Bishonen

Bishonen

Dahil pinalaki’t pinaniwala tayong nasa sariling mata ang ganda, hahagilapin natin ito sa mga bagay na nakikita, at kikilatisin din sa ganitong pagkukulang.

Sa itinakdang loob at labas ng pader sa isang silid. Sa tilamsik ng tubig na pinadausdos sa paliguan. Sa punda’t kubrekamang tatlong buwan nang hindi napapalitan.

May ganda sa kislap ng flash ng kamera, sa nailawang mukhang hindi naman pumayag na malitratuhan. May ganda sa unipormeng suot sa eskuwela o trabaho, na imbes na manglunod ay nagpalutang pa ng kaibahan. May ganda sa mga sinadya at di sinadyang tingin, mga planado’t aksidental na pagkukrus ng tanaw.

Hahagilapin natin ang ganda tulad ng paghabol sa liwanag ng araw sa dapithapon. Doon, sa ibabaw ng mataas na gusali, hahanapin natin ang ganda mula sa tuktok ng mausok na lungsod, sa mga buntong-hininga’t sulyap sa ulap, sa mga kuwentong tungkol sa kahit ano’t sa lahat-lahat maliban sa kung ano ang gustong sabihin. Hahanapin natin ang ganda tulad ng paghahanap natin ng pagkapanatag.

Iisipin nating magkaiba ang antas ng ganda ng lihim na naikubli at ng sikretong naibunyag, na iba rin sa antas ng patuloy na pagkukubli’t ng sapilitang pagsisiwalat. Sa nakatirik na edipisyo ng kanya-kanyang kuwento, sa pagtalon mula sa matarik na tore ng kanya-kanya nating istorya, sa mukhang sasalampak sa kanya-kanyang maingay na kalsada, sa dilim, sa maraming-maraming patlang, iisipin nating magkakaiba man ay pare-pareho silang may ganda.


May ganda sa panaginip ng isang maaliwalas na umaga, sa isang dayuhang lupain, sa pangitain ng isang naglalakad palayo, mabagal, walang pagmamadali’t walang tigil. May ganda sa kanyang saglit na paglingon, sa isang segundong ngiti, isang ngiting hinding-hindi mahuhuli ng kahit anong mekanikal na aparato. May ganda sa panaginip na pinapatid ng hilik at hibik.

Magigising tayo sa isang partikular na araw, isang araw na gaya nito, isang araw na nakatitig sa isang pirasong papel. Isang lihim. Isang liham. Isang lihim na liham. Isang istoryang alikabukin, isang bungkos ng pag-aalay na matagal nang naninilaw.

May ganda sa matang nangislap at nanlabo sa pinipigil na luha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.