Naisip kong ibahagi ang karanasan ng rebisyon sa ilang bahagi ng ADARNA ng Dulaang UP. Imbes na ikuwento ang buong proseso, mas pinili ko sa ngayon na ipakita na lang ang magkakaibang bersyon ng eksena ni Leonora, ang kanyang panata ng paghihintay kay Don Juan. Makikita sa mga mas mahabang bersyon ang pagbibigay ng background at karakterisasyon hindi lang kay Leonora kundi kina Pedro, Diego, Juana at Valeriana, pero sa huli’y nanatili ang maiksing paghahayag ni Leonora sa tapat ng balon, pagkatapos putulin ni Pedro ang lubid.
Version 1:
Nasa gitna si Valeriana, nagtatahi/naggagantsilyo. Isa-isang lalabas sa kanyang paligid ang mga tauhang kasama sa eksena, sina Don Pedro at Diego, sina Leonora at Juana, si Fernando.
Don Fernando:
Don Juan, aking Araw,
Saang lugar ka tinangay ng kapalaran?
Pedro:
Patawad, mahal na hari at reyna, pero
Walang burol, nayo’t bundok
Na di namin nahalughog
Siniyasat bawat pook,
mga sapa, batis, ilog.
Pero wala pa rin si Juan.
Juana:
Don Juan, unang mahal,
Ako’y agad nalimutan.
Ngunit bago pa manamnam ang sakit,
Lubid ng ugnayan ay pinatid ng mga kapatid.
Don Diego:
Higanteng tampalasan,
Serpyente ng kamatayan!
Lahat ay aming napatay.
(sa sarili) Gusto ko ba o napilitan lang
Magsalaysay ng kasinungalingan?
Leonora:
Pag-iisa’y naabala
Ng matapang na bisita—
O isang napakasayang pagkaabala—
Pero ngayon, aking sinta’y
Pinahamak, nag-iisa.
O Don juan, kailan tayo mag-iisa?
Don Fernando:
Ang kawalan ni Juan
Ay may hatid na kalungkutan
Ngunit ligaya ang hatid
ng nagbungang pakikipagsapalaran.
Don Pedro:
At isusunod po ang magarbong kasal!
Basta akin si Leonora!
Don Diego:
Ang hindi ba pumasa sa panlasa ng kuya’y magiging akin na?
Don Fernando:
A, isang kasal? Mainam, simulan na natin ang pag…
Leonora:
Hindi!
Don Pedro:
Huwag tumangging magpailalim!
Leonora:
Butihing hari, pakiusap, makinig!
May iniwan pong panata
Sa yumaong ama’t ina.
Don Fernando:
Panata? Kailangan ang pag-unawa
Sa ganitong panata.
Donya Valeriana:
May ikukuwento ka?
Leonora:
Isang panata ng pag-iisa.
Sa isang silid po sana
Ay hayaang mapag-isa
Pitong taong walang kasama.
Don Pedro:
Pitong taon ng pag-aabang? Ay napakatagal!
Leonora:
Matapos ko ang panata,
Ako ay pakakasal na
Sa anak mong sinisinta.
Don Pedro:
Ay Juan, at Leonorang mahal,
Pag nabigo itong nais,
Hahamakin pati lintik.
Don Fernando:
Isang malinaw at marangal na panata.
Igagalang ang iyong hiling.
Mga kawal, isang silid para sa prinsesang kaibig-ibig.
Leonora at Don Pedro:
Hihintayin ko ang iyong pagbabalik.
Aalis si Leonora.
Don Fernando:
At habang nag-aabang si Pedro kong mahal,
Kasal nina Don Diego at Donya Juana
Ang ating itanghal!
Aalis si Don Fernando.
Juana:
Walang panata para sa mga kinalimutan, basta susunod na lamang.
Don Diego:
Kung hindi tututol, ang ama at kapatid ba’y sa ligaya papatuloy?
Yayakapin ni Diego si Juana at Aalis. Matitira sina Juana at Valeriana.
Valeriana:
At ikinasal ang aking pangalawa
At ang prinsesang si Juana.
Siyam na araw na singkad
Buong reyno ay nagalak
Maginoo’t mga hamak
Sa kasala’y nagkayakap.
(kay Juana) Halika, samahan mo ako.
Magtatahi ang dalawa.
May ikukuwento ka?
Juana:
May mga salaysay na pag itinuloy ay katapat ng sariling buhay.
Valeriana:
May dangal ng katahimikan. Prinsesa, nakuha mo ang aking pagtitiwala. Halina, magtahi tayo.
Juana:
Ano po ang ating ginagawa?
Valeriana:
Sa totoo lang, hindi pa malinaw ang lahat. Nagpapalipas lang ng oras, nagtatahi ng mga imahen at salaysay, hanggang sa bumalik ang mahal kong si Don Juan. Isang napakasayang araw. Don Juan, mahal kong anak.
Version 2:
Sa pagliwanag ay makikitang nakahandusay si Don Juan sa gitna ng entablado. Bali ang buto at sugatan sa pagkakahulog. Sa kanyang pagdedeliryo, ipapakita ang eksena ng pag-uwi nina Don Pedro, Don Diego,Donya Juana at Donya Leonora.
Don Fernando:
Don Juan, aking Araw,
Saang lugar ka tinangay ng kapalaran?
Don Pedro:
Ama!
