Tiny Bubbles, o Ano ang Nangyayari sa Sirenang Hindi Pinagsasalita (mga tala sa Wika, Pagmumulat, at Pagpapalaya)

Ito ay papel na binasa para sa Central Luzon State University noong 21 Agosto 2021 (mabuti’t sa ngayon ay active pa ang link). Noong binabalikan ko ito habang naghahanap ng lumang files online, natuwa naman at nakapagtala naman din ng mga pagsipat tungkol sa pandemya na kung ipapakuwento sa akin ngayon ay hindi na ganoon katalas o kadetalyado (kaya mainam na hanggang kaya ay magsulat nang magsulat nang magsulat). Bukod doon, tila magandang balikan ang pagtampok sa halaga ng Filipino at panitikan, lalo’t base sa mga lumalabas na balita’y pinapalakas na naman ang banta sa pagbura ng mga kursong ito sa ating mga paaralan. Nakakapagod na nga rin at nakakainis, itong mga pag-uulit ng hamon at sigalot. Kailangan ding tapatan ang kulit ng pagbura nitong kulit ng pagpapaalala, kahit aminado akong nakakapagod ito’t nakakapanghina ng loob sa maraming pagkakataon.

***

Uumpisahan ko ang bahaginang ito sa kuwento tungkol sa dalawang sirena—ang isa ay nagmula sa malayong bahagi ng mundo, at ang isa naman ay mas malapit sa mga lugar na pamilyar tayo.

Ang una, ang sirenang bunga ng imahinasyon ni Hans Christian Andersen na lalong pinasikat ng pelikula ng Disney. Si Ariel o si Little Mermaid. Sikat siya dahil isa siyang sirenang gustong maging bahagi ng mundo ng mga tao, gustong makalakad at makahalik ng prince charming. Maraming bersyon ito, pero palaging naroon ang isinusukong kapalit para magmukhang tao—ang tinig o boses. Para makuha ang pinapantasya, kailangang maging pipi. Sa dulo, ito ang ikakapahamak ng bidang sirena, at sa maraming bersyon ay natatapos ang istorya kung saan ang munting sirena ay magiging bula, maglalaho at hindi mapapansin kailanman.

Ang isang sirena ay mas malapit sa atin bagaman hindi gaanong kilala. Taga-Pasig lamang ang bidang sirena, at sa kuwentong mula sa panulat ni Severino Reyes (mas kilala sa nabuong tauhang si “Lola Basyang”), ang sirena ay prinsesang nagligtas ng lalaking nahulog sa isang uli-uli sa ilog. Inalagaan at pinakain ng sirena ang binatang bisita, at noong nangulila ang lalaki sa kanyang pamilya’y pinayagan siyang makauwi ng sirenang prinsesa. “Basta magbabalik ka,” iyon lamang ang bilin. Nangakong magbabalik ang binata, ngunit sa maraming dahilan niya natupad ang pangako. Ang parusa ng prinsesa, magpapakita siya sa kahit saang sisidlan—maliit na baso man o mas malaking sapa—upang ipaalala sa lalaki ang hindi natupad na usapan. Sa dulo, dahil sa hindi pa rin sumunod sa pangako ang binata, nagpakita ang sirena mula sa platong nilagyan sana ng kaunting patak na maiinom, lumabas siya at kinagat sa leeg ang lalaki. Parusa ang ihinayag at kamatayan ang iginawad sa lalaking hindi nakatupad  sa napag-usapan. Hindi bula kundi halimaw ang naiwanan, isa siyang buhay na paalalang nanakmal at tumatak sa alaala ng karamihan.

Inaalala ko ang dalawang bersyon ng sirena—ang isang nagsuko ng tinig at ang isang nagpakawala nito bilang banta ng isang pagbabalik—sa panahong hinahati tayong muli ng ikatlong bersyon ng Enhanced Community Quarantine. Ang ECQ 3.0.

