Naimbitahan ako ng kaibigang si Kristian Cordero sa lunsad-aklat ng POP: Pilosopiya, OPM, Pag-ibig, nina Michael Stephen G. Aurelio at Patrick Vance S. Nogoy, SJ. Bukod sa alam ni Kristian ang interes ko sa kulturang popular, batid din niyang noong unang panahon ay may kahawig akong proyekto—ang koleksyon ng mga sanaysay na pinamagatan namang A-Side/B-Side: ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo. Kaya bukod sa pagiging tagapanood, kasama sa paanyaya ang magbigay ng review sa koleksyon.
Nasa ibaba ang mga bahaging nabasa ko mula sa ihinandang review:
Mahirap hindi magsenti at masenti dito sa proyektong P.O.P. – Pilosopiya, OPM, Pag-ibig. Tuhog na tuhog nito at may bukas-kamay na paanyayang bumalik at balikan ang panahong sa aking karanasan at pagtataya ay buhay na “mas simple lang,” habang sabay na pinapaalalang gaano man karaming dekada ang naipon, anumang degree o award o laki ng suweldo ang makamit, minsan ay may mga tao at tagpong makakaengkuwentro at magpapaalala sa atin ng mga tanong na akala natin ay mas dadali kapag nalampasan na natin ang buhay-elementarya o sekundarya—mga tanong tulad ng “maganda/ guwapo ba ako,” “kamahal-mahal ba ako,” “gusto ba ako ng gusto ko?” Ang short version nitong misteryo at baka ng tampok na aklat mismo—palaging mailap ang mga tiyak na sagot, natututo lang tayong magdiwang sa mga saglit ng pag-iisa, sa mga sandali ng katahimikan, at sa mga halinhinang sundot ng musika, pelikula, literatura. Baka ang pagdiriwang sa pag-ibig ay pag-ako sa salimuot nitong mga bagay at damdaming palaging mahirap pangalanan, pero palagi ring tinatangkang maunawaan.
Ehersisyo sa intertext at kumplikasyon ng damdamin at alaala, gayon din sa pagbanaag at pananalamin sa magkakaiba pero magkakahawig na mga pakikipagbuno itong libro. Ako mismo, sa pagbabasa, hindi maiwasang balikan ang naisulat sa naikuwento kong proyekto, at ang buhay na ikinakabit sa pelikulang naganap sa isang pinaglipasan nang record store:
“…Nakakatuwa, kasi halos buong pelikula ay naganap lang sa loob at paligid ng record store, at puro mga kabit-kabit na eksenang parang wala namang masyadong tinutuhog na kung anong punto ang ipinapakita. Pero malupit pa rin, lalo na pag isinisingit-singit nila ang kantang ‘Til I Hear It from You’ ng Gin Blossoms. Nakakatuwa rin yung kantang yun, kahit di ko naman kabisado ang lyrics at di ko maikanta nang buo’y nahahatak pa rin ako kapag napapakinggan ko siya. Nakakabilib yung mga ganung bagay, yung pag naranasan mo, napanood o napakinggan o nabasa o kung anuman ay parang may kung anong kinakalabit sa loob-loob, parang may ipinapaalalang bagay na masaya, masaya kasi naranasan mo, kasi naranasan mo at nalampasan mo’t nakaraos kumbaga, napaglakihan; at kasabay ng saya, may lungkot din, malungkot dahil ipinapaalalang may mga bagay na lipas at lumipas na, may mga pagkakataong hinding-hindi na maibabalik dahil natuldukan na, pero naaalala mo pa rin.”
Nag-iiba nang bahagya ang mga awitin, pero magkakatulad lang din ng damdamin. Kung may Ariel Rivera, baka Gin Blossoms o Eraserheads sa iba; kung may Apo Hiking Society, baka may Tina Turner o The Corrs o Regine Velasquez; kung may Haji Alejandro, baka may Keane o Sugarfree. Pero lagi’t lagi, anuman ang mangyari hindi mawawala ang mga kuwento’t alaalang kaugnay ni Sharon Cuneta.
