6 – Bulaklak ng Heidelberg

Rizal X ang una kong opisyal na paglahok sa Dulaang UP.  Bilang isang produksyong binubuo ng pinagtatahi-tahing vignettes, naging trabaho naming mga tagapag-ambag ang magbigay ng maiiksing piyesang umiikot sa buhay at mga aral ni Jose Rizal.  Dahil sa maraming artistang kasali, may ilang natapyas na piyesa.  Nasa blog nang ito ang Ganti ng Kusinera, ang vignette na kasama na sa rehearsals pero dahil kailangang magpaiksi ay nawala.  May kopya rin sa blog ng Ang Kimera at ang Espinghe, ang piyesang aktuwal na naipalabas sa Rizal X.

Ang kalakip naman dito ay isang scifi na piyesang nagmula sa kwento ni Alvin Yapan.  Hindi na ito nakasama kahit sa rehearsal stage, sayang din.  Kahit naman noon pa, may slight na pagtatangka naman akong magtampok ng mga proyektong scifi-inspired kung di man hardcore na scifi talaga, na pumapaksa sa mga isyung relatable sa mga Pilipino.

Ibinabahagi ko ito para sa ikaanim na araw ng 31-day Writing Challenge.

 

Bulaklak ng Heidelberg

Ang piyesang ito ay base sa kuwentong Bulaklak ng Heidelberg ni Alvin Yapan. Nailathala ito sa Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kuwento 2001.

Tauhan:

Linguist – isang futuristic na nilalang, nagbebenta ng mga wika

Computer – di-nakikitang boses na taga-explain ng ilang mga tauhan at pangyayari

Koerperschaft Soldiers – mga tauhan ng Koerperschaft, isang di-nakikitang entity na hawak ang lahat

Tagpo:
sa isang virtual space, sa pagitan ng kasalukuyang panahon at ang panahong pinaggalingan ng linguist

***

Maririnig ang iba’t ibang elektronikong tunog bago bumukas ang ilaw sa entablado. Futuristic ang feel, parang nasa loob ng isang virtual space. May mga imahen ng mga tauhang naka-cyber look, nakakulong/ natutulog sa pod-like na kulungang salamin. Maririnig sa background ang iba’t ibang bersyon ng pagsabi ng “yes:” SI, ANO, HAI, YES,HO, NA’AM, OUI, JA, at mahuhuli ang OPO. Maririnig ang boses ng LINGUIST na binabanggit ang ilang linya ng “A Las Flores del Heidelberg” ni Jose Rizal

LINGUIST:

Hayo kayo sa bayan ko, bulaklak ng ibang lupa,
na tanim ng naglalakbay sa lupaing mapayapa,
at sa lilim ninyong langit na sa bughaw ay sagana’t
nagtatago rin ng lahat ng pag-ibig ko at haka,
hayo kayo at sabihing akong dito ay banyaga,
pananalig ay kimkim sa Bayan kong minumutya.

Ang Linguist ay mukhang balisa at may hinahanap-hanap. Magsasalita ang COMPUTER.

COMPUTER:
Babala, Koerperschaft Attack sa loob ng limang minuto.

LINGUIST:
Wala nang oras.

Titingnan ng Linguist ang metal na pulseras sa kanyang mga braso, mukhang may i-a-activate. Makikipag-usap na parang may inire-record na account.

LINGUIST:
Talaarawan. I-broadcast sa panahong 2011. Hulyo.

Ang signal na ito ay mula sa gateway sa pagitan ng taong 2011 at ng aking panahon. Isa ako sa kaunting linguist na may natitira pang sariling kamalayan.

COMPUTER:
Linguist: isang nilalang na nagtatago at nagbebenta ng wika.

LINGUIST:
Isang pangkaraniwang araw lang iyon, ibinebenta ko ang aking mga dalang wika, lagi ko namang ginagawa iyon. Mabenta ang aking tindang wika, mga wika ng pagtugon at pagsang-ayon. Espesyal kong produkto ang masunuring Filipino. Wikang hindi tumututol. Iyon ang gusto ng Koerperschaft.