Mula sa malaking bubble ng NCR plus o ang Metro Manila kasama ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, ipinakilala ang “tiny bubbles” o ang paghahati ng mga siyudad sa National Capital Region bilang mga sektor na hindi pwedeng basta-basta pasukin o iwanan maliban na lamang kung nakakatugon ka sa kategoryang itatakda ng ating pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng naatasang Inter-Agency Task Force o IATF. At habang iniisip natin kung makatwiran o hindi ang panibagong bersyon ng lockdown, sinisikap nating matugunan ang mga kahingian sa ating mga gawain sa eskuwela at iba pang trabaho, sa panahong lusaw ang harang ng tahanan at opisina, at nakakatanggap tayo ng work o text email kaugnay sa pagpapaalalang dapat ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa ay “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” Hinahanapan natin ng saysay ang pag-usad at paggawa ng mga bagay na malay tayo o hindi’y kinakapitan natin bilang mga bakas ng pagiging normal, habang sama-sama nating itinatawid ang bawat araw na walang kasiguraduhan. Dito nga ba tayo nag-uugnay-ugnay bilang isang daigdig—sa pagkakaisa ng takot at bagabag, ng walang kasiguraduhan? Pinagbubuklod ba tayo ng iisang hirap dulot ng konteksto ng pandemya? Alam ko, marami sa atin, may gustong sabihin. Marami sa atin, gustong sumigaw, kung kakayanin, kung may pagkakataon, ang pakiramdam na alam nating totoo pero hindi agad masabi sa maraming dahilan—na hindi, hindi iisa ang hirap, na may hindi pagkakapantay-pantay. Sa ating lipunan, may mga buhay at tinig na ang trato ay boses ng Diyos, at ang iba ay tinatrato bilang mga bulang walang halaga at hindi dapat mabuhay.

May halaga ang wika at produkto ng wika sa panahon ng pandemya, lalo ang Filipino at mga wika sa Pilipinas, bagaman kailangang kilalaning sa bawat paggamit ng wika ay may mga halata o hindi-halatang ugnayan ng kapangyarihang nagdudulot ng iba’t ibang antas ng pribilehiyo at kapahamakan. Halimbawa, sa umpisa ng pagkalat ng COVID-19 noong Marso 2020, hindi iisang beses nabanggit ang mga pahayag na “Covid is a blessing,” o “humanity is the virus” hanggang sa mga mas marahas na “pasaway talaga ang mga Pinoy” at “why don’t you motherfuckers stay at home?” May iba’t ibang bula itong mga may kakayahang magsalita sa telebisyon, radyo, at social media. Mga pwedeng manatili sa bahay dahil kayang mag-stock ng tatlong buwang supply ng alchohol, tissue, at grocery; mga hindi apektado ng kawalan ng dyip o tricycle dahil de-hatid ng sariling sasakyan; may panahong magpatunog ng mga Tibetan singing bowl at magyoga’t “namaste” sa labas ng kanilang mga hardin dahil hindi kailangang mag-time it at time out para makatawid ng panggastos sa isang araw. Ibang uri at danas, ibang pananaw at pagsasalita. Alam na natin ito. Pwedeng magkita sa birthday basta tatawaging “mañanita,” o “tao” lamang kapag senador ka na pumasok sa ospital kahit na alam mong positibo ka, “fake news” kapag congressman ang nagsabi na hindi kulang ang Personal Protective Equipment o PPE, kahit pa doktor na ang nagsasabing kulang na kulang ito sa mga ospital. 

Makakatulong sa mga gumagamit at nag-aaral ng wika, anuman ang antas, ang makinig at magbasa sa gamit ng mga salita sa oryentasyong may kaugnayan sa intensyon at tuntungan (tuntungang pinansyal, pang-edukasyon, pangkasaysayan, at iba pa) ng mga kalahok sa mga ugnayang pangwika. Halimbawa, may mga ekspertong medikal mula sa Philippine General Hospital at Department of Health na nagkomisyon ng proyektong salin kasama kaming mga nasa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Ang kinomisyong salin ay paglilipat ng mga termino at algorithm o flowchart ng mga pasyenteng pinaghihinalaang may COVID-19, isang flowchart na orihinal na nakasulat sa Ingles. May batayang pangangailangan kung bakit isasalin ang flowchart—marami kasing Pilipino ang hindi nakakaintindi ng Ingles, lalo ang Ingles na nasa konteksto ng medisina. Mula sa Filipino, nagkaroon ng mungkahing isalin ang mga impormasyon sa Waray, Ilocano, Chavacano at iba pang mga wika sa Pilipinas, na nasa parehong intensyon ng pagpapaunawa at pagpapalawak ng kamalayan. Magandang intensyon, kailangan lamang ng karagdagang pag-aaral kung umabot ba ang mga proyektong-salin sa mga lugar na lampas sa birtuwal na espasyo ng social media, gayon din sa mga klinikang malayo sa mga mas maunlad na siyudad. Isang bagay pa, habang may mga ganitong proyektong nakadisenyo para magdagdag ng pag-unawa, nagkakaroon naman ng mga paglalaro ng salita mula sa malapit o kaparehong ahensya. Hindi ba’t sa Department of Health din nagmula ang pagbabago ng mga katangian ng pasyenteng “recovered?” Mula sa pasyenteng wala nang bakas ng COVID, naging recovered na rin ang pasyenteng asymptomatic o walang sintomas ng virus, maging ang mga kasong may mild symptoms. Itong Oplan Recovery ay nagbigay ng malaki at tila mahiwagang pagtalon ng mga taong “gumaling mula sa COVID” noong Hulyo 2020, isang kahindik-hindik at kagila-gilalas na tatlumpu’t walong taong “nawalan” ng sakit, kahit man lang sa usapin ng mga salita. Nabubuhay tayo sa isang bansa at mundong sa isang iglap ay maaari ka nang itrato bilang magaling, kahit na hindi pa nawawala ang karamdaman sa katawan.

