Matagal na akong tagahanga ng pagtingin sa mga tao mula sa malayo. Mula sa aking ligtas na posisyon–isang malayong posisyong may komportableng mga butas para sa pagsilip–bumubuo ako ng istorya sa mga taong naaabot ng tanaw. Bilis ng pagkurap, pagdaan ng dila sa natutuyong labi, paghawi ng buhok (maaaring malay sa mga taong sumisilip), lahat ay mga detalyeng susi sa isang pagkatao, isang inimbentong pagkataong kung pinapalad ay magkakaroon ng pagkakataong masubukan ang pagkatotoo. Habang hindi pa nagiging ganap ang aktuwal, pisikal na pagtatagpo at pagpapakilala, nagiging sapat muna ang sariling mga obserbasyon, ang pagbuo ng mga salaysay sa kung ano ang nabubuksan ng sariling mata.
Maingay at mainit ang araw ng Biyernes, Lantern Parade sa UP. Nakapila’t naghahanda ang UP Pep Squad para sa kanilang presentasyon sa araw na iyon, sa mga piling bahagi ng academic oval sa UP Diliman. Habang naghihintay sa gitna ng init at ingay, kasabay ng iba pang mga grupo’t kolehiyong nagkukumpulan sa may University Avenue, ginamit ko ang aking mumurahing telephoto lens para manghuli ng mga tao’t pagkatao mula sa malayo. Pinili kong hubaran ang mga larawan, alisan ng mga kulay. Mula sa pagkahubad sa tingkad, hiniraya ko ang mga salaysay ng bawat taong nahuli sa larawan.











