30 – Mga Infomercial tungkol sa Las Islas

1

Nasa ibaba ang sampung bungkos ng tekstong nakadisenyo para maging spiels sa inimbentong bansang Las Islas.  Binuo ang Las Islas para sa adaptasyon ng 1984 ni George Orwell.  Nakaplanong maging filler ang mga infomercial na ito habang umuusad ang mga pangyayari sa dula.

1.
Las Islas. Isa sa mga bunsong kapatid sa sambayanan ng Oceania. Kilala para sa mga masarap na pagkain, palangiting mga tao, maaliwalas na panahon, mayamang kabundukan at kapatagang napaliligiran ng masaganang karagatan.

Binubuo ng halos anim na libong pulo, ang Las Islas ay nabubuhay sa pagtatanim ng palay, mais, pinya, saging, asparagus, bawang, at iba pang mga halamang-pagkain. Nagbibigay din ang Las Islas ng tulong sa mga kapatid na bansa ng Oceania sa anyo ng materyales para sa mga produktong pangkalusugan at ginhawa, mineral at lakas-paggawa para sa mga industriya ng Oceania, aktibong suporta sa patuloy na digma laban sa Eurasia. Sa mahabang digmang ito, karamay natin ang kapatid na sambayanan ng Eastasia. Habang ginagamit pa rin Ang Oldspeak EngFil sa kabuuan ng Las Islas, dumarami na rin ang nasasanay sa paggamit ng Newspeak bilang pambansang wika.

Pinangangasiwaan ang kabuuan ng Las Islas sa apat na Departmentso “Kagawaran” sa Oldspeak EngFil: Department of Peace para sa mga usapin ng seguridad at kapayapaan (magfa-flash ang mga salitang “DPiz” at “Kapayapa”). Department of Plenty para sa usapin ng pagkain at kalusugan (magfa-flash ang mga salitang “DPlenT” at “Kadami”); Department of Love para sa usapin ng disiplina at integrasyon ng mga mamamayan (magfa-flash ang salitang “DLuv” at “Kaibig”); at ang Department of Truth, para sa usapin ng pagkalat ng balita, panitikan, at iba pang kaalaman (magfa-flash ang mga salitang “DTru” at “Katoto”).

2.
Binubuo ang Las Islas ng iba’t ibang taong nagtutulong-tulong para sa ikabubuti ng bansa, alinsunod sa gabay ni Big Brother, ang ating Kuya: Nariyan ang Inner Party o Uring Pangloob sa lumang salita, sila ang nangangasiwa ng mga Kagawaran o Department, ang tagapagsiguro ng maayos na pagtakbo nito; Ang Outer Party o ang Uring Tagapamagitan sa lumang wika, mga edukado’t empleyadong kasapi ng Las Islas; ang pinakamarami ay ang mga Prolet, Uring Tagagawa at Tagabungkal sa mga unang kataga. Nagsasama-sama nang matiwasay ang tatlong uring ito, nabubuhay nang malay at masunurin sa kani-kanilang mga nakatakdang kakayahan, benepisyo at limitasyon. Naniniwala at sumasang-ayon sila sa mga panawagan ni Big Brother at ng mga Kagawarang pinatatakbo ng ating Kuya.

Ang lahat ng batayang impormasyon kay Big Brother ay kasama sa panimulang kurso ng Las Islas Youth Council, ang konseho ng kabataang binubukas sa mga tunguhin at biyaya ng ating Kuya. Fully integrated ang Youth Council education sa lahat ng akademikong institusyon sa Las Islas.

3.
Ang Las Islas Lotto ay isang paraan ng giving back o pagbabalik ni Big Brother ng biyaya para sa mga mamamayan ng Las Islas. Sa murang halaga, makakabili ang sinuman ng kani-kanilang lottery ticket na maaaring magwagi ng alinman sa minor at major prizes. Maraming kapatid na kabilang sa Prolet at Outer Party ang sinuwerte na’t guminhawa ang buhay dahil sa regalo ni Kuya. Tagapamagitan man, Tagagawa o Tagabungkal, sa Las Islas Lotto, may panalo ka.

4.
Ang “Thoughtcrime” ay isang napakalaking krimen sa Las Islas. Ang pag-iisip ng anumang ideya o imaheng nagtatanong, kumakalaban, o humihiling ng pagkasawi kay Big Brother at sa Partido ay katumbas na rin ng kamatayan. NGUNIT, ang kamatayang ito ay nagagamot ng KAIBIG. Kaya naman sa Las Islas, ang mga mahuling nagkasala sa Thoughtcrime ay hinuhuli ng Thought Police o Thinkpol,at ipinapasok sa DLuv upang pumailalim sa kumbersyon. Ang pagpatay sa madungis na isip at puso, ang muling pagsilang bilang isang normal at matinong mamamayan ng Las Islas. Tandaan, thoughtcrime does not entail death, thoughtcrime is death. But in death, there is also life.