Bawat salita at gamit nito ay may batayang nagtatanghal ng relasyon ng tao sa kanyang lipunan, patungo sa pagbuo ng larawan ng mundo. Kakatwang ipinagdiriwang natin tuwing buwan ng Agosto ang paggamit ng mga wikang katutubo sa ating komunidad, sa ating kinalakhang mundo, pero kahit sa malapit nating kasaysayan ay may mga maitatala nang mga mahalagang pangyayaring kumikitil sa pagyaman ng sariling wika at pagkatao. Sa panahon ng lockdown, hindi tumigil ang militar at iba pang ahensya sa pagpapasara ng mga institusyong nagsusulong ng katutubong wika at kaalaman, maging ng edukasyong nakabatay sa mga katutubong paraan ng pamumuhay. Sa sanaysay na “Locking down Lumad Education: Schools under Attack amid Pandemic” ng Save Our Schools Network, nadetalye kung paano ipinasara ng Department of Education ang ilang mga paaralang Lumad habang patuloy silang nakakaranas ng harassment at red-tagging mula sa mga puwersa ng army at maging sa mga tanggapan tulad ng Department of Social Welfare and Development. Ilang buwan pagkatapos maisulat ang sanaysay na ito, naaresto sa Cebu si Chad Booc at iba pang mga volunteer Lumad teacher dahil sa mga gawa-gawang kaso sa gitna ng pandemic lockdown. Halos kasabay ng mga pangyayaring ito ang hakbang ni Congressman Mark Go at iba pang mga kasamang mambabatas sa panukalang alisin ang mother-tongue based education sa mga maagang antas ng pag-aaral. Maraming pasikut-sikot ito, ngunit may hakang nakasandig ang hakbang sa pagkiling sa Ingles bilang wika ng edukasyon. Sa dalawang halimbawang nabanggit, makikitang sa pagkakaiba ng intensyon at ng tuntungan, lumilitaw kung paanong sa sariling bayan ay binubura at iniaalis sa ating alaala at kamalayan ang sariling wika at kulturang pagdating naman ng Agosto ay halos parang awtomatiko na nating ipinagdiriwang.

Sa aking disiplina ng malikhaing pagsulat at pagsasalin, laging ikinakabit ang gamit ng wika bilang “pagsasalin ng mundo.” Sa gamit kasi ng mga salita, sa pagtukoy sa mga intensyon ng mga kalahok, nakakatukoy ng kung ano ang lumilitaw na larawan ng isang komunidad, at kung ano ang nabubura ng larawang ito sa prosesong pinagdadaanan. Paulit-ulit na repleksyon ang kailangan ng isang guro o manggagawang kultural na nasa linya ng edukasyon, wika, sining at panitikan, upang manatiling napapanahon at malay sa kanyang kaligiran ang bawat gamit at pakikipag-ugnayan gamit ang wika. Palagi kong naaalala ang isang proyektong dula noong 2017. Itong dulang “Mal” na ibinase sa “The Trojan Women” ni Euripides ay isang adaptasyon sa Filipino na gumawa ng malaking pagbabago mula sa orihinal. Bahagi ito ng Community Theatre class sa UP Los Baños. Dahil may required silang klase sa community theatre, required din ang magkaroon ng immersion sa isang komunidad na pagbabasehan ng materyal. Sa pagkakataong ito, sa Sitio Buntog sa Canlubang, Laguna, ang naging immersion site ng klase. Nalubog sila sa buhay at mga kuwentong may kaugnayan sa pag-agaw ng lupang sakahan at pagpapaalis sa mga magsasaka mula sa sarili nilang mga tirahan. Naniniwala akong ang pagiging required ng immersion sa kurikulum ay naging malaking ambag sa paglalim ng pag-unawa ng mga mag-aaral tungkol sa mga salaysay na labas sa sarili nilang mga bula at hawla, at kahit paano’y naging mas makatotohanan ang kanilang pagganap sa mga papel sa dula.

