Talon*

February 29, 2008.  Katulad ng dati.  Birthday ng Nanay.  Si MC at ang fourth floor ng AS na pinasara dahil sa mga nagpapakamatay.  Hindi pala babae si MC.   Wala nang classcard dahil online na ang grading (mas masarap pa rin daw ang pakiramdam ng nahahawakan ang classcard).  Nagmahal na ang tuition sa UP, mula 300 ay naging 1000 hanggang 1500 pesos (baka mas maraming fourth floor daw ang dapat harangan at maraming mapapatalon sa kamahalan, sabi niya).  May mga estudyanteng dinukot ng militar, halos dalawang taon na silang nawawala (umiiling-iling siya noong sinasabing sana may makanap sa kanila).  Nagkaroon kami ng 20000 pesos na bonus dahil sa sentenaryo ng UP (pareho kaming hindi magaling sa Math pero sa kuwenta namin ay kulang pa iyon sa 15 units kung 1500 pesos ang tuition).  Ang pamasahe sa Ikot, limang piso na (sabagay, sabi niya, marami na namang de-kotse). [...]

Isang Hapon Bago Mag-Lunes

Nag-iba nang bahagya ang timpla ng tinig niya noong nasabi kong baka hindi ako makadalaw sa susunod na linggo, pero agad namang bumalik ang sigla noong ikunukuwento na niya ang pabaong adobong manok, mga damit na naplantsa noong nakaraang gabi, hopiang may palamang pastillas. Matulog daw ako nang maaga, sabi ni Mama, para hindi ako mapuyat. [...]