COMPUTER:
Koerperschaft: sentrong daluyan ng kapangyarihan. Ang tagabili at tagapangasiwa ng mga wika at iba pang produkto. May-ari ng lahat.

LINGUIST:
Isang pangkaraniwang araw, gaya ng mga araw na nakasanayan ko. Gigising, babangon, papasok, bibili ng mga wika, didisenyuhan, aalisin ang mga salitang tinatakan ng Koerperschaft bilang “negatibo” o “masama.” Ibebenta ang produkto, babayaran.

COMPUTER:
Babala, Koerperschaft Attack sa loob ng tatlong minuto.

LINGUIST:
Sila ang may-ari ng lahat, ang Koerperschaft . At wala akong problema doon. Ang pagkaing kakainin, ang damit na isusuot. Kung ano ang dapat itugon sa bawat tanong. “Opo, maayos po ang buhay dito sa lupang tinawag ng Koerperschaft na ‘Coco-Mango Land.’” “Opo, wala po kaming problema dito.” “Masarap po ang pagkain.” “Hindi po, hindi po kami nagugutom.” “Sige po, ituro po ninyo sa amin ang mga wikang banyaga, para po magkaintindihan kami ng mga kaibigan nating dayuhan.” “Opo, lahat po sila ay kaibigan, ang dayuhan, ang Koerperschaft, lahat po sila’y mapagkakatiwalaan.”

Hanggang sa mabasa ko ang kanyang tula.

COMPUTER:
Error. Walang anumang tala tungkol sa salitang “tula.”

LINGUIST:
Isang karaniwang araw, humahangos si N, ang isang kasamang linguist. Sa paglalakbay niya sa cyber-flux business passageway, nabuksan niya ang isang portal, isang arkibong impormasyong inakalang na-wipe na sa memorya ng Coco-Mango Land. Isang tula. Isang makata. Isang dayuhang bulaklak.

COMPUTER:

Babala, Koerperschaft Attack sa loob ng dalawang minuto.

LINGUIST:
“Sa mga bulaklak ng Heidelberg.” Isang bungkos ng wika, ng mga salita. “”anong ipinagkaiba sa wikang itinitinda natin?” tanong ko kay N. “Basahin mo.” Sagot niya. “Pagod na ako, bukas na lang. Matulog na tayo.” Itinago ko sa aking pulseras ang data ng tula.

Wala na siya noong nagising ako.

Hinanap ko siya, sa mga kasamang linguist, sa mga suki ng wikang binibili’t tinitinda ko, sa mga taong malapit sa Koerperschaft . Walang may alam kung nasaan siya. Walang nakakakilala sa kanya.

Naupo ako sa isang sulok at binasa ang sinasabi niyang tula.

Isang dayuhang bulaklak mula sa isang dayuhang bayan. Pinapaalala ang lungkot para sa sariling lupa. Para sa sariling espasyo. Sariling espasyo? Hindi ba lahat ng espasyo’y regalo lamang ng Koerperschaft sa amin?

“Datapuwa’t ay! Lahat kayo’y sabay-sabay na darating,
at ang inyong mga kulay ay taglay pa’t inyong kimkim,
ngunit kapag nalayo sa lupain ninyong giliw
na pinagkakautangan ng buhay na inyong angkin.
Lahat ninyong kabanguha’y pilit na mawawala rin…”

Maririnig ang emergency alarm sound. May maririnig ding mga padyak na parang sundalo.

COMPUTER

Babala, Koerperschaft Attack sa loob ng isang minuto.