Si Juan, di natagpuan ngunit
Kami’y nag-uwi ng dangal!
Sa bagong lupa’y naglakbay
At nagligtas ng mutyang kababaihan!
Hindi ba Diego?
Don Diego:
Opo!
Higanteng tampalasan,
Serpyente ng kamatayan!
Lahat ay aming napatay.
(sa sarili) Gusto ko ba o napilitan lang
Magsalaysay ng kasinungalingan?
Don Fernando:
Ang kawalan ni Juan
Ay may hatid na kalungkutan
Ngunit may ligayang hatid.
Ang bunga ng paglalakbay.
Don Pedro:
Isusunod po ang kasal,
Gaya ng inyong pangaral
Noong kami’y musmos pa lang,
Basta si Leonora’y akin lang!
Leonora:
Butihing hari, pakiusap, makinig!
May iniwan pong panata
Sa yumaong ama’t ina.
Kaming dating nakatira
Sa paraisong Armenya.
Don Fernando:
Armenya?
Isang misteryoso at makapangyarihang lupain
Base sa salaysay. At isang panata? Magpaliwanag ka.
Leonora:
Isang panata ng pag-iisa.
Sa isang silid po sana
Ay hayaang mapag-isa
Pitong taong walang kasama.
Don Pedro:
Pitong taon ng pag-aabang? Ay napakatagal!
Donya Juana:
(tonong nagliligtas)
Tama si Leonora!
Bilin ng aming magulang
Bago sila ay pumanaw,
Bunsong dalaga ay bantayan,
Panata ang siyang gabay
Sa tunay na pagmamahal.
At para di mainip sa pag-aabang,
Kay Don Diego, ako po’y pakakasal.
Magkakatinginan ang dalawang magkapatid.
Leonora:
Wag po kayong mag-alala.
Matapos ko ang panata,
Ako ay pakakasal na
Sa anak mong sinisinta.
Don Fernando:
Mga Donya ng Armenya,
May dunong na misteryosa. Sige!
Isang malinaw at marangal na panata.
Igagalang ang inyong hiling.
Mga kawal, isang silid para sa prinsesang kaibig-ibig.
Don Pedro:
Hihintayin ko ang iyong pagbabalik.
Aalis sina Don Diego, Don Pedro, Don Fernando at Donya Juana.
Leonora:
Don Juan, tangi kong mahal,
Lobo ang ‘yong kaligtasan.
Tangi kong kapangyarihang
Minana sa ‘ming magulang.
Mabuhay ka, aking Juan,
Ako’y laging mag-aabang.
Maililigtas si Don Juan ng Lobo.
Version 3:
Nagmamadali sina Don Pedro na kinakaladkad si Donya Leonora. Hindi makikita sina Diego at Juana, base sa kilos at dialogue ni Pedro ay implied na nahuli sina Diego at Juana sa paglalakad.
Don Pedro:
Diego! Diego! Bilisan mo’t malapit nang magdilim! Diego!
Donya Leonora:
Ginoo kung parang hayop mo akong kakaladkarin
Hayop din kitang ituturing!
Don Pedro:
(hihinto saglit sa paglalakad)
At ano ang dapat kong gawin?
Sa Berbanya ikaw ay iuuwi at ikaw ay magiging akin!
Donya:
Pakiusap, ako’y taong ituring!
Pakinggan ang aking hiling,
Pusong makatao sana ako’y dinggin:
Ako sa iyo’y sasama
At hindi magsusumbong sa hari’t reyna
Basta pagdating sa Berbanya,
hayaan akong maging mag-isa
Pitong taon sa isang silid, mag-isa.
Don Pedro:
Pitong taon?
At ano ang makukuha ko kung maghintay sa pagkukulong mo ng pitong taon?
Donya Leonora:
Sa pinakamaliit, ang umangat ang iyong dangal sa aking pananaw.
Sa pinakamalaki, ang magkatuluyan ang tunay na nagmamahalan.
Prinsipeng may dangal, kapatid ng magiting na si Don Juan, ako sana’y paunlakan.
Don Pedro:
(mag-iisip) Para sa dangal at pagmamahal,
Ako ay mag-aabang, ikaw ay pauunlakan,
tara na! Halina’t narito na ang dilim! Diego! Dali!
Donya Leonora;
Prinsipe Juan,
Pitong taon, ako’y mag-aabang!
Mabuhay ka, aking Juan!
Version 4:
Minamahal kong Don Juan,
Kaligtasan mo ang dasal.
At sa aking paghihintay
isang panata’y bibitawan
Kay Pedro ako’y sasama
at pagdating sa Berbanya,
hihiling na mapag-isa
ang silid, gagawing selda.
Pag si Pedro’y tumanggi pa,
Isusumbong sa hari’t reyna.
Pitong taong pag-iisa
Hanggang sa ikaw ay magbalik,
Hanggang sa tayo’y maging isa.
Mahal ko, magbalik ka.
Version 5 (Staged Version):
Minamahal kong Don Juan,
Kaligtasan mo ang dasal.
At sa aking paghihintay
isang panata’y bibitawan.
Kay Pedro ako’y sasama
at pagdating sa Berbanya,
hihiling na mapag-isa
ang silid, gagawing selda.
Hanggang sa ikaw ay magbalik,
Hanggang sa tayo’y maging isa.
Mahal ko, magbalik ka.