5.
Binabantayan ng Kapayapa o DPiz ang seguridad ng mga sundalo ng Oceania. Mahaba at masalimuot ang kasaysayan ng digma. Sa tuldok na ginawa ng bomba atomica mula sa Eurasia, bumabangon ang Oceania, ang kapatid na Eastasia, at ang unprotected sectors na kailangan ng salvaging o pagliligtas. Isa ang Las Islas sa mga naging bunga ng salvaging na ito. Salamat sa Oceania, sa Eastasia, sa DPiz o Kapayapa, natatamasa na ng Las Islas ang kapanatagang matagal ding ipinagkait ng bomba atomica.

Utang na loob ng Las Islas ang pagligtas ng Oceania at Eastasia sa kanya. Bayad-utang nating lahat ang responsibilidad na tulungang iligtas ang iba pang mga bansang naliligaw. Nasa gabay ni Kuya ang tamang landas.

6.
Ang Junior Anti-sex League ay isang inisyatibang pinasimulan ng batang kababaihan ng Las Islas. Sumasang-ayon ang asosasyon sa gabay ni Big Brother na ang pakikipagtalik ay isang serbisyo sa partido at hindi para sa iba pang anyo ng layaw. Sa kasalukuyan, Ang Junior Anti-Sex League ang tagapanguna sa kampanya para sa kadalisayan, sa pagkalat ng impormasyon hinggil sa partido, sa papel ng kababaihan bilang tagaluwal ng mga bagong mabuting mamamayan ng Las Islas, ang pagsiguro na ang bawat tahanan ay may sinapupunang handa at naghihintay.

7.
Ang “Hate Week” o “Linggo ng Agitasyon” ay ginagawa taon-taon sa Las Islas at sa iba pang mga bansa sa sambayanan ng Oceania at alyadong sambayanan ng Eastasia. Isa itong linggo ng mga panayam, parada, awit, at iba pang programang may layunin ng komemorasyon sa mga tagumpay ng Oceania sa digmaan kontra-Eurasia. Isa rin itong paalala at panawagan para sa Las Islas at sa Oceania na laging maging mapagbantay sa mga posibleng gawin ng kalabang bansa, ang Eurasia. Hate Week equals quadrupleplusgood, Eurasia equals quadrupleplusungood.

8.
Ang Newspeak ay isang sistema ng salitang ipinapasok ng Partido sa Oceania at Las Islas. Isa itong sistemang umaandar sa prinsipyo ng katipiran, simplisidad, at singularidad ng silbi. May tatlong kategoryang nagkakahon sa mga salita ng Newspeak.

Sa Category A, ang mga salitang may kaugnayan sa araw-araw na pamumuhay. Pagkain, pagpasok sa eskuwela, sa trabaho. Mananatili ang mga salitang may pinaka-neutral na katumbas, katulad ng “house” “tree” “food.” Inaalis ang anumang mga iba pang kahulugan. Pinapatay na rin ang paggamit ng tenses at conjugation. Halimbawa, imbes na “thought” para sa past tense ng “think,” nilalagyan na lang ng “E-D” ang lahat ng salita. Ang ‘think” ay magiging “thinked.” Papatayin din ang maraming adjectives o pang-uri, na papalitan na lang ng mga prefix at suffix na “un” at “ful.” Simple lang hindi ba?

Sa Category B nakalagay ang mga salita para sa pangangasiwa. Mas maiksi, mas katanggap-tanggap. DPiz. Thinkpol. Crimethink. DTru. B.B.

Sa Category C ang mga salitang may kaugnayan sa agham. Ito ang bahaging nangangailangan pa ng maraming pagsasaayos, pero ipinagpapalagay na magkakaroon na ng mga panibagong termino para sa “agham” at “teknolohiya” upang maging mas angkop sa ating kasalukuyang panahon.

9.
Ang “Maikling Kurso sa Kasaysayan at Rebolusyon ng Las Islas” ay isang librong mahigpit na ipinagbabawal sa Las Islas. Nakalagay dito ang mga falsificasyon ni Evangelista, ang pinuno ng teroristang organisasyong “Kapatiran.” Sinasabotahe ng Kapatiran ni Evangelista ang lahat ng kabutihang ibinibigay ni Big Brother at ng Partido sa Las Islas at sa Oceania.

Para sa mga may impormasyon hinggil sa mga posibleng pinagtataguan ng librong ito, o sa mga may hinala ng mga taong posibleng nagbabasa nito, maaaring tawagan ang mga numerong nasa telescreen.

10.
Ang Proseso ng Kumbersyon sa DLuv ay may tatlo hanggang apat na yugto. Ang karaniwang proseso ay una: Physical Conversion, ang pagkondisyon ng katawan bilang paghahanda sa mga aral hinggil sa paggalang at pagmamahal; Pangalawa, ang Mind-Soul Nutrition, ang pagbibigay ng lusog at kabusugan sa mga pangloob na guto,; pangatlo ang Reintegration, ang pagbabalik sa mundo ng mga normal at mapagmahal na tao. Goodthink, ayon sa Newspeak.

Para sa mga espesyal na kaso, nabibigyan ang mga bisita ng DLuv ng pagkakataong makilala at maranasan ang mga biyayang idinudulot ng Room 101. Ito’y isang silid na hindi lahat ay napipili. Para lamang ito sa mga pinakaespesyal na taong binibigyan ng pinakaespesyal na pagmamahal ni Hermano Mayor, Kuya, Big Brother.

2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.