The Mark Anthony/ Claudine/ Ang TV UP Dream

Tumatakbo si Mark Anthony Fernandez sa Track Oval ng UP. Hinahabol niya ang mga kakumpitensya mula sa San Lorenzo University. Tumatakbo siya sa gitna ng nagsisigawang mga eskuwela, sa gitna ng panonood nina Gio Alvarez at Roselle Nava–kasama ng sanlibong alaala ng telebisyon tuwing alas-kuwatro y medya–tumatakbo si Mark Anthony Fernandez habang nanonood si Claudine Barreto, bago pa niya makilala si Rico Yan, o si Raymart Santiago, bago pa siya maging ina, bago pa siya maging endorser ng Lactum, ng 555 Carne Norte, ng Belo, ng Natasha, tumatakbo si Mark Anthony Fernandez habang nanonood si Boots Anson Roa at Gina Pareno, palaging ina ang papel nila sa pelikula, ina o lola, iba na talaga pag tumatanda, tumatakbo si Mark Anthony Fernandez kahit napilas na ang laman sa hita, sasagiin siya ng isang taga San Lorenzo (walang pangalan, extra lang e) at matutumba siya, pero sisigawan lang siya ng tatay niyang si Dante Rivero. “Tayo!” sabi ni Dante Rivero, tayo naman si Mark Anthony Fernandez. Tatakbo siya, mabilis pa sa alas-kuwatro–o alas-kuwatro y medya (4:30 na ba? Ang TV na!), hinihintay ko na lang na may magsabi ng “nye!”–at mapipigtas niya ang kurdon ng pagwawakas. Papalahaw si Wency Cornejo, kakantahin ang mga unang linya ng “Mangarap ka.”

Nasa isip ko si Mark Anthony Fernandez habang nasa CAL New Building. Wala pang CAL New Building noong si Mark Anthony Fernandez ang estudyante. Pero wala naman silang pakialam, si Mark Anthony Fernandez at silang nasa upuan. E ano kung hindi pa one-way ang acad oval noon? Ano kung nagsusuot pa ng cycling sa ilalim ng shorts ang mga mananakbo noong mga nakaraang taon? Ano naman kung pumapara sina Mark at Claudine sa tapat ng AS Parking kahit sa totoo’y bawal? Ano naman kung ang dating tinatambayan nina Mark at Claudine ay natabunan na ng “Bulwagan ng Dangal?” Pare-pareho lang naman iyan, pare-parehong tapos na, sasabihin kaya iyan ng isang iskolar kapag tinanong siya tungkol sa kasaysayan? Pare-pareho lang naman. Pare-pareho ng pinapasukan, pare-pareho ng inuuwian. Paulit-ulit lang naman. Ang kasamaan, ang kasakiman, nariyan na naman iyan. Noon-noon pa. Hindi na mawawala iyan. Bakit pa lalabas ng silid-aralan? Bakit hindi na lang tutukan ang pag-aaral? Bakit hindi? Bakit hindi binasa ang readings? Bakit hindi maipasa ang 10-item quiz? Bakit tanong nang tanong kung bakit may mga lumalabas, habang pag nasa silid-aralan ay walang ibang inaasam kundi ang uwian, ang dismissal, ang bell. Bakit walang bell sa UP maliban sa Carillon (at sa UP Law)? Bakit bell ang nagtatakda ng panahon? Paano magkakapanahon kung pare-pareho lang ang noon at ngayon? Paano malalaman ang lahat ng iyon kung hindi naman pumasok kahapon? Pare-pareho lang nga ba iyon, iyong umabsent dahil walang baon at yung umabsent dahil nasa Timezone? Bakit ba kailangan pang itanong itong mga itinatanong? 4:30 na ba? Hinihintay ko kasi ang joke e.

Ang joke–Ang TV. Sa TV, akala mo’y singlaki ng Sunken Garden ang Track Oval. Sa TV, lahat ng anak ng mangingisda ay may kamag-anak sa Maynila na may mansyon. Sa TV, lahat ng estudyante ay may Nanay at Tatay na kapag nagsabing “tayo” ay agad na babangon ang sinasabihan mula sa pagkakadapa. Sa TV, lahat ng taga-UP ay kamukha ni Claudine Barreto at ni Mark Anthony Fernandez. Sa TV, track-and-field game at hindi basketball ang kino-cover sa UAAP.

Sabi sa TV, kahit anak ka ng magdadaing, pwede kang pumasok sa State University. Pero noon iyon. Kung mayroon ngang noon ha. Pare-pareho lang naman daw iyan e. Paulit-ulit lang. Si Mark Anthony Fernandez, si Claudine Barreto, si Rico Yan, si Raymart Santiago, si Boots Anson Roa’t Gina Pareno, si Dante Rivero, sila’y palabas lamang. Sa palabas na ito, palaging 4:30 ang oras, kung may oras man. Hinihintay ko na lang na may magsabi ng “nye!” Esmyuskee, ikaw na ba iyon?

Noong bata kami, binabago namin ang lyrics ng kanta ni Wency Cornejo. Imbes na “mangarap ka” lang, dinadagdagan namin ng “mangarap kang mag-isa mo.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.