Bagaman maraming nakanood at naging malapit ang mga mag-aaral sa kuwentong itinatanghal gamit ang wikang alam nila sa iba’t ibang antas (wikang Filipino, wikang Filipino na makamasa at kritikal), may bahaging nawawala at kulang pa rin. Ang mga magsasakang binabanggit sad ula, wala sa aktuwan na araw ng palabas. Hindi nila napanood ang kanilang istorya. Dahil sa hindi rin income-generating ang produksyon at ito ay class requirement lamang, hindi ito nakalikom ng perang maaaring maibigay sa komunidad na pinaglubugan. May nawawalang bahagi mula sa pinaglubugan patungo sa umusbong na wika at piyesa patungo sa komunidad na dapat balikan. May iba pang mga sumunod na kuwento at nagkaroon din ng mga kasunod na produksyon, ngunit sa puntong ito nais kong muling idiin na kahit sa mga nasa akademyang bihasa at malay sa gamit at implikasyon ng wika, nakakatukoy pa rin ng maraming pagkukulang.

Kaya marahil, sa mga adbokasiya sa wika at kultura, madalas ay may malay na pag-uugnay sa mga mas litaw at napanghahawakang aspekto ng pag-iral. Ekonomiya, pulitika, kalikasan, maaaring gumawa ng mga hakbang para mapatingkad na sad ulo, hindi maiaalis ang pag-uugnay ng wika at kultural sa mga materyal na puwersa. Maaaring patunay itong nabuong 10-point agenda ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wika o Tanggol Wika, isang alyansang nabuo noong 2014, sa mungkahing agenda para sa mananalong mga kandidato sa ating eleksyon sa 2022. Ang mga panawagan ay nag-uumpisa sa wika, pero tumutuloy sa iba pang mga materyal na usapin.

1) Pagsasabatas ng Filipino at Panitikan bilang mga required na asignatura sa kolehiyo

2) Pagsasabatas ng Philippine Government & Constitution bilang bukod na required na asignatura sa kolehiyo, at Kasaysayan ng Pilipinas (Philippine History) bilang required na asignatura sa hayskul

3) Pagpapalakas sa mga paaralang lumad at iba pang mga institusyon sa mga komunidad na nagpapanatili ng sariling wika, kultura, at tradisyon

4) Pagtataas ng sweldo ng mga guro at paglalaan ng malaking badyet sa edukasyon (minimum: 6% ng GDP)

 5) Pagtatanggol sa soberenya at teritoryal na integridad ng Pilipinas

6) Pagtataguyod ng 100% libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mga mamamayan

7) Pagpapalakas ng lokal na agrikultura tungo sa pagresolba ng laganap na kagutuman, at suporta sa mga lokal na industriya at prodyuser

8) Pagpapababa ng personal income tax rate ng masa at middle class

9) Pagtatanggal ng Value-Added Tax (VAT) sa pagkain, gamot, tubig, kuryente, at internet

10) Pagsugpo sa korapsyon, at pagtataguyod ng mabuting pamamahala & ganap na Freedom of Information (FOI)

Mula sa serye ng pagtukoy sa mga intensyon at tuntungan ng wika, sa pagpapatuloy o ekstensyon ng ating sarili sa karagdagang mga pag-uusap, umaasa tayong nakakagawa tayo ng mga karagdagang pagkilos upang paliitin nang paliitin ang pagitan nating nababalutan ng bula ng pribilehiyo, tayong may mga lakas at kakayahang makahabi ng mga salita, patungo sa mga tao at sektor na sa maraming pagkakataon ay walang lakas, kakayahan at pribilehiyong makagamit ng mapagpalayang wika. Maaari nating sabihin na ang mga leksyon sa paghahanap ng pambansang wika ay leksyon sa pagbabalik ng mga nawawalang tao sa mapa ng daigdig. Sana, ang mapang mabubuo ay nakabatay sa mga aspirasyon at pangarap ng mga taong palagiang pinatatahimik at binubura. Kung hindi pa malinaw, ang kawalan ng mga salita ay katumbas ng pagiging bula, naglalaho kasama ng hangin. Sa maraming pagkakataon, kailangang maghayag, maglatag ng mga matalas at masakit na katotohanan. Naghihirap ang maraming Pilipino. Pinagkakaitan ang mga mamamayan ng ayuda, bakuna, ng mabuting kalidad ng buhay. Sa maraming pagkakataon, itatrato tayong mga halimaw ng mga nasa posisyon ng kapangyarihan, ngunit mas mabuting maging halimaw na kinasisindakan kesa bulang walang saysay. Sama-sama tayong magsuri, magsalita, kumilos, manakmal. Singilin natin silang mga hindi tumutupad sa mga pangako. Iluklok natin ang ating mga kasama sa nararapat nilang, nating, lugar sa bansa at sa daigdig. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.