Ipinaalala ng Facebook Memories na noong 2011, naging palapatol ako sa 31 Day Buwan ng Wika Writing Challenge. Isang akda sa Filipino, kada araw ng Agosto, ganoon lang naman ang panuto ng hamon. Mahirap, lalo kung seseryosohing kada araw ay may nai-upload na sana. Sa panahong ito, mukhang na-activate ang fan writing self ko, kaya nahalukay ang mga napanood na palabas, mga pelikula at TV show na nagkaroon ng malaking epekto sa akin.
Hindi ko na matandaan kung ano ang mga nangyari nitong 28 Agosto 2011, o sa mga araw bago sumapit ang petsang nabanggit, pero sa kung anong dahilan ay mga pelikulang may kabigatan ang naisip gawan ng mga piyesa. Ang isa ay mula sa REQUIEM FOR A DREAM (baka ang sentimiyento tungkol sa nanay ang tumatak), ang isa naman ay doon sa DONNIE DARKO. Narito ang mga piyesang nabalikan ko ngayong araw, na ibinabahagi ko naman sa inyo, kung sinuman ang nagbabasa ngayon:
REQUIEM
Dahil panaginip ang droga ng buhay, at ang droga’y hindi nakukuha nang walang kapalit, yayakapin ko ang bawat idlip na ako’y nasa dalampasigan. Sa tabi ng dagat na laging asul ang tubig, laging maaliwalas ang panahon, laging may kilig sa dampi ng hanging maalat at malamig.
Naroon ang aking ina (ang ama’y wala—lagi namang wala ang ama kahit sa panaginip), suot ang kanyang pinakamagandang pulang bestida. Pagkapayat-payat niya sa mga oras na iyon! Ilang taon na nga rin palang hindi niya napagkakasya ang sarili sa bestidang pinaliit ng panahon. “Gumagana ang diet n’yo ha?” Sasabihin ko ito sa kanya’t makikita ang kanyang pinakamakinang na ngiti. Walang makayayanig sa kanyang bakas ng ligaya.
“Kamusta ka?” Nakangiti pa rin siya pag tinanong na niya ang kanyang paboritong tanong. Ikukuwento ko ang aking kasintahan, kung paano siya nagsabi ng “oo” sa aking proposal, ang malaki kong kita sa aking business, ang aming pinaplanong pagpapakasal. Yayakapin niya ako, ang aking inang nasa pulang bestida, lubos ang kaligayahan. “Magsisimula na ang palabas,” ibubulong niya sa akin. Magkadikit ang katawan namin na parang nasa akto ng pagtatalik.
Dagundong ng palakpakan. Plakadong tugtog. Nakasisilaw na liwanag ng stage lights. Maririnig ko ang tinig ng host, kinakausap ang aking ina. Hawak-hawak niya ang larawan namin noong ako’y nagtapos ang kolehiyo, ang unang pagkakataong isinuot niya ang pulang bestida. Magsisimula na raw ang laro, kinuha ng host ang larawan. Binubulag ako ng matinding liwanag. Sa mga saglit na pagkasilaw, kumikislap ang mga imahen ng putol na braso, dilaw at nangangatal na ngipin, mga katawang hubad at nagtatalik, kami, ako, ina, kasintahan, nakahiga, magkakahiwalay, nakabaluktot na parang sanggol na isisilang pa lang.
Ito ang hudyat ng nalalapit na paggising.
FRANK
Tubig ang lihim ng panahon. Hamog sa umaga, sa isang kakahuyang hindi mo matandaan kung paano ka napadpad; pawis sa mainit na silid, palitan ng laway sa isang basang halik; kutsilyo sa sikmura, mainit na dugong umaagos. Tubig sa alaalang madulas, hindi sigurado kung maikukulong sa utak o lalagaslas sa limot. Tubig na katawang sumisirko-sirko sa higaan, hindi sigurado kung bakit kahit pagod ay mailap pa rin ang antok.
Tubig ang mga pinsalang hindi nababanaag ng karaniwang pananaw. Pagkat panatag ang tao sa batas ng mga empirikal na pandama, hindi nila makikita ang mga linyang dumadaloy sa bawat sakuna at panganib. Mga batang tinatamuran sa tapat ng kamera. Ipo-ipong lumalamon ng mga siyudad. Makina ng eroplanong hahatakin ng grabedad habang nasa himpapawid.
Sa gitna ng lahat ng sakuna, tayo’y nakaupo sa sinehan, isang pelikula tungkol sa mga zombie. Hindi lahat ng nakaupo’y nakikita ang pagdaloy ng pag-ibig mula sa palabas tungkol sa mga buhay na patay.
Sinasabi ko ang lihim na ito bilang isang hiling. Isang dalangin na gigising ka isang umaga mula sa pagkakahimbing, magigisng at mapapangiti dahil malay ka sa unibersong mailuluwal o lalamunin sa iyong simpleng desisyon—matutulog pa ba, o babangon? Desisyon mo ang punglong sasalba o pupuksa sa aking mga matang nakikita ang mga bagay na hindi nakikita ng lahat.