Mula sa Librong Hindi na (Yata) Mailalabas

Siguro’y kasingsimple lang nito ang pangarap mo dati: makakuha ng “star” mula sa pagdrowing ng straight lines at curved lines, o sa pagsulat ng mga ABC at 123 noong Kinder o Grade 1; manalo sa palabunutan ng mga goldfish sa tabi ng eskuwela habang ngumangata ng dalawang pisong singkamas o manggang hilaw; umuwi sa bahay at isaksak ang cartridge ng Megaman 3 sa Family Computer (hihipan-hipan muna ang ilalim bago isaksak, alis-alikabok), at ipasok ang password na inaral nang ilang linggo para makapunta agad sa stage ng big boss na si Dr. Wily—Blue sa A1, B2, A3, B5, D3, D4, Red sa E1 at F4; [...]

Mga Ligalig sa Paglikha ng Kaligtasan

Kapag may “binabakla,” may inuusisang kasaysayan at kaayusan, may tangkang lumaya at maging mapagpalaya pero may mga pagkakataong nagiging mapanupil din at nagiging bukas sa pagsupil, kahit inaakalang nakaligtas na. Siguro, sa panahong nakapadali na lamang ikahon ang anumang pagkilos at opinyon sa mga kahon ng “Dilawan” o “DDS” o “komunista,” baka itong binaklang pagtitimbang ang direksyong marapat tahakin. Pagkat posible naman, baka maaaring paunlakan, na ang tugon sa isang macho, war-freak at double-speak na pamunuan ay isang klase ng panitikang umaandar sa mga siklo at proseso ng pagtitimbang, paglilihis, pagpupuna, pagbabagong-bihis, hanggang sa muling pagtitimbang at pagpapatuloy ng proseso. [...]

Ang Araw na Ipinagpalit Niya si Sailor Moon para kay Alanis

At tinangka kong mairaos ang buhay. Sinubukang magpatuloy sa mga pagpapabibo sa klase at extra-curricular activities, isinabay ang pag-aaral ng table tennis para may ibang larong alam bukod sa hindi-panlalaking volleyball, sumagot sa mga eksamen at homework at nakipagbiruan at nakipagtawanan hanggang sa abot ng makakaya, para magmukhang maayos ang lahat. Ang mga tagapagtanggol ng buwan ay nag-aalaga ng dakilang sikreto. Hindi ko dapat ikalat sa mga tao ang aking secret identity. [...]

You Want More Fans, I Want More Stage*

Kapag naisalang ka sa ganitong uri ng pampublikong pagtitipon, nagbubukas ang mga puwang ng duda–makakahatak ba ako ng mga taong dadalo, may nagbabasa/magbabasa ba talaga sa mga isinusulat ko, magkakaroon pa ba ng mga pagkakataong katulad nito, sa ibang mga pagkakataon? At naroon ang sabay na lungkot at pagka-guilty, kasi sa loob-loob mo/ko, minsan sumasagi sa isip ang maging hindi lamang manunulat na may gustong sabihin, kundi taong may di-maaming maging sikat o magpasikat. [...]