Si Ate Shawie at ang Bituing Walang Ningning ang una kong danas sa panonood ng sine, noong ang sine ay hiwalay pa sa mga mall, noong ang cassette player pa lamang ang katumbas ng Spotify o Apple Music, noong ang mga pangarap pa lamang ay mabili ang bisikletang kulay asul mula sa isang malayong Tindahan sa Novaliches. Halo-halong pakiramdam at alaala ang hatid nitong danas tungkol kina Dorina Pineda at Lavinia Arguelles—ang pagtataka kung bakit kahit may bulutong-tubig ay nagkayayaan ang nanay at tita na manood sa sinehan; ang ngitngit at irita sa eksena ng buhusan ng alak habang sinasabi ang “you’re nothing but a second rate, trying hard, copycat!;” o ang montage ng paghihiganti ni Dorina na nag-umpisa sa pag-aaral niya ng mga tonguetwister sa Ingles; o ang pagpapatawad sa huli ni Dorina kay Lavinia na matatapos sa pag-aabot ng mikropono at pag-duet ng title song. Ang mga sumunod na dekada ay mga baryason at repetisyon na lamang ng pakikiramdam, pagsasakripisyo, panibugho, paglilimi, pagpapatawad. At kahit pa darating tayo sa puntong medyo mambabasag-trip ang mga siyentista o ang mismong kasamang manunulat (sino na nga ba ang nakabasa rito ng Dead Stars?”, mas marami ang pagkakataong iisipin at titindig tayong ang ningning ng mga bituin ay hindi kisap ng namatay na pagsuyo, kundi tanim ng pag-asang may sapat na liwanag ang pagmamahal—sa pamilya, sa iniirog, sa komunidad, sa sarili—para itayang ang pananatiling buhay sa mundo ay marapat at makatwiran.
Sa huli, laging may paalala na ang akto ng pagsusulat, ng pagsasawika, ay akto ng pag-ibig. Tayo ay nagmamalasakit, nag-aalala, nagpapahayag ng mga kumbinasyon nitong paghanga-pagtataka-panibugho-pangungulila-kapanatagan-kaligayahan (sana, sana all maligaya), umiibig kaya itinatangkang ilapat sa mga salita ang lahat ng damdaming malikot at mailap hanapan ng saysay o lohika. At sa kakulangan ng mga sariling salita, nariyan ang pagkilala at pakikiramay mula sa mga kasamang nakakaranas at iminumuwestra ang parehong dusa—silang gumagawa ng mga kritika, larawan, pamimilosopiya, ng musika. Nakikilala natin ang pakikipagbuno sa mahirap-ipaliwanag na danas ng pagmamahal, at ipinagdiriwang natin na oo, minsan tayo ay parang mag-isa pero sa kabilang banda ay hindi nag-iisa. Kaya, mabuhay tayong ninanamnam at sinisikap maunawaan itong mga kaisipan at danas sa misteryong damdamin ng ating pag-iral o pagmemeron; meron ding kapanatagan sa pag-upo sa sasakyan o paghiga sa kama ng silid, naka-full blast ang radyo, nakikinig sa musikang nagtitimpla sa sarap o sakit ng misteryong minsan ay nakasentro sa bakit hindi na lang ako, bakit hindi na lang tayo.
Pagbati, Michael Stephen G. Aurelio, Patrick Vance S. Nogoy, SJ, Kristian Sendon Cordero, Ateneo De Naga Press at sa lahat ng tao, alaala, at musikang nagsanib para mabuo ang aklat na ito. Nais kong isiping sa ganitong mga akto, palaging may nailuluwal na mga mas mabuting mundo.
***
Bukod sa naalala rin ang isang lumang piyesa (na hindi na binasa dahil kahit medyo swak sa tema ay kapos na sa panahon), nabanggit ko rin ang isang “adlib” na base sa pagkukuwento ng mga tagapagsalita sa okasyon, tungkol sa isang gurong naging inspirasyon sa kanila sa pagsusulat at gayon din sa buhay. Sa aking pasakalye, nasabi kong nakakatuwang makarinig ng mga mabuting kuwento tungkol sa isang taong naging mabuting impluwensya sa buhay ng mga naroon sa pagtitipon. At sa gitna ng maraming pansariling pangarap, naisip kong higit na makabuluhang adhikain ang mangarap na maging isang taong lalamanin at magiging paksa ng maraming mabuting kuwento. Naisip ko, sana, maging ganoong klaseng tao ako.