Ang pag-ibig ay isang bar sa may rooftop ng isang building sa Katipunan, kung saan may isang propesor ng malikhaing pagsulat na magsasalita sa isang forum na tungkol sa pilosopiya, at ang mga tao ay abala sa iniinom na serbesa at mga kanya-kanyang kuwento, umuugong ang palitan ng mga salita habang tinatangkang simulan ng propesor ang kuwentong inilapat niya sa papel.
O at least, parang ganoon ang pakiramdam. Naimbitahan kasi ako sa isang symposium ng UP Philosophical Society. Ang pangalan ng symposium ay In Vino Veritas, kung saan ayon sa kanilang pangulong si Marielle Antoinette Zosa ay pagtatangkang gayahin ang pakiramdam ng mga dayalogo ng mga sikat na pilosopo. Mga palitang-kuro habang umiinom ng alak. Doon pa lang, laglag na ako at ang aking kawalan ng interes na uminom ng alak. Kinakabahan pa ako, dahil panghuli akong magsasalita. Baka lasing o wala nang pakialam ang mga tao doon pag oras ko nang magbahagi. At hindi pa sigurado kung magagamit nila ang mga sasabihin ko–hindi ko alam ang lapit ng mga kuwento ko tungkol sa pag-ibig at pagsusulat sa perspektiba ng pag-ibig at pilosopiya. Masaya rin sana kung may aktuwal akong kaibigang naroon, lagi naman akong mas kampante kung may makakasamang pamilyar na mukha. Syempre wala. Kung anuman, pinanindigan ko na, andun na e.
Nanggagaling din siguro ang halong kaba at pagkailang dahil nitong mga nakaraang araw ay muling nakaengkuwentro ng mga kuwentong lampas sa aking alam at nakasanayan. Usaping pamilya at pinansya. Ganoon naman lagi, pag usapang pamilya at pinansya, maraming gulatan. Dapat sanay na ako. Hindi rin nakatulong na sa linggong ito, mula Lunes hanggang sa susunod pang araw ng Linggo, dire-diretso ang pasok sa trabaho. Nasanay na rin akong hindi nag-uuwi ng trabaho tuwing weekend. May MA class na ngang tinuturuan pag Sabado, sana’y ang natitirang oras na iyon hanggang Linggo ay oras para maging tahimik at mapag-isa. Ngayong hindi nangyari ito, may tendensiyang maging grumpy. Tingin ko nga’y nasungitan ko ang isang kasamang guro kahapon, paano’y sa gitna ng pag-iisip ko tungkol sa planong pagtulong sa mga bayarin ng pamilya’y sumisingit siya ng kanyang pakiusap na i-pictorial siya nang hiwalay at i-photoshop ko na lamang ang larawan niya sa group photo na kukunan ko naman bukas. Hindi siya kasi makakarating sa nakatakdang araw ng photoshoot para sa inihahanda naming kumperensiya sa departamento. Nasabi kong ibang gawain at mabusisi ang hinihiling niya, at dahil ang hiling ay may tonong utos na rin, sa estado ng utak ko kahapon, alam kong naging mas mataray kesa karaniwan ang paraan ko ng pagpapaliwanag.
Ganoon ang bagaheng dala ko sa symposium na pinuntahan ko kani-kanina. Mag-isa, may mga nakabinbing bayarin, may mga katrabahong nakairingan. Hindi pa sigurado kung may magiging intersadong makinig. Kung anuman, nag-abang ako. Bahala na.
Unang naging tagapagsalita si Prop. Michael Stephen Aurelio ng Ateneo de Manila University. Ginamit niyang frame sa kanyang pagsusuri sa pag-ibig ang mga pananaw ni Jean-Luc Marion. Wala akong narinig na sinabi niyang hindi ko sinasang-ayunan. Nakukuha ko ang punto tungkol sa pag-ibig bilang repleksyon at ekstensyon ng sarili, sa totoo’y naituturo ko rin ang ideya ng ekstensyon at repleksyon sa ibang mga klase. Pero dahil may hawig siya kay Richard Poon, ang naiisip ko lang na itanong ay kung kamusta na si Maricar. Hindi ko siyempre tinanong iyon. Natatandaan ko rin na may ilang bahagi sa pagsasalita ni Prop. Aurelio na nagbanggit ng paliwanag at mga paghahayag ng kanyang pag-ibig sa kanyang asawang kasama niya sa okasyon. Hindi si Maricar ang asawa niya.
Sunod na naging tagapagsalita si Prop. Joseph Guillermo. Ang pagtalakay niya kay Marcuse at ang usapin ng Eros at Thanatos ay naging mas madali para sa aking sariling pag-uugnay dahil gaya ko, tinatahi ni Prop. Guillermo ang kanyang leksyon sa iba-ibang disiplina. Marunong siyang tumuhog sa mga libro, pelikula, at isyung alam at may epekto sa mga taong nanonood at nakikinig. Maganda ang kabog ng attitude sa presentasyon, at napahalagahan ko ang pagbanggit niya ng mga isyung gaya ng edukasyon bilang lunsaran ng mga mala-makinang tao, at ang pagtanggap sa mundo bilang mundong may estetikong halaga, hindi lamang halagang nakadisenyo para pagkakitaan tayo. Higit sa lahat, medyo kamukha ni Prop. Guillermo ang kaibigan kong guro’t manunulat na si Dennis Aguinaldo.
Sa pagitan, may mga pagtatanghal. Nagustuhan ko ang pagtatanghal pagkatapos ng aking pagbabahagi, dahil pinaunlakan nila ang pagpapatugtog ng Pare Ko. Vin the Human ang nakalagay na pangalan sa programa. May nagtanghal din mula sa Jubbakill at kumanta si Micah Tolosa ng kantang A-team na pamilyar dahil kinakanta lagi ni Laurence Castillo sa videoke.
Noong ako na ang nagsalita, ayun nga, kabado at umiinit ang tenga. Naupo na lang ako at hindi kayang magpaliwanag nang nakatayo. Nagkuwento ng kaunting proseso sa pagsusulat, nagbahagi ng isang sanaysay mula sa librong hindi pa lumalabas. Iniisip ko kung bakit may kaba. Baka nga dahil sa ang punto ng papel ko ay ang struggle o ang pakikipagbuno ng manunulat na hanapan ng saysay ang ideya ng pag-ibig (bukod sa iba pang mga bagay) sa pamamagitan ng paglikha at pag-uulit-ulit na paglikha ng mga karanasang maaaaring hindi laging masaya o magaan. Baka alam ko ito, baka alam kong magiging mas mahirap ang paulit-ulit na paglikha ng mga alaalang isinulat kapag binabasa ito nang malakas sa mikropono. Baka mahusgahan. Baka walang makinig. Kung anuman, binasa ko pa rin.
***
Ikaw ang Up-Up-Down-Down-Left-Right-Left-Right-B-A-B-A-Select-Start ng Puso Ko
Vlad Gonzales
“Napaglalaruan ba ang puso?” Iyan ang unang linyang mababasa sa isang planong libro. Isang aklat tungkol sa mga laro ng puso. Manual o workbook, para sa mga may nais ikonsulta, sa mga may tanong na hindi mahanapan ng kung anong sagot, mga sagot na makakapagpakalma sa kanilang mga kumakabog na dibdib. Isa siyang proyektong nasimulan noong 2008 hanggang 2009. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nailalabas ang libro.
Ang pag-ibig at pagsusulat ay dalawang puwersang hindi mapaghihiwalay. Sa librong A Lover’s Discourse ni Roland Barthes, ang pagsasalita ay isa sa mga gawi o figures na ikinakabit natin sa konsepto ng pagmamahal. Nagsasalita tayo, nakikipag-usap sa mga kausap na totoo o inimbento, nasa malayong lugar, laging nawawala at tahimik. Nagsasawika tayo ng mga saloobin kahit laging mahirap tumbasan ng salita ang damdamin, dahil may sapat na malasakit, dahil nababagabag at naiistorbo at kailangang gawan ito ng paraan. Ibinubukas ng manunulat ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita, nakabukas na parang may inaabangang dumating. Ang pagsusulat ay isang pakikipagdayalogo sa isang nawawalang kabiyak, isang nilalang na ayon nga kay Barthes ay hindi totoo:
“The Being I am waiting for is not real…
the other comes here where I am waiting,
here where I have already created him/her…”
–Waiting, A Lover’s Discourse
Isang kakatwang banggan, ang magbukas ng sarili, ang mag-abang, ang umimbento ng mga naratibo at pakikipag-usap tungkol at para sa mga nilalang na maaaring wala, na maaaring hindi totoo. Pero bakit kailangang magpatuloy? Kahibangan bang gumawa ng kultural na produkto gaya ng malikhaing akda, lalo ang malikhaing akda tungkol sa pag-ibig, sa panahong may mga puwersa na posibleng mas may bigat, mas konkreto? Susubukan kong ibahagi ang aking proseso ng aking pakikipagbuno sa mga nasabing tanong sa pamamagitan ng kuwento ng aking pagsusulat nitong mga nakaraang taon.
Noong 2008 lumabas ang una kong komersyal na libro, ang Isang Napakalaking Kaastigan. Inilimbag ang librong ito na may itsura at laking mapagkakamali ng mambabasa bilang libro ni Bob Ong, na isang napakalaki nang manunulat sa panahong iyon. Sinadya ng aking editor-publisher ang ganoong pagkakamali. Sinasabi ko ito sa aking mga klase sa Panitikan at Kulturang Popular, ang usapin ng ekstensyon. Ang fans ng mga libro ni Bob Ong, dahil may nakasanayang anyo ng libro, ay maaaring maisalin ang interes sa isang librong kawangis ng kanilang idolo. Isang matalinong marketing scheme. Isang iskemang para gumana. Ang librong ito’y nakaranas ng hanggang anim na edisyon. Bumenta at naging magandang dahilan para magkaroon pa ng kasunod. Noong 2009, inilabas ang librong A-Side/B-Side: ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo. Itong librong nakabase sa mga kanta ng reunion concert ng E-heads ay pinalamanan ko ng mga kwento tungkol sa impact ng musika sa ating paglaki, kung paano tayo napapamahal sa mga salita at tugtog ng mga taong hindi naman natin kakilala pero parang kilalang-kilala tayo at ang mga kuwento natin. Sa mga panahong ito, nakakaranas din ako ng panibagong sitwasyong pampuso, nai-in love. Isang mahabang love letter sa aking minamahal noon ang librong A-Side/B-Side, ang librong kumpara sa nauna ay hindi naging kasingbenta. Siguro isa na nga iyon sa mga babala na may hindi magandang kapupuntahan ang pagmamahal na iyon. Anuman ang mga alam at hindi ko pa alam tungkol sa pagmamahal, sige lang, sinubukan ko pa ring buuin at magsulat nang magsulat. Ang pangwakas ng tula sa librong A-Side/B-Side ay isang hudyat at patikim na rin sa plano kong gawing libro tungkol sa mga laro ng puso:
Ilapat sa iyong recordable CD
saka ipahalik sa iyong felt-tip pen
ang lahat ng puwang, ang di mo masabi,
ang na-mute na soundtrack ng iyong damdamin.
Ang tanging request, huwag nang mag-earplugs
kapag pinatugtog, themesong ng hinagpis
man yan; mag-volume up, speakers ay i-full blast,
di man siguradong nariyan ang ibig
paringgan. Malay mo, e di naman pala
siya nakikinig, at ang tamang “the one”
ng iyong koleksyon ng awit-pagsinta’y
nasa malapit lang pala, sumasayaw
sa pintig ng tugtog na iyong tinuhog,
di pa namalayang siya’y nahuhulog.
Isang kabaduyang petiburgis, alam ko ito. Kinikilala at naisulat/ isinusulat ko ang ganitong mga kontradiksyon—na bukod sa mga usapin ng mababang pasahod sa guro at ibang empleyado, sa enforced disappearances, korupsyon sa gobyerno, usaping pamilya, ayun, nababagabag at natatakpan ng ulap ang maraming bakas ng katalinuhan at katinuan sa paghahanap at sa pag-aabang ng tamang “the one.” Inisip kong magiging magandang proyekto ang pagsusulat ng libro tungkol sa mga kontradiksyong ito, ilapat sa imahen ng laro, dahil nahihilig din ako sa mga usapin ng videogames at mga interaktibong materyal. Sa maliit na bahagi ng isip, may bumubulong pa rin na pag nabuo ko ito, mamahalain na ako ng aking minamahal kahit ni hindi nga niya alam na mahal ko siya.
Naudlot ang produksyon ng libro. Una’y dahil sa namatay ang publisher, at sa pinaka-ironic pa na dahilan—inatake sa puso bago ko pa makumpleto ang libro. Pinanghinaan tuloy ako ng loob. Habang sabay na nagsusulat at naghahanap ng maglilimbag, na-in love ako, sa ibang tao. Na-in love at nasaktan. Nang ilang beses. Nang matagalan. Idedetalye ko mamaya ito, pero sa ngayon, ang pwede kong ibahagi, nagawa ko na ang umpisa at katapusan ng libro, doon ako nagkaproblema sa ano ba ang ipapalaman sa gitna.
Habang hindi pa ako makasulat ng aking pinangarap na librong tungkol sa mga laro ng puso, nalipat ang aking atensyon sa pagsusulat ng mga dula. Mga adaptasyon ng iba-ibang tekstong pang-entablado. Kung anuman ang aking mga reklamo sa usaping romantiko, ibinuhos ko ang lakas at katinuan sa pagbuo ng mga nasabing adaptasyon. Hinalukay sa sarili ang mga kuwentong minamahal ko rin, bukod sa isang romantikong relasyon. Sa aking pagbabalik-tanaw, nakikita kong tumatak talaga sa akin ang pagbisita ko sa isang writing workshop noong 2009, isang palihan para sa mga kamag-anak ng desaparecidos, o iyong mga sapilitang pinaglaho ng gobyerno. Noong nagsusulat ako ng mga adaptasyon, habang hinihintay ang pagbuo at paglabas ng aking ultimate love manual, sila muna ang kinatha ko. Sa dulang Elevator Action noong 2012, inilakip ko sa kwento ng dalawang hired killer ang kwento ng estudyanteng buntis na dinukot, ginahasa at pinatay; noong 2013 naman, sa dulang Pitong Patibong ay tinimbang ang mga kasalanang nagagawa ng petiburges na gustong pumasok sa showbiz, mga isyu gaya ng pagpapapayat para makuha sa ad ng Tuna, pagpapahipo sa mga host gaya ni Willie Revillame para hindi masipa sa noon time show, pagpigil sa galit kapag may mga batang pinapag-macho dance para mapagtawanan ng tao at tumaas ang ratings. Iniisip kong nakatulong ang dalawang dulang ito para unti-unting maalala na oo nga, may iba pa pala akong iniibig bukod sa isang nawala/nawawalang kapareha.
Nakatulong ang dulang Pitong Patibong para makuha ko ang una kong dula sa ilalim ng Dulaang UP, ang opisyal na grupong panteatro sa UP Diliman. Sa tulong ng Pitong Patibong, ipinasulat sa akin ang dulang Adarna noong 2013 din. Dito, napaghalo-halo ko ang mga bagay na nagpapatibok sa aking loob. Usaping pampamilya, paghahati-hati sa usapin ng uri at lahi, pagtupad sa pangako, pagtrato sa tao nang hindi bababa sa antas ng gamit o pagiging hayop. Isinalin ko ang lahat ng ikinakikilig, ikinababahala, ikinalulungkot at ikinagagalit ko sa dulang ito. Si Don Juan ay isiniwalat bilang prinsipeng maraming pagkukulang. Siya ay maharlikang hindi naging tapat sa kanyang mga naging kasintahan, at sa tulong ng mahiwagang ibon ay naging lantad ito at iniisip kong naging mas makabuluhang tauhan ang bunsong prinsipe ng Berbanya.
