Hinga

Sa katatapos lang na UP National Writers Workshop, napakinggan ko ang pagkukuwento tungkol sa mga tulang umiinog, o iniluwal ng, o may pagpaparamdam sa, danas na may kaugnayan sa pagiging nanay. Ilang araw bago ang sesyong ito, sa pag-uumpisa ng palihan, ibinahagi kong ang ganitong mga pagtitipon ay isang anyo ng “pahinga” mula sa paroon at parito ng aming mga karaniwang mundo—isang linggo kung saan ihihiwalay kami sa aming karaniwang kaligiran, gagawing komportable ng libreng pagkain at tirahan, para pag-usapan ang mga sariling isinusulat, para itrato bilang may halaga ang mga nililikhang panitikan. Sabi ko, kung hindi pagtakas sa mga masalimuot na reyalidad, isa rin itong pagpuwersang harapin ang mga proyektong sulatin na baka sinasadyang takasan—iniiwasang buuin dahil sa duda, takot, kakapusan, o anumang kombinasyon at baryasyon ng mga nabanggit.

Sa pagkukuwento tungkol sa mga tula, kapansin-pansin ang pagbabanggit ng mga tao, bagay, pangyayari, mga pananda ng personal na danas (baka masyadong personal), sa isang paraang parang sinadyang maging masyadong personal para maunawaan. Masyadong personal, pero sa isang banda’y personal sa puntong may ekspektasyong kilala mo rin ang binabanggit na mga tao, bagay, pangyayari. Hindi ikaw ang kinakausap, pero kung nagkataong maabot ng pananaw o pandinig ang usapan ay hindi ka itataboy, bagkus ay iimbitahan ka pang maging kabahagi nitong ugnayang nakasalalay sa mga kuwentong pribado na hindi, personal pero pamilyar din kahit ikaw ay bagong-salta o bagong-dating. Baka kasama sa danas ng paghahanap at pagpili sa ina ang pakiramdam na palaging may mga salitang hindi man sa iyo unang inilaan ay maaaring magsilbing kaibigan, kapanatagan, pahingahan.

Sa naisulat kong dula, nasabi ng isang tauhan, “Pahinga ba o paghinga? Aba’y dapat linawin. ʾPagkat iba ang bayad sa paghinga ng hangin at iba rin ang presyo kung pahinga na pagtulog o pananatili ang ibig sabihin.” May kapalit ang pahinga/paghinga dito sa hinirayang mundo ng dula, at gaya ng palagiang interes ay magsasanga-sanga itong paghingi ng kapalit sa iba’t ibang istorya. Minsan, malabis ang hinihinging kapalit sa pahinga/paghinga, kahit pa hindi malinaw minsan sa naniningil o sinisingil kung alin ba sa pahinga/paghinga ang nais; anuman ang tunay na pakay, dinadala ako nitong pag-uugnay/ paghihimay sa pahinga/paghinga sa mga ehersisyo ng katawan at salita kung saan parang ginagawang mahiwaga itong mga kombinasyon at baryasyon sa salitang “hinga.” Ilang hinga paloob, ilang hinga palabas, ano’t nababaluktot ang katawan at salita sa mga posisyon at espasyong sa umpisa’y hindi nahirayang maaabot? Baka kaya tinatrato bilang pahinga ang mga kuwento at tao—baka minsan ay usapin siya ng pag-anyaya, pagpapaluwag, at pagpapalawak ng sariling mundo, para mapuno ng mga bagong kuwento at tao. Kaabang-abang ito, ang mailagay sa estadong pinalaki/lumaki ang sarili upang maging lunan nitong iba’t ibang kumbinasyon at baryasyon nitong “hinga.”

Kung mas maraming oras at mabait ang pagkakataon, uulitin ko na naman ang pagkukuwento kung saan ang pagmamahal, ang pagkukuwento, ang pag-aabang, lahat ng ito ay naikakabit sa katangian ng pagiging ina. Nagmamahal/ may minamahal kaya isinasawika; may inaabangang pagdating—isang makabuluhang kausap o kakuwentuhan, isang ideyal na karelasyon, isang pinapangarap na perpektong mundo—na palaging hindi pa/hindi na dumarating, kaya pinupunuan ang hindi mapunuang kawalan sa pamamagitan ng paglikha ng mga kuwento, dula, tula. Masalimuot itong siklo ng pagmamahal-pag-aabang-pagsasawika, kaya baka may kasamang pananalig itong hinahabing pagbabalik. “Ikukuwento ko sa kanya ang lahat ng ito, kapag siya’y nakabalik,” sinasabi natin sa sarili kahit minsan mailap at maulap ang aktuwal na pinatutungkulan. Iniisip ko ang mga ganitong bagay habang inaalala ang nakaraang mensahe ng aking nanay. Balita niya, ang halos padalawang linggong ubo at sipon ay na-diagnose bilang pulmonya. Ikinuwento ko sa ilang kaibigan itong hindi inaasahang paninikip ng hininga.

May pamilyar na kombinasyon ng init, liwanag, at dampi ng hangin sa kapaligiran ng unibersidad kanina, noong hapong pumasok ako para magturo at magtrabaho. Sa pagpaparoon at pagpaparito, napatingin sa iba’t ibang memes at reels sa social media, itinabi sa save tab at sa sariling alaala ang mga post na naisip kong ibahagi sa mga kaibigan—pero isinantabi muna, sa magkakaibang dahilan; naalala ang pag-uusap sa GC kasama ang mga dating estudyante, kung saan may isang bumababa ang platelet dahil sa dengue, at nagkataong ang tipo ng dugo ko ang katipo niya’t posibleng makalutas sa nararanasang karamdaman; naalala ang meryendang pansit canton at ang naging mas mahal na hapunan, kasama ang mga kaopisina at kaibigan, ipinagdiriwang ang ilang pangyayari at taong sa esensya ay kasama pero magkalayo ang aktuwal na katawan. Masaya, naisip ko, isang masayang araw naman. Ikukuwento ko nang buo at mahabaan, kung may pagkakataon, sa lahat ng hinintay na makauwi, sa lahat ng inabangang makarating. Sa isip ko, mauubos din naman itong mga salita at kuwento, pero lilikha at lilikha pa rin ako, magluluwal nang paulit-ulit, hanggang sa kaya ng hininga ko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.