Naging bahagi ako ng 8th Interdisciplinary Book Forum ng UP Institute of Creative Writing nitong 6 Agosto 2020. Ito ay talakayan tungkol sa isang librong nailimbag ng UP Press, at ang pagtitipon ay inorganisa ng palimbagang ito kasama ng UP Institute of Creative Writing. Para sa IBF 8, itinampok ang librong Some Days You Can’t Save Them All ni Ronnie Baticulon. Ang naging mga tagapagsalita para magbigay ng kanilang pagbasa sa nasabing libro ay sina Vincen Gregory Yu, Sandra Nicole Roldan, Helen Yap, at Mercedes Planta.
Narito ang link sa video ng buong talakayan:
Ang ilan sa mga nagsalita ay nag-upload din ng teksto ng kanilang naibahagi. Narito ang mensahe/pagbasa ni Vincen Gregory Yu.
Si Dr. Baticulon ay nagbigay din ng kanyang mensahe. Marami ang natuwa na ginamit niya ang Filipino para itawid ang matalas niyang pahayag kaugnay sa healthcare at sitwasyon ng bansa sa kasalukuyan.
Nasa ibaba naman ang binasa kong paglalagom ng forum:
Sa isang post ng kaibigang manunulat, naisulat niya ang isang posibleng tanong para sa mga alagad ng sining sa panahon ngayon: who will read when everyone’s dead? Sa maraming antas at anggulo, angkop at totoo ito. Mula naman sa talakayan ngayong araw, may nailalatag na karugtong sa tanong, isang tangkang ipagpatuloy ang pag-uusap. Mula sa sino ang magbabasa kung patay na ang lahat, ang tanong ay nagiging sino ang magbabasa kung walang makapagsusulat, kung walang makapagtatala, ng mga kuwento ng ating komunidad kapag napagtagumpayan na natin ang dambuhalang krisis pangkalusugan at pampamahalaan? Sa isang sanaysay ni Ronnie Baticulon, nagbilin siya sa kanyang mga naging estudyante: never settle for anything less. Pwedeng bilin sa sarili, na huwag maging mediocre at pagyamanin ang disiplinang pinasok. Kapag tinahi sa kabuuan ng aklat at sa naging talakayan ngayong araw, maikakabit natin ito sa paghingi ng pananagutan sa kinauukulan, para sa estado ng ating sistemang pangkalusugan at sa pagtugon ng gobyerno sa mga problemang dulot ng pandemya. Hindi kasalanan ang mag-demand sa mabilis, sistematiko, at mapagmalasakit na tugon sa panahon ng krisis. Hindi malabis ang manawagan sa mataas na kalidad ng buhay para sa lahat.
May mungkahing tingnan ang pagsusulat at ang pag-uusap tungkol sa pagsusulat bilang pahinga at paghinga. Hindi lamang pahinga na walang plano o pagtatasa, kundi paglalaan ng espasyo at puwang para mag-isip, magbigay ng tinig, magtanim ng pag-asa. Ang pagsusulat kung gayon ay isang dagdag na bakanteng upuan sa waiting area ng ospital, o karagdagang kama sa emergency room o ICU; ito ay isang dagdag na scholarship para sa estudyante ng medisinang kailangan pang mag-tutor at magtipid sa uniporme para makatawid sa medical school, o libreng matrikula para naman sa mag-aaral na kailangan pang magbigay ng G-cash account sa Twitter upang may makapag-ambag sa 150 thousand na tuition sa parating na semestre. Muli, pag-asa at pagtindig, hindi pagbuo ng mga ilusyon at pantasya. Hindi terorismo ang magbahagi ng ng kasiguraduhang may higit na mabuting mundo kesa sa daigdig ng kasalukuyan, at na mabubuo natin ito sa angkop at makatwirang panahon sa tulong ng panulat at iba pang pagkilos.
Tunay na pinatitingkad ng kasalukuyang krisis ang paghahati—itong naratibo ng staying home at disiplina ay napaglalaruan at inirereserba sa mga hindi heneral, senador, o iba pang alyado ng gobyerno. Ang kakulangan ng suporta sa mga inaasahang prayoridad ang bumubuo ng mga gasgasan sa pagitan ng mga doktor at pasyente, sa mga empleyado at puno ng negosyo, sa mga may kaya at sa mga naghihikahos. Hindi man sinasadya, nagkakaroon din ng kumpetisyon sa kung sino o ano ang pinakamahusay na disiplina sa ngayon. Sana, ang naitanghal sa aming pag-uusap ngayong araw, may mga disiplinang tunay na may halaga sa kasalukuyan, pero higit na may halaga ang pagkilala sa ambag at interkoneksyon ng mga disiplina, patungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng tao. Parang nasa tapat na natin ang sagot noon pa. Pagkakaisa sa gitna ng panghahati. Sa libro, nabanggit ang “the doctor I do not want to be.” Sa totoo lang, pwedeng ituloy ito sa mga usapang the scientist, critic, educator, historian, writer, and human we want and we do not want to be. At ano itong human o taong ito? Isang taong may malawak na kapasidad sa pagmamahal at malasakit, nakakaalala at nag-aalala para sa iba, makamasa, kritikal, makatao.
Kung gayon, pag sinabing “Some days you can’t save them all,” pwede ring sabihing some days we can’t remember and write them all. At ang good news, mukhang malinaw na hindi tayo nag-iisa sa panawagan at pagkatha ng mundong maayos ang healthcare, edukasyon, at mga batayang karapatan ng mga mamamayan. Kaya, we should not, we must never stop trying. Patuloy na magsalaysay, umalala at mag-alala, para sa iba.
Isulong sana natin ang mga tinitindigang panawagan sa isang makataong mundo, anuman ang ating disiplina. Sa kaso ni Ronnie, bagaman litaw na mahirap hubarin nang lubusan ang pagkadoktor kahit na kailangan din niyang maging malikhaing manunulat, ang hiling ay makabuo tayong lahat ng isang support system na magbibigay sa mga proyektong gaya ng Some Days You Can’t Save Them All. Isang komunidad na magbibigay ng pagkakataong mabasa, mapag-usapan, mailapat sa ibang mga karanasan, makahinga, mahingahan at mabigyan ng buhay ang mga kasunod pang malikhaing pagtatangka. Kasama ni Ronnie, sana lahat tayo’y patuloy na makaaalala at mag-alala, magmalasakit, at anuman ang anyo’y makalikha at makapagbahagi ng mga makatao at mapagpalayang istorya.