At sa usapin ng pagbabagong-tingin, naranasan ko rin ito pagkatapos na pagkatapos ng Adarna. Noong Setyembre hanggang Oktubre 2013, naoperahan ang tatay ko dahil sa kumplikasyon sa blood sugar. Natanggalan siya ng dalawang daliri sa kanang paa, dumaan sa vascular transplant kung saan ang malusog na mga ugat sa may tiyan ay inilipat sa barado at namamatay nang ugat sa binti at hita. Ang mga dating iniisip kong mahalaga, mga bagay na dapat isulat, biglang natigilan. Bigla, ang pinag-iisipan ay kung gaano kaliit ang kita ng gurong nagsusulat, lalo at papatak ng halos isang milyon ang kabuuang gastos; ang pagharap sa posibilidad na may mahal sa buhay na titigil nang literal ang puso; gusto ko sanang maisulat ang mga sakit at ginhawang kaakibat ng yugtong ito ng aming buhay.
Samantala, nitong 2014, nahilingan akong gumawa ng adaptasyon para sa Trojan Women. Dito, binalikan ko ang aking nasimulang adbokasiya tungkol sa mga taong pinaglaho. Sa dulang pinamagatan kong Mal, siniyasat ang mga digmaan ng pagsasalita at pananahimik na nangyayari sa espasyong birtuwal. Tinalakay ang kuwento ng mga taong dinukot, pinahirapan, pinatay, mga kuwentong posibleng hindi na alam ng marami pagkat natatabunan ng kani-kanilang dina-download na porn, o nilalarong games sa smartphone. Natapos ang dula sa magkahalong paglaya at pagkabitin—may isang magsasakang makakatakas mula sa militar, samantalang ang estudyanteng anak ng isa sa mga tauhan ay mananatiling nawawala habang ang ina ay naghihintay. Patuloy siyang maghihintay at naghihintay.
At habang naghihintay ako sa librong baka napaglipasan na rin ng panahon, tungkol sa mga tao at damdaming maaaring napaglipasan na, patuloy akong nagtitimbang. Kailan ba lalampas sa puro “ako,” ano pa ba ang maaaring isulat, ano pa ba ang dapat isulat. Ano ang mga sakit na parang kaunti lang ang nagmamalasakit. Anu-ano ang mga pag-aabang na naghihintay ng kani-kanilang pagbabalik.
Habang hindi pa ako napapahinga mula sa mga pagkabagabag na ito, iniisip kong nagmamahal pa rin ako.
***
Pagkatapos, binasa ko ang Game Over. Tingin ako nang tingin sa mga opisyal ng org at iniisip kong mahaba na ang mga sinasabi ko. Umuugong ang ingay, pero may mga nakikinig. Paisa-isa, may ilang bahagi na tumatahimik ang karamihan, nakikitawa, nangingiti. Nairaos nang buo. May mga nagtanong, tungkol sa mga award na napanalunan, sa mga dating akdang naisulat. May isa pang may dala ng kopya ng Isang Napalaking Kaastigan. Iniisip kong mas maganda sa inasahan ko ang nangyari.
Kaya siguro, oo nga, ang pag-ibig ay isang bar sa may rooftop ng isang building sa Katipunan, kung saan may isang propesor ng malikhaing pagsulat na magsasalita sa isang forum na tungkol sa pilosopiya, at ang mga tao ay abala sa iniinom na serbesa at mga kanya-kanyang kuwento, umuugong ang palitan ng mga salita habang tinatangkang simulan ng propesor ang kuwentong inilapat niya sa papel. Sa lakas ng ugong, ihihinga ang lahat ng kaya sa mikropono, ihihinga gaya ng paghinga ng saloobin sa dating blangkong papel, hanggang sa may makinig, hanggang sa may tamaan, hanggang sa may makaunawa.