LINGUIST:
Ginalugad ko ang mga pinakamadilim na sulok ng Coco-Mango Land, ng aking panahon. Hinanap pa itong bakas ng “tula.” Hinanap ang iba pang isinulat nitong tinatawag na “makata.” Maraming beses akong hindi nag-ulat sa mga ahente ng Koerperschaft . Inubos ko ang naipong yaman para makapag-recreate ng isang sample ng bulaklak, ng bulaklak mula sa Heidelberg. Pinanood ko ang bulaklak mula sa aking silid, sa tapat ng bintana. Nilanghap ko ang kanyang amoy, pinanood ang kanyang mga talulot. Tulad ng sinabi sa tula, unti-unting nawala ang bango at ganda ng bulaklak. Noong nalanta ang recreated sample, naalala ko si N. “Mas masaya sana kung kasama ko siya, sa isang bayan na matatawag naming amin,” naisip ko habang nakatulala sa tapat ng bintana.

Makikitang sumisilip-silip ang ilang KOERPERSCHAFT SOLDIERS.

COMPUTER:
Koerperschaft Soldiers approaching.

LINGUIST:
Wala nang oras!

Inilaan ko ang natitirang yaman para makatawid sa time-space continuum. Nais kong bumalik sa taong 1886. Pupuntahan ko ang makatang nasa Heidelberg. Dadalhin ko ang recreated sample ng bulaklak. Sasabihin ko sa kanya ang nangyari kay N. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko’y maituturo niya kung nasaan ang aking kaibigang linguist. Ang aking minamahal na kaibigang linguist.

COMPUTER:
Koerperschaft Soldiers approaching.

LINGUIST:
Pero natunugan ako ng Koerperschaft, naputol ang pagtawid sa panahon, ngayon ay nasa pagitan ako ng 2011 at ng aking panahon, sa isang alternate void. At malapit na nila akong mahuli.

Ipinapadala ko ang tala mula sa aking talaarawan, kasama ng lahat ng tula at impormasyon mula sa aking pulseras, sa lahat ng makatatanggap ng signal na ito mula sa inyong panahon. Lahat ng may elektronikong gamit na naririnig ang aking tinig ngayon, panatiliing bukas ang mga gamit, itaas ito, sagapin ang huli kong transmisyon. Ipapadala ko sa inyo ang mga sikreto ng pagtawid sa panahon, ipapadala ko ang instruksyon sa pagpunta sa 1886, sa isang lugar sa Heidelberg. Ituturo ko kung nasaaan ang itinago kong bulaklak.

Naniniwala ako sa inyo, sa mga kaibigan mula sa panahong 2011. Mahuli man ako ng Koerperschaft, naniniwala akong magtatagumpay kayo sa ating misyon. Para kay N, para sa nawalang bayan, para sa kalayaan mula sa Koerperschaft.

Darating ang Koerperschaft Soldiers bago pa mapindot nang tuluyan ang pulseras. Magahahabulan ang linguist at ang mga sundalo. Sa huling sandali na mapangingibabawan siya ng mga sundalo, mapipindot niya ang pulseras at magliliwanag ang area kung nasaan ang linguist at mga sundalo.

COMPUTER:
Tagumpay ang Transmisyon. Tagumpay ang Transmisyon.

Mapapangiti ang linguist habang tinatangay ng mga sundalo. Magdidilim sa entablado.

Maririnig ang boses ng linguist habang wala pang ilaw.

LINGUIST:

“Dalhin ninyo, dalhin ninyo, mayuming mga bulaklak,
pag-ibig kong sa inyo ay nagtatapat,
kapayapaan sa Bayan at sa lupaing mabulas,
pananalig sa lalaki’t sa babai’y pagkawagas,
kalusugan sa lahat nang sa tahana’y nalalagak,
na tinipo’t pinagyaman ng magulang, sa pagliyag.

Pagliwwanag ay makikita na ang linguist na nakakulong na rin sa glass pod. Tahimik maliban sa tunog ng iba’t ibang bersyon ng “yes.” May naka-project na imahen ng mga bulaklak na namumukadkad sa tag-init. Tulog bagaman nakangiti ang linguist.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento *