Kay Princess Arguelles, Kung Bakit Kalilimutan Siya Pagkatapos Basahin Ito*

Hindi mukhang prinsesa si Princess. Mukha siyang professional wrestler, yung lalaki. Matangkad, malaki ang katawan, maiksi ang kulot at naka-gel na buhok. Mukhang matanda para sa isang first-year high school. Si Mark Joseph naman, nasa tipo ng itsura ang pagiging kengkoy sa klase, ang class clown, ang kaklaseng hahayaang madapa o madulas ang sarili o magkunwaring hindi alam ang sagot sa recitation o magmamali-mali ng pagsasalita ng Ingles para mapatawa ang mga kaklase. Hindi sobrang pangit, walang matingkad na kapintasan, may sapat lang na mga katangian para makutusan o maimbentuhan ng mga bagong pangalan paminsan-minsan. [...]

Sa Casa Fantastica*

Oo. Ganyan ang batas ng Casa. Kung isang araw man ay sabay tayong magkita doon sa labas, hindi na tayo katulad ng tayo dito sa loob. Mag-aaksaya lang tayo ng oras sa mga sandali ng ating pagkikita. Magpapalipad lang tayo ng mga walang kalaman-lamang salita, tulad ng pagkagusto mo sa mahabang diretsong buhok ng kaklase mong si Piya Constantino o ang hilig niya sa pagkain ng ice cream na gawa sa gatas ng kalabaw. [...]

Limpak-limpak na Leksyon sa Ulan

Ano nga ba ang makapagpapasaya sa mga taong naghahanap nito? Dati, ang konsepto ko lang ng buhay-kolehiyo ay ang makapasok, makita ang UP Sunken Garden, at aksidenteng maabutan ang Eraserheads na nagja-jamming doon. Wala pang konsepto ng hinaharap, wala pang paki o ayaw pang magkapaki sa kung magiging doktor ba o kung anuman sa kolehiyo. Kaya hayun, sa mga unang buwan ng pagiging Isko, lost na lost na lang. Parang sanggol na pinakawalan sa napakalaking gubat. Minsan, habang nag-aabang ng sasakyan, habang nakatulala, hayun at nagsimulang umulan. Hindi pa rin ako makaalis, paano’y nasa pila na ng dyip, mukha pa akong tanga, dahil walang payong o kapote na dala. [...]

Marunong na Akong Mag-unlitxt, pero hindi pa rin Marunong Umibig ang Puso Ko

Nakakatuwa kung iisipin, kung magiging pilosopo lang. Na susunod ang isang tao sa isang bahagi ng katawang nakakulong din naman, presinto sa sarili nitong ribcage at sa pumpon ng mga maselang organo, pero kahit ganito’y pagkalakas-lakas pa rin ng bulong, kay lakas mang-istorbo ng pangungulit na kumawala. Nakakatuwang pansinin ang ganitong parikala, tulad ng nakakatuwang pansinin ang mga kaakibat na paralelismo. [...]