o missing witness o lumang kaso,
fare hike, plunder, EJK—mukhang iisa.
Sasambulat din itong tanaw ng puso—
may pusang nakatingin, naninibugho.